Part 5

872 38 2
                                    

ULILA na sa ama si Rachel. Hindi na niya nagisnan ang kanyang ama. Ayon sa mama niya, namatay ang papa niya sa isang labanan sa mga rebelde ng gobyerno. Sundalo ito at katunayan ang mga medalya ng kagitingang iniingatan ng kanyang mama. Hanggang sa kamatayan, pagmamahal sa bayan ang ipinakita nito kaya kahit malungkot ang kanyang mama, proud pa rin ito kapag napag-uusapan ang papa niya.

Palibhasa ay hindi masyadong malapit ang mama niya sa partido ng kanyang papa ay mga kamag-anak lamang niya sa mother side ang nakikilala niya. Nang mabiyuda ang mama niya, si Uncle William na ang nakilala niyang imahe ng isang ama.

Matandang binata si Uncle William na nag-iisang kapatid ng kanyang mama. Ito ang tumatayong padre de pamilya sapagkat ang Lola Isabel niya ay mahina na at binawian na rin ng buhay noong grade six pa lamang siya. Buong buhay niya, nasaksihan niya kung paano dominahin ni Uncle William ang pamilya.

Wala naman siyang nakikitang masama roon. Si Uncle William ang lalaki at nakakatanda sa mama niya. Ito rin naman ang breadwinner. Mula kinder school hanggang pagtuntong niya sa kolehiyo ay ito ang tumustos.

Nang maka-graduate siya ng college ay ito rin ang nagdesisyon kung saan siya magtatrabaho. May brokerage firm ito at nais nitong doon na lang siya magtrabaho kaysa mamasukan pa sa iba.

Gusto rin iyon ng kanyang mama. Mabuti na raw na doon nga siya magtrabaho para makaganti maski paano sa mga kabutihang-loob ni Uncle William sa kanilang mag-ina.

Gusto sana niyang tumutol ngunit nahalata niyang wala rin siyang magagawa. Laban man sa loob niya ay doon nga siya nagtrabaho. At dahil araw-araw na nakakasama na niya si Uncle William, nakita niya ang tunay na ugali nito lalo na at pera ang pinag-uusapan.

Hindi nito gustong aalis pa ang pera kung naroroon na sa kanila. Kaya nga magaling ang bibig nito pagdating sa kliyente. Lahat ng kliyente kung maaari lang ay makatrabaho nila, maging maliit o malaking transaksyon man.

Isa na roon si Andrew. Pinakilala ng isang kliyente nila si Uncle William kay Andrew. At sapagkat dati nang naririnig ni Uncle William na big time importer ng designer clothes si Andrew, ganoon na lamang ang pagsisikap ng tiyo niya maka-transact ito sa negosyo.

"Isasama ko si Rachel sa Hongkong," walang abog na wika ni William isang gabing naghahapunan sila.

Kapwa sila nabiglang mag-ina. Nasa tono ni William ang pinalidad at ni hindi ito nanghihingi ng permiso sa kanyang ina.

"Anong gagawin niya du'n?" tanong ng mama niya. "Wala iyang hilig sa shopping. Kaya nga noong ipapasyal mo sana kaming mag-ina doon, hindi na ako tumuloy kasi nga ay ayaw ng anak ko."

"Business, Baby," sagot ni William. "Magtatagal daw sa Hongkong ang importer kaya susundan na lang naming doon. Malaking transaksyon ito kung sakali. At kaysa magsama ako ng ibang empleyado, si Rachel na ang isasama ko. Mabuti na rin iyon para lalo niyang maintindihan ang pasikot-sikot ng kumpanya. Sino pa ba ang magmamana niyan kung hindi siya rin? Sa edad ko namang ito na mahigit nang kuwarenta, wala na akong balak pang mag-asawa." At ngumiti pa ito.

Tila nawalan ng lasa ang kinakain niya. Hindi niya nagustuhan ang kagyat na lamang pagpapasya ng tiyo niya na hindi man lang siya kinonsulta gayong siya ang involved doon. Kahit na nga ba anong paliwanag pa ang idahilan nito sa ina, naroroon pa rin ang pagtutol sa dibdib niya.

"Bukas, unahin mo nang pumunta sa DFA kaysa sa opisina. Kumuha ka ng passport. Teka, authenticated na ba ang birth certificate mo?"

"Hindi pa ho," matabang na sagot ni Rachel.

"Tsk! Sabi ko na kasi sa iyo noong isang araw pa, asikasuhin mo iyan para kung hindi kailan kailangan saka pa lang aayusin," sermon pa nito. "Ipa-under the table mo na. Or better, kontakin mo ang Free Wings Travel. Sa kanila mo na ipaayos ang passport mo. Kailangang makapunta tayo sa Hongkong as soon as possible. Ang sabi sa akin ng secretary niya ay dederetso si Andrew sa Paris para sa latest season collection."

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon