Part 2

1K 53 2
                                    

BAGO MANANGHALI ay nasa Caticlan na siya. Pila ang mga pasaherong patungo sa isla ng Boracay. Noon niya naisip na kung mas mamahalin ang hotel na pinili niya ay hindi sana niya mararanasang pumila pa. Ang ibang hotel ay may sariling bangka na nagpo-provide ng service sa mga guests nito.

Sa pangalawang bangka pa siya nasakay. Panggitnang upuan ang pinili niya upang maiwasan ang pag-alagwa ng tubig kapag umandar na ang bangka. Tahimik lang siyang nakamasid sa iba pang pasahero na sumasakay. Iba't ibang ekspresyon ang nakikita niya. Nakakahigit ang mga excited na makarating sa isla.

Nang umandar ang bangka ay ipinaling niya sa labas ang tingin. Hindi niya alam kung bakit matapos lamang ang ilang sandali ay nakadama siya ng pagkailang. Tila may mataman na nakatitig sa kanya.

Pasimpleng iginala niya ang paningin sa ibang pasahero. Naghahanap siya ng mukha doon na baka pamilyar sa kanya. Subalit puno ang bangka. Hindi niya nagawang tingnan ang lahat ng kasakay niya.

Pinalis na lang niya sa isip ang ganoong hinuha at inihanda ang sarili sa pagbaba nang makita ang west coast ng isla.

Bumababa na sa si Rachel nang idaong ng bangkero ang bangka sa Terminal 3. Doon malapit ang hotel na tutuluyan niya.

Isang di-kalakihang bag ang dala niya. She traveled lightly. Natutuhan na niya iyon buhat nang magtrabaho siya sa Womanly at mabigyan ng kung anu-anong field assignment.

Sa isang kamay niya ay mahigpit ang hawak niya sa isang mas maliit na bag. Laptop computer ang nasa loob niyon. At pinakakaingatan niya nang husto. Hindi siya nahirapang hingin kay Maia na isyuhan siya ng laptop. Para kay Maia, walang hindi basta kailangan ng staff ng Womanly.

Mahalaga sa kanya ang laptop sapagkat iyon ang nagbibigay-gaan sa trabaho niya. Karaniwan nang bago siya umalis sa isang lugar na pinuntahan ay natapos na rin niya ang dapat niyang isulat---at kung minsan nga ay naipasa na niya sa publication dahil na rin sa convenience na hatid ng laptop.

Natawid niya ang buhanginan at patungo na sa beach path kung saan maraming sumasalubong na lokal upang alukin siya ng matutuluyan.

"Cottage, ma'am?" pangungulit pa ng isa kahit panay na ang tanggi niya.

"Ihatid mo ako sa Paradise Garden," wika niya sa driver ng pedicab na sinenyasan niya.

Pasakay na si Rachel doon nang mabunggo siya ng isang malaking bag ng pasahero na galing din marahil sa bangka.

"Sorry!" kagyat na wika ng nakabunggo.

Hindi na niya nakuhang tingnan kung sinuman iyon. Malakas ang impact at kamuntik na siyang masubsob sa lupa kung hindi sa maagap na pag-alalay ng isang tao.

"Easy..." Narinig na lamang niya ang isang mababang tinig na tila pamilyar sa kanya.

Hindi niya halos ininda ang kagyat na pagdidilim ng paningin niya. Mabilis ang reflex niyang kinipkip na mabuti ang bag na kinalalagyan ng laptop. Pakapa ay hinagilap niya ang railing ng pedicab.

"Ma'am, okay na kayo?" wika sa kanya ng pedicab driver.

"Oo," sagot niya nang makabawi. "'Maryosep naman! Aksidente pa yata ang mapapala ko sa pagpunta ko rito," mahinang sabi niya sa sarili.

"Pasensya na kayo, ma'am. Excited ho sigurong makatuntong dito sa isla iyong tao," sabad naman sa kanya ng driver.

Bahagya siyang tumango. "Ikaw ba ang umalalay sa akin kanina?" tanong niya dito.

Umiling ito. "Iyong kasunod ninyong naglalakad kanina. Akala ko nga ho magkasama kayo, eh. Tinitigan pa kayong mabuti pero nagmamadali rin hong nilagpasan kayo."

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon