26: Draft

3 0 0
                                    

Palengke. Dito mabibili ang maraming klase ng produkto na magagamit natin sa kusina, sala, kuwarto, banyo, at hapag-kainan. Mula sa mga pagkaing niluluto, pinapapak, ginagawang meryenda, at ulam, hanggang sa mga damit, timba, lamesa, sabonera, at mga platito at mangkok makikita ang pagkakaiba ng mga bilihin. At ang ilan sa mga ito, pumapasok sa proseso ng produksiyon.

Nagsisimula sa mga pangunahing materyal ang paglikha ng isang produkto. Ito ay iyong hilaw pa. Walang halong conservatives, hindi nahaluan ng pintura, o kung ano mang bagay na hindi pinag-isa. Puro. Sariwang-sariwa gaya ng mga gulay na kinaaayawang kainin ng mga bata. Sarap kaya ng gulay na sinabawan, sapagkat sa sandaling kumain nito, ang ating mga buhay ay magiging makulay. Kaya lambutin at sakitin ang ilang mga paslit, e, kinulang sila sa kulay.

Sa paggawa ng produkto, hindi dapat kaligtaan ang labor. Ito ang rason kaya nagiging produkto ang isang bagay. Ang mga taong nagtatrabaho ang pinatutungkulan dito. Karaniwan, sila iyong nagbabalot, nag-iimpake, at nagsusupot.

Ang mga ginastos mula sa paglikom ng pangunahing materyal, labor, at iba pang materyal at labor na hindi direktang matutukoy  sa paggawa ng produkto ay kinokonsidera upang malaman ang kabuuan na halaga ng isang produkto kapag itininda. At tulad nito, ang pagsusulat natin ay binubuo rin ng mga bagay na maihahanay sa gastos na iyon. Oras ang pinakasuwak na halimbawa. Pinaglalaanan natin ng mahabang oras ang pagsusulat: naghahanda, nag-a-outline, nag-iisip ng mga ideya at konsepto, nagsasaliksik sa internet, nag-e-edit, at nagrerebisa.

Ang kalalabasan: draft ng kuwento. Ito iyong “finished product” sa mahabang proseso ng pagsusulat. Hindi ito nangangahulugan na perpekto agad. Dahil ang mga produkto, may pagkakataong maging depektibo o mayroong sira o mababa ang kalidad.

Maitatawag ding manuskripto ang ating draft. Pero ang tatawaging manuskripto talaga ay iyong na-edit at narebisa na. Ang kauna-unahan nating draft, hilaw pa. Basta ang mahalaga: tapusin muna ang isang akda. At sa ibaba, naglista ako ng mga opinyon ko na makatutulong upang matapos mo ang iyong akda nang tuloy-tuloy.

Mga payo at mga ipinagbabawal o dapat iwasang gawin sa pagsusulat ng iyong akda:

1. Huwag balik-balikan ang mga naisulat na.

Ang mga rason na naiisip ko kaya may mga manunulat na hindi mapakali sa pagbabasa ng kanilang sinulat nang paulit-ulit ay ang hindi marunong makuntento, natatakot na hindi maging maganda ang pagkakasulat, nag-iisip nang malalim kung magugustuhan ba ng iba ang gawa niya, at kinukuwestiyon ang sariling kakayahan.

Normal lang ang mga pakiradaman na iyan. Kahit ako, nararanasan ko rin ang ilan sa mga iyan. Nakapagsulat na ako ng apat na nobela pero nangangamba pa rin ako. Paano, wala masiyadong nagbabasa ng aking mga akda. Hindi ko tuloy malalaman ang opinyon nila sa sinulat ko. Na sobrang mahalaga sa akin upang lumago at gumaling sa pagsusulat.

Isa sa mga ginagawa ko kapag nagsusulat pa lang, hindi ko gaano pinapansin ang mga typographical error, maling paggamit ng bantas, nauulit na salita, grammar, at kung ano-ano pang sakop ng teknikal na aspeto. Sulat lang talaga ako nang sulat. Paminsan-minsan, aayusin ko iyong kaunting typo. Pero madalas hindi dapat. Napipigilan kasi ako nito sa momentum. Para bang sa pagmamaneho ng sasakyan tapos biglang may tumawid na tao o aso o pusa na magiging sanhi upang bagalan ang pagtakbo ng sasakyan. Ang mga nagdaragsaang ideya na naisusulat ko nang sunod-sunod, nabibitin. Dumarating pa nga ako sa punto na nablanko ako pagkatapos huminto. Kani-kanina lang, walang tigil sa pagsusulat, parang makina na awtomatiko at kusang pumipindot ang mga daliri ko sa piyesa ng laptop. Nang magpahinga dahil naingayan sa katiting na tunog, naiihi, o nahilo, rito na ako madadali. Wala akong pagpipilian kung hindi ang balikan ang sinulat ko, na magtutungo sa aking mapuna ang mga mali.

