Liriko ng Kanta sa Kuwento
Kalimitan na itong tinatanong ng mga manunulat, baguhan man o hindi: "Pupuwede bang magsama ng mga liriko na mula sa isang kanta sa kuwentong sinusulat ko?" Ang sagot ko, puwedeng-puwede. Walang nagbabawal na gumamit ng ganito. Ngunit, may mga palatuntunan na kailangang sundin bago maglagay ng liriko.
Ito ay ang mga sumusunod:
1. Hingiin ang permiso noong nagsulat ng kanta-ang composer/songwriter.
Sa mga nobelang (naisalibro) nabasa ko, nakakikita ako ng mga bahagi ng liriko sa isang kabanata. Hindi nilalahat; kung ano lang iyong mahalaga at may konektado sa senaryong iyon. Ang karaniwan kong nababasa, kinakanta noong tauhan ang liriko. Alam kong pamilyar ka na sa diyalogo. At dito nakapaloob ang kinakanta. Ang format: naka-Italic at sinusundan ng ellipsis . . . (kung may karugtong ang pagkanta).
Minsan naman, nakahiwalay sa parirala (kagaya ng mga liham).
Sa bandang dulo, roon ilalagay ang pagbibigay kilanlan sa nagsulat ng kanta. Ang pangalan, label na pinag-record-an ng kanta, at ang copyright. Dahil kagaya ng kuwento, mayroon ding copyright ang mga kanta. Kung hindi magpapaalam sa mga naglikha, ang nangyari: ninakaw mo iyong art nila. Sigurado naman akong aware ka rito. Kaya, iwasan ito kapag walang permiso.
2. Sabihin ang pamagat at ang kumanta.
Para ito sa mga matitigas ang ulo, makulit, o walang kaalam-alam sa pamantayan sa paglalagay ng liriko. Gustong-gusto mo ilagay, kasi nga . . . kailangan sa kuwento. Nang maging ligtas sa maaaring problemang umusbong, simplehan mo na lang. Tulad ng ginawa ko sa aking ikalawang payo-Pangalan.
Nabanggit ko roon ang bansag nila kay Ella. Kung sakaling binalikan mo, matutukoy mo ang tinutukoy ko: "Umbrella" ni Rihanna. Ganito na lang ang gawin mo. Tapos, ilarawan mo na lang ang liriko. Ano ang nararamdaman ng bida kapag pinapakinggan iyon, nagkakaroon ba siya ng reyalisasiyon, o tumatak ba sa kaniya ang isang linya sa kanta at magkakaroon ng matinding epekto sa kaniya.
3. Gumawa ka ng sarili mong kanta.
Ito ang pinakamadaling paraan, pero mahirap gawin. Hindi lahat ay kayang makapagsulat ng kanta. Hindi dahil kaya na niyang makatapos ng nobela, kaya na rin niyang bumuo ng mga liriko na tagos sa puso. Iyong tipong tumarak ang espada pero imbis na dugo, liwanag ang dumanak. (Wala lang. Gusto ko lang isingit. Pampahaba sa wordcount. Joke!)
Hindi masamang magsama ng mga liriko; ang masama ay iyong inangkin mo na ito. Pakatatandaan na gaya mo, pinaghirapan din ng maraming tao ang pagkakagawa sa kanta.
Ingat-ingat lang.
Pero ako, ginawa ko iyong pangalawa. Dahil hindi naman ako sigurado kung sasagot ang artist kapag pinadalahan ko siya ng e-mail, gayong hindi naman ako kilala, baliwala rin. Lalagyan na lang sa huling parte, pagkatapos ng wakas, ng tamang citation.
Pakikinig ng Kanta habang Nagsusulat
Isa ka ba sa mga taong madaling magulo? Maikli ang pasensiya? Mabilis mainis kahit kaunting kislot lang ang iyong naramdaman sa paligid mo? "Short-attention span."
Ako, ganitong-ganito. Kaya naman laging nakakunot ang noo ko sa pagsusulat/pagta-type. Paano, nakaiinis naman talaga ang kahit na ano at sino. Ang nangyayari tuloy, nawawala ako sa konsentrasiyon at pokus. Biglang nawawala sa isipan ko iyong naisip kong ideya, impormasiyon, at senaryo na isusulat ko. Dahil hindi ko na makayanan ang pagtitimpi, sina-summon ko ang isa kong katauhan; Nagsu-super saiyan ako. Sisigawan ko ang mga sino ng "Kame-kameha!" Samantalang ang mga ano, sasabihan ko lang ng "Tch," kasing tunog ng pagtatawag sa aso at tuta.
