10: Oras sa Pagsusulat

5 0 1
                                        

Ang mga taong abala ay mayroong pinagkakaabalahan. Ang iilan sa kanila, napakaraming pinagkakaabalahan. Para bang mga bubuyog na sa tuwina na lamang kung lumipad para maghanap ng bulaklak na mapagkukuhanan ng pollen. (Hindi ko sigurado kung tama ako sa kaalamang ito. Bobo ako sa science, e.) Kada oras, mayroon silang kinakalikot o ginagawa. Maaaring nagmemekaniko, nagka-car wash, pindot nang pindot sa keyboard at mouse, nagluluha na ang mga mata katititig sa monitor, o namamalat ang boses kasasalita.

Ang mga natira sa iilan na iyon ay isa lamang ang pinagkakaabalahan. Sila iyong magdamag nagbabasa ng nobela at manga. Mayroon ding kasing laki ng kalamansi ang eyebugs kanonood ng anime, K-Drama, BL, series at mga pelikula sa Netflix, music video ng mga iniidolong boybands o girlgroups, at vlogs sa YouTube. Inuumaga na sa paghawak ng cell phone. Sinasalubong nila ang sikat ng araw sa umaga at ang pagtilaok ng manok. Kapag lumangitngit na ang pinto ng katabing kuwarto, roon na magsisitulugan. Magandang gabi sa umaga.

Alin man sa dalawa, mayroon at mayroon pa ring ginagawa ang mga tao. Maging ang mga tambay, tamad, at walang ginagawa ay ganoon din. Ang pinagkakaabalahan nila, wala. Abala sila sa paggawa ng “wala.” Kahit tumunganga at tila malusaw na ang tinitingnang daan, may nagagawa pa rin. Lumilipas kasi ang oras. Hindi dahil walang makabuluhang kinalabasan ang ginawa, wala na iyon kaagad na kawalan.

Isa sa mga pagsubok ng mga manunulat ang pagkakaroon ng oras sa pagsusulat. Pahirapan makahanap ng libreng oras para makapagsulat. Ang nangyayari tuloy, hindi na lang sila magsusulat. Kasi nga naman, paano magsusulat kung masasagasaan ang pagtatrabaho, pag-aaral, at paggawa ng gawaing bahay? Hindi naman iyong kuwento ang magpapasuweldo sa iyo, magkakalkiyula ng grado mo, at magpapalinis ng iyong bahay. Iyon ang mas binibigyang pagpapahalaga sa tunay na buhay.

Pero ang taong maparaan, makaiisip ng plano.

Time managament.

Kung passion at mahal na mahal talaga nila ang pagsusulat, hindi hadlang ang oras para hindi sila makapagsulat. Segundo o minuto lang, sapat na sa kanila. Ang pagsusulat naman ay hindi mawawala. Parang rice cooker lang. Iwan mang nag-iisa, hindi magtatangkang lumayo at humanap ng ibang taga-saing. At ang butil ng malikhang pag-iisip ay nanatili. Ang maganda pa niyan, lumalago—nagiging kanin. Ang isusulat ay nag-iinit. Kaya, hindi kailangang palagi na nagsusulat. Buong mag-araw bang nagsasaing ang isang tao? At baka sa kakaalalay sa kanin dahil masusunog daw, maging malata sa dulo. Naglugaw na lang sana.

Para matalakay ito nang maayos, hihimay-himayin sa ilang paksa ang oras sa pagsusulat: gaano kahaba ang panahong gugugulin para makatapos ng isang nobela, schedule, pagmamaniobra ng oras, prayoridad, at pagpapahinga.

Ilang Buwan sa Isang Taon

Umaabot ng tatlo hanggang anim na buwan ang pagsusulat ng nobela. (Kung tama ako ng pagkakatanda, kay Stephen King ko ito nalaman.) Pangkalahatang batayan ito. Mapa-saang lupalop ka man ng mundo ka magsulat, iyon ang sukat ng oras para makatapos. Pero rough draft pa lang iyon, tulad ng hilaw na mangga. Namunga ngunit walang sustansiya. May kaunting asim ngunit kulang. Kung ikukumpara sa hinog na may kasamang tamis, hindi balanse. Ganoon ang kauna-unahang draft; hindi pa sumasailalim sa pag-e-edit, pagrerebisa, at pag-aayos ng kamalian.

Pinapatunayan lamang nito na hindi madali ang pagsusulat. Daraan pa ang iyong sinulat ng mahigit sa anim na buwan na maaaring maging taon. Kaya naman, huwag atat. Hindi naman basta-basta tumutubo ang mangga.

Pagmamaniobra ng Oras

Kahanay ito ng schedule. Kapag nakagawa nito, nakapagplano kung kailan magsusulat sa kabila ng pagiging abala at ng katayuan sa buhay (estudiyante, empleyado, magulang).

Estudiyante

Karamihan sa populasiyon ng manunulat ay mga nag-aaral pa lang. Sa bar graph, sila iyong pinakamatarik ang shade. Halos mga kabataan. Kabataan na marupok. Gusto agad-agad ang proseso. (Villarica ka, gurl?)

Pinagsasabay ng mga mag-aaral ang kagustuhang magsulat sa kanilang pang-akademikong gawain. Lingid sa kaalaman nila, nakapagsusulat na sila matagal na. Iyong mga impormal at pormal na sulatin, sanaysay, thesis, research paper, at reflection paper ay bahagi ng pagsusulat. Pero dahil nakapokus sa mga tauhang umiigting ang panga, sinusuntok ang pader, at mapupungay na mga mata, naglaho na ang katinuan. Nahiya ang Pambansang Bayani natin. “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Ang tanging paraan para makapaglaan ng oras sa pagsusulat, unahin ang pang-akademikong gawain. Hindi naman nakauubos ng oras ang pagsusulat ng sanaysay. (Makinig ka kasi nang mabuti sa klase. Pugutan ng pakpak ang utak kaiisip sa susunod na eksena ng kuwento.) Kung hindi naman, pumili ng isang araw sa isang linggo kung kailan ka magsusulat. Walang ibang gagawin kung hindi iyon lang.

Aral muna bago sulat. (Gayon din sa aktuwal na pagsusulat. Matuto muna kung paano bago magsanay na magsulat.)

Estudiyante muna bago manunulat.

Hindi ka naman panghabambuhay magiging estudiyante, e.

Empleyado

Wala akong masabi rito. Hindi pa naman ako nagtatrabaho. Biro lang po.

Ang gagawin kong halimbawa ay iyong kilala ko. Para siyang full-time writer. Sa buong maghapon, nagsusulat siya ng mga artikulo ng balita, blog, review, at kung ano pa. Ang ginagawa niya, gigising siya ng madaling-araw bago magising ang kaniyang anak at bago magsimula ang trabaho niya. Sa silid na walang ibang maririnig kung hindi kuliglig at katahimikan, doon siya nagsusulat. Araw-araw. (Yata?) Partida, suma-sideline pa siya na magturo ng mga aspiring writer.

Magulang

Ipaalaga sa ibang kasama sa bahay ang anak. Tapos na po. . . .

Dito, ibabahagi ko na lang ang paraan ng isang magulang na kilala ko rin. Minamabuti niyang matapos ang gawing-bahay saka pupunta sa kaibigan niya na malapit lang sa bahay. Malaki na naman ang mga anak niya kaya hindi na iintindihin minu-minuto. Hindi pala siya manunulat—dakilang may-bahay. Maaaring ganito po ang gawin mo. Kilos muna, pahinga kapag napagod, at sulat na.

Ibang Pamamaraan

May iba pa akong naiisip para magawa ng isang manunulat na makapagsulat. Hindi siya ganoon kaganda, pero suwak na. Ang importante naman ay nakapagsusulat.

1. Kapag recess at break, subukang magsulat ng kahit lima o hanggang sampung pangungusap. Pupuwede ring mga salita. Basta magkaroon ng laman ang blankong pahina. Kung sakaling hindi maisingit, isulat na lang ang ideya na may koneksiyon sa isinusulat.

2. Timer.

Mag-set ng labing-limang minuto. Sa loob niyon, magsusulat ka na dapat hindi maiistorbo. Kunyari, iyon na ang huling sandali na makapagsusulat ka.

3. Mag-multitask.

Naglalaba? Habang hinihintay na mahinto ang pag-ikot ng washing machine, magsulat. (Ganito routine ko noong sinusulat ko iyong pangalawang nobela ko.) Nagugutom pero kasalukuyang nagsusulat? Maghanda ng biscuit, chichirya, at kung ano mang pagkain sa tabi. Subo ng isa sabay sulat. Nagbabantay ng baby? Ihagis sa bintana. (Natawa ako. HAHAHAHA.)

Gamitin lang ang pagiging malikhain. Nagagawa mo ngang makapagsulat ng makalaglag-panga na plot twist, pero sa paglalaan ng oras hindi?

Ang pinakamabisa talagang gawin ay ang ikondisiyon ang sarili. Sanayin mo ang ikaw na makapagsulat sa kahit na anong oras. Iyon bang magwawala ka kapag hindi nakapagsulat ng eksaktong 3:30 A.M. Pangako . . . magbabago ang iyong buhay kapag nasanay ka. Ako kasi, pagkagising pa lang sa umaga, pagsusulat na kaagad sumasagi sa isipan ko. Ano ang itatalakay kong payo rito? Iniisip ko iyong mga konseptong nakapila na at isusulat na lang. Para bang si Mike Enriquez ang utak ko; hindi ako tatantanan. Kapag nabuburyo ako at walang magawa—magbabasa dapat ng e-books pero low bat ang cell phone—pipindutin ko na lang ang ON button ng laptop. Iyon. . . . Ang resulta: panibagong kabanata o tula.

Ikaw na nagbabasa nito, hinahamon kita. Magtalaga ka ng araw o oras kung kailan ka magsusulat, at sundin mo nang hindi mabubuwag. Tuloy-tuloy dapat. Kapag nagawa mo, papahinugin natin ang mangga sa bigasan ninyo.

• • •

Gaano ka katagal magsulat bago matapos ito matapos?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon