PAG-UWI nila sa flat ni Andrew ay isang note ang dinatnan nila roon galing kay William. Ayon dito ay mag-iikot ito sa night market at walang binanggit kung anong oras ito uuwi. Dahil sa nabasang iyon ay bumalik ang pagka-asiwa ni Rachel.
Napapitlag siya nang hawakan ni Andrew ang kanyang kamay at banayad iyong haltakin. Dinala siya nito sa sofa.
"Rachel," mahinang tawag nito sa kanya.
Waring namamalikmata naman siyang nag-angat ng tingin dito. At muli ay nakita niya sa mga mata nito ang kaparehong ekspresyon na nabasa na niya mula rito kaninang nasa cable car sila.
Nakagat niya ang ibabang labi nang umakyat ang isang palad nito ay marahang haplusin ang kanyang pisngi. Sa ilang sandali na lumipas ay tanging ganoon ang ginagawa ni Andrew na tila kinakabisa ang lambot ng kanyang mukha.
"What are you doing?" naguguluhan niyang tanong.
Gumuhit ang isang naaaliw na ngiti sa mga labi nito at dalawang palad na sinapo ang magkabila niyang pisngi. Ma-emosyon nitong pinagmasdan ang buong mukha niya bago dahan-dahang yumuko.
"I want to give you a proper kiss, Rachel."
At natuklasan niyang hindi iyon paghingi ng permiso kung hindi pagsasabi ng talagang gagawin nito. Sapagkat sukat na natapos nito ang pangungusap na iyon ay natawid na nito ang maikling distansya ng kanilang mga labi.
Hindi niya alam kung anong salita ang makakapag-akma sa ligayang bumalot sa kanya nang unti-unting gumalaw ang mga labi nito sa ibabaw ng kanyang mga labi.
Marahan sa simula na tila tinuturuan siyang pakibagayan ang mga kilos nito sa kanyang mga labi. At habang unti-unti na naging pamilyar siya sa paglalapat na iyon ng kanilang mga labi ay natutuhan din niyang gantihan ang mga halik na iyon.
Hindi niya alam kung kailan nagsimulang naging malalim ang halik na pinagsasaluhan nila. Natagpuan na lamang niya na waring hindi sila kontento sa halik lamang na iyon.
Nakayakap siya sa leeg nito habang nananatili naman ang mga kamay ni Andrew sa kanyang balikat. Kahit na walang nangahas sa kanila na maglakbay pa ang mga kamay sa ibang bahagi ng kanilang katawan ay hindi naman niyon napaghupa ang halik na pinagsasaluhan nila bagkus ay lumalalim pa.
It was only a kiss yet she felt herself burning from sweet sensation that spread all over her.
Wala siyang ideya kung gaano katagal ang halik na iyon. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay may pakiramdam siyang tila namamaga iyon nang bahagya. Subalit sa dibdib ni Rachel ay wala siyang madamang pagsisisi. Sa halip, kaligayahan pa ang tiyak na tiyak niyang pumuno sa kanyang kalooban.
Nais niyang ipagpasalamat na nang sandaling bumalik sa flat si William ay kaswal na ang kilos nila ni Andrew. Ngunit may pangamba pa rin siya. Na baka nababasa ng kanyang tiyo sa mga mata niya ang bagong damdaming nasa dibdib niya. Sa mga sandaling iyon, isa pa ang natiyak niya.
She was falling in love with Andrew.
MAILAP ang antok sa kanya ng mga sandaling iyon. Biling-baligtad si Rachel sa higaan. Kahit na sabihing pagod siya sa maghapong pamamasyal nila sa Ocean Park ay hindi iyon nakapanaig sa maigayang pakiramdam na bumabalot sa kanya.
Habang nakatitig siya sa kisame ay binabalikan naman niya sa isip ang halik na pinagsaluhan nila ni Andrew. No doubt it was her first kiss. Patunay na lamang ang pakiramdam niya ngayon. Kahit mukha siyang teenager na kinikilig mag-isa kapag inaalala iyon ay wala siyang pakialam. Maligayang-maligaya siya.
Hanggang sa makadama siya ng antok ay ang halik na iyon ang matining na matining sa kanyang isip. At kung kailan naman inihanda na niya ang sariling matulog ay saka naman siya nakadama ng pangangalam ng sikmura. Ilang minuto ang pinalipas niya upang ignorahin iyon subalit tila tuksong nagpoprotesta pa ang bituka niya.
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer Affair
Romance"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? Kailan tayo uli magkikita? After another six years? Don't you want a long, lasting affair?" Hindi lamang basta espesyal ang unang pagkakatao...