Part 6

854 47 2
                                    

AT ANG MGA sumunod na pangyayari ay tila malabo sa pag-intindi ni Rachel. Inalok ni Andrew ang flat nito upang doon na sila tumuloy habang nasa Hongkong sila. Nasa sentro din iyon ng Kowloon. At dahil talagang kinukuwenta ni William ang gastos nila ay hindi na ito nagpakipot pa ay tinanggap ang alok na iyon ni Andrew.

Sa Hongkong ay bisitang-bisita ang trato sa kanila ni Andrew Zulueta. Ang flat na sinasabi nito ay three bedroom apartment. Pinagtig-isa pa sila ni William ng kuwarto. Ma-estima ito sa kanilang mag-tiyo gayong sa pagkakaalam niya ay dapat na sila ang manuyo kay Andrew upang magkapirmahan ng kontrata ang dalawa.

Subalit hindi na rin niya iyon masyadong pinag-isipan pa. Nakikita niyang masigla ang kilos ni William na ibig sabihin lang ay maganda ang takbo ng lakad nila.

"Huwag kang tumanggi kapag inaya ka ni Andrew na mamasyal," sabi sa kanya ng tiyo. "At kapag magkasama kayo, hayaan mo lang siyang estimahin ka nang husto. Galante daw talaga si Andrew. See? Kahit tayo ay inalok pang dito sa flat niya tumuloy at libre pa lahat. 'Kunsabagay, bawing-bawi rin naman ni Andrew ang magagastos niya sa pagtanggap sa atin dito kapag nagkapirmahan na kami ng kontrata." May pag-asam sa tono nito.

"Wala pa tayong pumalpak na parating sa customs," patuloy pa nito. "At kung tayo ang pirmihang makakuha ng ipaparating ni Andrew sa Pilipinas na mga damit ay labis ang matitipid niya. Rachel, hindi rin natin dapat pang kuwentahin kung inalok man niya tayong tumuloy dito. This is part of the business. Kapag nagkasarahan kami ng kontrata ni Andrew, natural na tatawad iyon sa presyo natin. At sa ganda ng ang pag-estima niya sa atin dito, hindi nga naman ako makakapag-presyo nang napakataas." Tuso ang ngiting sumilay sa mga labi nito. "I hope, nakikita mo kung paano tumakbo ang ganitong klase ng negosyo."

"Pero bakit ako lang ang ipapasyal?" nagtatakang sabi niya. "Hahayaan ninyo akong sumama sa kanya na mag-isa?"

Tinitigan siya nito. "Aside from business strategy, hindi mo ba nakikita ang ibang mga bagay? Malaki ka na, Rachel. Alam mo kung kailan ka mapapahamak. Hindi mo ba nakikita na interesado sa iyo si Andrew? Binata iyan. Secured ang magiging kinabukasan mo kung sakali."

Nanlaki ang mata niya sa narinig. Hindi niya gustong isiping na mas matimbang ang ganoong rason ng tiyo kaya kulang na lang ay ipagtulakan siya sa binata.

Tila hindi naman napansin ng tiyo niya ang pagkamanghang bumadha sa mukha niya.

"Kung hindi mo siya gusto, di huwag. Hindi mo naman dapat pilitin ang sarili mo na gustuhin siya. Ang maipapayo ko sa iyo, use it to your advantage. To our business, to be specific. Be preactical, Rachel."

Alam niya, sa kabila ng payong iyon ng tiyo ay mas matining doon ang babala. Babala na dapat siyang sumunod sa lahat ng gusto nito. Tututulan sana niya ang tinurang iyon ng tiyo subalit mula sa silid ni Andrew ay lumabas na ito.

"Let's not waste even a minute, Rachel. Apat na araw lang pala kayo rito ni William. "Dapat ay makarami ka nang mapasyalan."

Asiwa man ay wala siyang nagawa lalo at masama ang tinging ipinukol sa kanya ng tiyuhin. Iyon ang klase ng tinging kinalakhan na niya rito kapag gusto siyang disiplinahin.

Ipinasyal siya ni Andrew sa mga tourist destinations sa Hongkong. Una na sa mga shopping centers. Dinala pa siya nito sa isang boutique ng mga designer label jeans kung saan nalaman niyang ito pala ang nagmamay-ari niyon.

"Why don't you try some pairs?" alok sa kanya ni Andrew nang makitang nakamasid lang siya sa mga naka-display na pantalon.

"Hindi na," kaswal na sagot niya.

"Ma'am, try ninyo ito," singit ng isang sales clerk na Filipina rin. "Ito ang uso ngayon. Tiyak, babagay sa inyo."

"Come on, Rachel," susog pa sa kanya ni Andrew.

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon