"MA'AM Maia, mommy ninyo po ang nasa direct line," tawag sa kanya ni Ella buhat sa intercom. Mula pa kaninang ala una ay subsob na siya sa trabaho. Pati ang pagsagot sa direct line niya ay ipinasa muna niya sa sekretarya.
"Sige, thanks," pahapyaw lang na tugon niya kay Ella bago dinampot ang aparato. "Oh, 'My?" matabang na sabi niya. Hindi niya itinago ang iritasyon sapagkat sa lahat ng ayaw niya ay yaong maabala siya sa trabaho lalo at under time pressure siya.
Humuni muna si Mrs. Estella Monteclaro bago nagsalita. "Subsob ka na naman sa trabaho, Maria Natalia. Baka naman nag-skip ka na naman ng lunch?" Sa tono nito ay balewala na kung bumakas man sa tono niya ang kalamigan. Kabisado na siya nito lalo at naaabala siya sa kanyang ginagawa.
"Of course not. Si Ella ba naman ang maging sekretarya ko? Eleven-thirty pa lang, tatanungin na ako noon kung ano ang kakainin ko," tuluy-tuloy na sabi niya habang pumipirma ng mga papeles. "Napatawag nga pala kayo? Ano ang problema?"
She was living alone. Buhat nang itayo nila ni Avery ang magazine business ay nagdeklara na rin siya ng independence para makapamuhay mag-isa. Walang oras ang uwi niya galing sa opisina. At hindi kakayanin ng mommy niya ang ganoong setup. Kilala niya ito. Hindi makatulog hangga't hindi kumpleto ang mga kasamahan sa bahay.
It was hard to convince her para payagan siyang bumukod ng tirahan. Isinumbat pa nito ang pagtatrabaho niya sa Amerika. Hindi pa raw ba sapat ang mga panahong iyon na naranasan niya ang maging malaya at ngayong nasa Pilipinas na siya uli ay gusto pa rin niya ang nakabukod? Pumayag lang ito sa kondisyong ito ang hahanap ng titirhan niya. She wanted to object pero mas importante sa kanya na makabukod kaya naman nakipag-compromise na siya.
Bagay na hindi niya alam kung pagsisisihan niya ngayon. Napurnada ang inaasahan niyang sa isang condo unit o townhouse tumira. She ended up in an apartment. Best friend ng mommy niya ang may-ari niyon. In the end, parang naging pangalawang ina niya si Tita Connie. Parang ito ang pumalit sa mommy niya sa pagmo-monitor sa kanya.
But then, hindi naman siya nasasakal. Magkatabing pinto sila ni Tita Connie at magkasundo naman sila. Matandang dalaga ito— by choice. Sa tuwina ay may emphasis iyon basta napag-uusapan nila ang tungkol doon.
Malaki ang two-story apartment. Kayang-kayang maipasok sa loob niyon ang flat na tinirhan niya ng limang taon sa Amerika. Actually, napamahal na rin sa kanya ang lugar. Iyon nga lang, minsan ay nakakadama siya ng iritasyon kay Tita Connie kapag napag-uusapan ang love life niya. Aminado naman ito na nanghihimasok. At siguro, nakasanayan na rin niya kaya naman hindi rin niya makuhang magalit dito.
Minsan isang linggo ay nagkikita silang pamilya. Sunday was a family day for them. Nasa family home din nila ang dalawa pa niyang kapatid na pareho nang may pamilya. At sa pagkakataong ding iyon ay nababawi niya sa ina ang ilang araw na hindi ito nakakasama.
Mrs. Monteclaro was widowed two years ago. Biglaan ang pangyayari at matagal-tagal din bago ito nakabawi sa trahedya. Pero dahil nauna na siyang nakabukod bago pa pumanaw ang daddy niya, hindi na rin nag-insist si Estella na bumalik siya sa bahay. Natutuhan na rin nitong tanggapin ang ganoong buhay niya.
"Mommy, I've got a load of work to do," may inip na wika niya nang hindi pa agad kumibo ang ina na nasa kabilang linya.
"W-wala namang problema, hija. I... I just miss you."
Napatawa siya nang mahina. "Bakit parang may iba pang kahulugan iyon?" she said at inilapat ang likod sa sandalan. Tumingala pa siya at hinilut-hilot ang noo.
"Gusto ko sanang makausap ka. But I feel kung gaano karami ang trabaho mo ngayon. Kailan ka ba puwede?"
"Sound serious," komento niya.
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - BORACAY 3 - Island Adventure, Island Magic
RomansaIn-adjust ni Maia ang sunglass at ipinagpatuloy ang sunbathing niya. She closed her eyes at hinayaan niyang haranahin siya ng mabining hampas ng alon sa dalampasigan. She felt very much relaxed. She let her other senses para madama ang paligid niya...