SA SILID na nakalaan sa kanya ay iniluha niya ang kalungkutang nakadagan sa dibdib. Ngunit higit na nakapanaig ang antok na humihila sa kanya. Nagising siya bandang alas dies ng umaga. Mabigat ang katawan niya nang bumangon. Hindi pa siya gaanong nakakabawi ng puyat at nakakahigit pa sa katamlayan niya ang nangyari ng nagdaang mga oras.
Nag-aayos na siya ng sarili nang gambalain ng mga katok. Napagbuksan niya si Uncle William.
"Mag-empake ka na. Uuwi na tayo," walang abog na wika nito.
Napakunot ang noo niya. Ang alam niya ay sa susunod na araw pa sila uuwi.
"Huwag ka nang tumingin pa. Kumilos ka na."
"Pero bakit?" wala sa loob na naitanong niya.
"Bakit? Nagtatanong ka pa. Wala tayong kontratang maiuuwi. Kasalanan mo iyon." May kumbiksyon sa tinig nito.
Lalo pa siyang nanlambot sa narinig. Wala siyang maisip na dahilan para sa kanya ibunton ang sisi kung hindi man nagkapirmahan ng kontrata ang mga ito. Subalit may ideyang umuukilkil sa isip niya. Hindi man niya iyon gustong pansinin ay tila lalo pang nagsusumiksik.
Kasalanan bang matatawag ang ipagkaloob niya ang sarili kay Andrew? O dahil hindi niya ipinagtapat dito ang pagiging dalaga niya sa tunay na kahulugan niyon?
Inayos niya ang mga gamit at naihanda na niya ang sarili sa mabilis na saglit. Bago siya lumabas ng silid ay ilang beses niyang pinuno ng hangin ang dibdib upang mapagluwag iyon.
Paglabas ng silid niya ay naroroon na at naghihintay sa kanya ang tiyo. Hinanap ng mga mata niya si Andrew. Maski paano ay umaasa siyang makakausap ito. Sa loob niya ay iniisip niyang hindi naman dapat na ganoon lang kadaling matapos ang tungkol sa kanila.
Subalit wala anino man ni Andrew doon. Sa halip ay housekeeper nito ang naroroon na tahimik lang na nagliligpit ng kalat.
"Nasaan si Andrew?" tanong niya. "U-uncle William, kakausapin ko siya kung---"
"Hindi na kailangan," agaw nito sa mahinang boses. "Hindi tayo magmamakaawa sa kanya kung ayaw niyang dumaan sa kumpanya natin ang mga kargamento niya. Marami pang ibang kliyente."
"Pero---"
"Enough," pakli nito at binuhat na ang bagahe. Bumaling ito sa housekeeper at maayos na nagpaalam.
"Uncle William, kailangang magkausap kami ni Andrew," pilit pa rin niya nang naghihintay na sila ng pagbubukas ng elevator.
"Para ano pa?" singhal nito. "Hindi ka niya gustong makita. Grow up, Rachel at harapin mo ang realidad. Hindi na siya interesado. Sa iyo o sa transaksyon namin."
Napailing-iling siya. Gusto niyang tutulan ang tinurang iyon ng tiyo subalit walang tinig na lumabas sa kanyang mga labi.
Tila wala siyang sariling isip at naging sunud-sunuran na lamang kay Uncle William. Nang makabalik sila ng Pilipinas ay ibayong bigat ang dala-dala ng kanyang dibdib.
Sa kabila ng karanasang iyon ay hindi pa rin siya agad na sumuko. Hinanap niya ang numero ni Andrew at ilang beses itong tinawagan sa opisina at flat nito sa Hongkong.
Kahit naglalaban ang pride at puso niya sa ginagawang iyon ay pinairal pa rin niya ang kagustuhang magkausap si Andrew. Naniniwala siyang mas madali siyang makakabangon kung mismong kay Andrew niya maririnig ang rejection nito sa kanya.
Wala siyang ideya kung iniiwasan lang ni Andrew ang mga tawag niya. Kung hindi ang sekretarya nito ang nakakasagot sa kanya ay answering machine. At alinman sa dalawang iyon ay hindi siya nag-abalang mag-iwan ng mensahe para sa binata.
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer Affair
Romance"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? Kailan tayo uli magkikita? After another six years? Don't you want a long, lasting affair?" Hindi lamang basta espesyal ang unang pagkakatao...