May solusiyon ba ito? Wala! Hindi, seryoso na. Nadala lang ako. Kasalukuyang umaangat sa ere ang aking mga buhok, at dama ko ang init ng aura sa buong katawan ko. Para bang kagagaling lang sa sauna. (Wow! Napadpad sa spa. Wala namang kinalaman sa paksang tinatalakay.)
Heto na nga . . . mabalik tayo. Siyemre, mayroong sagot. Ito ay ang pagsalpak ng earphone, headphone, airpod, at bulak sa tainga. (Angal ka? Bakit, may tunog naman ang pagkakalagay ng bulak sa tainga. Ano? Katahimikan. O, ha . . . bilib ka, 'no?)
Ang ikinaganda ng pagsusuot ng ganoon ay, malamang, ang pagkakaroon ng pokus. Nakakalma pa ang pakiramdam mo. Nakatutulong pa nga ito sa paglalabas ng emosiyon sa pagsusulat, e. Kapag malungkot ang senaryo (nagsusumbatan ang mga bida, namatayan, nagkitang muli ang mag-ina, nawalay sa ama), patugtugin na ang paborito ng lahat: mga kanta ni Moira Dela Torre.
Lahat ng bagay ay mayroong kasalungat. Gaya na lamang ng nasa itaas. Dapat, pumili ka ng kantang pakikinggan mo. Maaaring ito pa ang dahilan para mas lalo ka lamang mabuwisit. Ang malala, tuluyan ka nang mawalan ng gana sa pagsusulat. Naimbiyerna. At iyon ang kasunod na parte.
Mga Kantang Nirerekomendang Pakinggan sa Pagsusulat
Hindi na ako magpapasikot-sikot pa: Classical. Ito ang mabisang ipatugtog mo. Walang boses na malamig, birit nang birit, second voice, at nagha-harmonize. Purong instrumento lamag na pangmusika.
Nagawa ko na ito. Kaso, nabuburyo ako. Mas gusto kong makinig ng K-Pop (BTS, TxT, IU, at Day6) at western music. Weird ba? Ang layunin ko lang naman sa pakikinig ay mapunta ako sa ibang dimensiyon o masarado ang mundo ko sa tunay na mundo. Hindi na mahalaga sa akin kung ano ang kantang tumutugtog. Maliban sa classical. Basta ay maituloy ko ang pagsusulat, ayos na ako. (Kahit drama ang sinusulat kong senaryo, ang kantang pinapakinggan ko ay iyong napapasayaw ako. Hahahaha. Minsan, titigil ako sa pagsusulat para lang umindak. Subukan mo iyong "Home" ng BTS. Ewan ko lang kung hindi ka mapakagat ng labi. Baka malaman ko niyan, nagse-sexy dance ka. Kindatan kita.)
Listahan ng mga kantang Classical (mga napakinggan ko lang ito at hindi pinipilit na gayahin mo):
1. A Song for my Brother - Ri Jyeong Hyeok (Crash Landing on You OST, piano cover)
2. Always with Me - Spirited Away OST (piano cover)
3. Call of Silence - Attack on Titan OST
4. Nocturne op.9 No.2 - Chopin
5. Claire De Lune
6. Promise of the World - Howl's Moving Castle OST (piano cover)
7. Howl's Moving Castle OST - Theme Song (hindi ko na sigurado kung ano mismo ang pamagat)
8. Isabella's Lullaby - The Promised Neverland OST (medyo)
9. Reprise Again - Spirited Away OST
10. The Name of Life - Spirited Away OST (piano)
11. The Sixth Station - Spirited Away OST
P.S. Tatatlo lang pala iyong classical diyan. Iyong iba, OST ng anime movies ng Ghibli Studios. Chill at soothing lang ng tugtog kaya pasok na rin.
• • •
Maaari ko bang malaman kung ano ang pinapakinggan mo habang nagsusulat?
• • •
Gawa kaya tayo ng playlist na para sa atin tapos i-post ko sa Likbro (discord server ko), tapos sabay-sabay nating pakinggan sa voice channel?
- A.V. Blurete
BINABASA MO ANG
Mga Payo Niya
Non-FictionNaglalaman ito ng mga payo sa pagsusulat na nakabase sa sariling kaalaman, sariling karanasan, at sa pagkatuto sa iba. Pawang pang-opinyon ang karamihan, subalit tiyak na mayroong matututunan. "Masasabing nagtagumpay ka bilang manunulat kapag naibah...