ARROZ Chaufa de Pescado. Tinititigan ni Rachel ang pagkakalista niya ng pagkaing iyon. Tama ang spelling, sigurado siya at naisulat na rin niya ang ilang trivia tungkol sa Latin American dish na iyon.
Subalit hindi buhos ang atensyon niya doon. Ang dibdib niya ay napupuno ng antisipasyon sa nakatakdang dinner nila ni Andrew. Bago siya nagsimula ng trabaho sa araw na iyon ay tiniyak niyang nakahanda na ang isang versatile navy blue dress na baon niya.
Wala siyang ideya kung anong klase ng dinner date ang pagdadalhan sa kanya ni Andrew ngunit sa tono nito ay nahinuha niyang formal date iyon.
At noon lamang niya naramdaman na kulang na lang ay hilahin niya ang mga oras. Bago lumubog ang araw ay nakabalik na siya sa hotel. Tinangka niyang gawan ng rough draft ang na-accomplish niyang trabaho nang araw na iyon subalit mailap naman sa kanya ang konsentrasyon.
Tumigil siya at nagpasyang mamahinga subalit hindi naman siya mapakali. At mientras papalapit ang oras ng pagsundo sa kanya ni Andrew ay tila lalo pang hindi niya maintindihan ang pakiramdam.
Labinlimang minuto bago ang takdang oras ay nakahanda na siya. She tried to relax herself ngunit bigo siya. At nang sa wakas ay marinig ang pagkatok ni Andrew ay napapitlag pa siya. Isang malalim na paghinga ang ginawa niya bago ito pinagbuksan.
RELAXING ang ambience sa restaurant na pinagdalhan sa kanya ni Andrew. Hindi niya inaasahang sa ibang restaurant pa sila pupunta gayong espesyal din naman ang fine dining sa mismong hotel nito.
Bilang may-ari sa isa mga hotel, natural na kilala si Andrew sa pinagdalhan sa kanya kaya mismong administrator pa ang umestima sa kanila.
They feast over seafood jambalaya and blackened blue marlin. At masasabi niyang pinakamapayapa nang pagsasama nila ni Andrew ang dinner na iyon. They settle their conversation on the neutral ground.
Napuna niya, bagama't pawang mga may class ang diners doon ay stand-out pa rin si Andrew. He looked more handsome in his dark blue suit. At hindi iilang kababaihan ang nahuhuli niyang sumusulyap kay Andrew. Ngunit sa wari ay alam na nitong dalhin ang mga ganoong sitwasyon. Hindi mahahalata dito kung apektado man sa mga curious glances na iyon.
"More wine?" alok nito na naka-amba nang salinan ang rock glass niya.
Umiling siya. Hindi siya sanay na uminom. At ang isang kaunting sinimsim niya habang nag-uusap sila ay sapat na para sa kanya.
Ikinibit lang ni Andrew ang mga balikat at ang sarili nitong baso ang sinalinan. Napatitig siya sa kamay nito. Hindi niya alam kung bakit kahit na umamin nang biyudo ito ay nakasuot pa rin ito ng wedding band.
"Gaano katagal ka nang biyudo?" maingat na tanong niya.
"One year last month," tipid namang sagot nito.
"Naka-recover ka na?"
Nilagok muna nito ang alak bago siya sinagot. "Yes. Interesado ka bang malaman ang tungkol sa naging married life ko?"
"Yes. Well, curious lang ako dahil suot mo pa rin hanggang ngayon ang wedding ring ninyo. Maybe you love your wife so much." Ang huling tinuran niya ay nakasakit mismo sa dibdib niya.
"This?" Sinulyapan nito ang suot na singsing. "This serves as a useful reminder."
"Of your wife?"
"Of my marriage," matabang na pagtatama nito.
Bahagyang napakunot ang kanyang noo. Magtatanong pa sana siya subalit mabilis nang nakatayo si Andrew at iniunat ang kamay sa kanya.
"Let's dance," aya nito.
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer Affair
Romance"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? Kailan tayo uli magkikita? After another six years? Don't you want a long, lasting affair?" Hindi lamang basta espesyal ang unang pagkakatao...