Kaso hindi ako nagpapadaig. Mawalan man ako ng ideyang isusulat at kating-kati na itama ang mga nakikita kong masakit sa mata, hindi ko ginagawa. Bahala siya riyan. Bakit? Dahil may ibang area ito na kinabibilangan. Ito ay iyong pagrerebisa at pag-e-edit. (Tatalakayin natin ito sa susunod na kabanata.)

Saka gawin ang pagbabalik sa sinulat kapag hindi na masundan ang eksena o parirala. Natengga ka na. Napatititig sa monitor ng computer o screen ng laptop o phone. Ayos lang ito. Huwag lang ayusin agad ang sinulat.

2. Filipino o Ingles na salita.

Mayroong hangganan ang kaalamang naiimbak ng isang tao sa kaniyang utak. Panigurado akong kahit ang mga siyentipikong sina Stephen Hawkings at Albert Einstein, gaano man sila kagaling sa agham, mayroong bagay sila na hindi alam.
Si Stephen Hawkings, ang may-akda ng “Theory of Everything” na tungkol sa pinagmulan ng lahat (mundo, planeta, bagay), ay baldado. Nakasakay siya sa wheelchair sa tuwing may pagkakaabalahan. Pero napapaisip ako kung kaya niya bang gawin lahat ng pagsisilbi sa kaniyang sarili? Pagluluto ng pagkaing masusustansiya at natatangi ang sangkap, pagkatuto sa usaping sipnayan, at pagkilos na kinakailangang gamitan ng buong katawan.

Tulad ng kalagayan ni Stephen Hawkings, tayong mga manunuat ay limitado lamang ang naaalalang salita. Hindi natin natitiyak sa lengguwaheng ginagamit natin kung anong tamang salita na babagay sa paglalarawan.

Halimbawa: Habang sinusulat ko ito, draft pa lang, muntikan ko nang isulat ang “ingredients” dahil nakalimutan ko ang salin nito sa Filipino. Natandaan ko rin naman makatapos ang ilang segundo, pinalitan na ng sangkap.

Sa pagsusulat, puwede natin itong gawin. Kung hindi tiyak ang term ng isang salita, isulat mo muna sa wikang komportable ka o pamilyado. Nang sa gayon, magdedere-deretso ka pa rin sa pagsusulat.

3. Parenthesis o Underline.

Ang alternatibong pamamaraan, kung sakaling hindi matukoy-tukoy ang isusulat kahit nakailang piga na sa utak, ay ang paglalagay ng bantas na parenthesis o underline. Mag-iisip ka lang ng salitang malapit dito. O kasing tunog. Maghanda ng thesaurus habang nagsusulat.

4. Laktaw.

Para ito sa mga manunulat na nag-a-outline. Kapag ginawa mo na ang ilan sa mga paraan na nandito tapos hindi gumana, sumulat ka ng ibang kabanata na sa tingin mong kaya mong sulatin na hindi magugulo ang daloy ng iyong akda. Maaaring katapusan, gitna, problema, solusiyon, o ano mang gusto mo.

Sa katunayan, ang mahirap isulat, para sa akin, ay iyong mangyayari bago mag-climax, bago magwakas ang kuwento, at bago maresolba ang problema. Sa personal kong karanasan, dito ako nababagalan. Ewan ko ba kung bakit. Siguro naroon iyong kaisipan na gusto nang matapos ang akda kaasi kaunti na lang ang isusulat. Kaya iyon . . . nagmamadali. Ang epekto: nape-pressure ako. Wala sa malinaw na estado ang aking pag-iisip.

5. Huwag ipilit kung walang-wala talaga.

Isa sa mga maling kagawain ay ang pagpapatuloy nang pilit. Hindi dapat inuubos ang katas ng malikhaing pag-iisip natin. Huwag purgahin. Dahil tayo rin ang maaapektuhan nito. Lilipas ang ilang araw na hindi ka makapagsusulat dahil wala tayong konsiderasiyon sa ating mga sarili. Hindi natin sinasali sa ating ritwal ang pahinga.

Sa isang linggo, bilang bahagi ng ritwal ko noon sa pagsusulat, nagtatalaga ako ng isang araw na hindi ako magsusulat. Tapos, gagawin ko iyong ibang kinahihiligan ko: pagbabasa ng mga nobela o manga at panonood ng series, anime, o K-Drama. Minsan naman, wala talaga akong ginawa. Tamad-tamaran muna. Buong maghapong nakatambay sa YouTube, Twitter, at Facebook.

Maaari mo rin itong gawin upang manumbalik ang katauhan natin bilang manunulat. Ituring mo na baterya ang utak mo. Kapag ramdam mo ng malo-lowbat (hindi ka na makapag-isip matapos gawin ang maraming paraan), ipagpahinga mo na at isaksak ang kurdon.

Matutong kumalma. Baka sumuko ka niyan sa labis mong pagpupursiging makapagsulat.

Kumuha ng ideya sa ibang mga akda, sa pelikula, sa paligid, sa karanasan sa buhay.

Gawin mo ang mga iyon na inspirasiyon. Ang mabisang gawin: humanap ng genre na kapareha noong sinusulat mo. Kung aksiyon iyan, makinig ka ng mga awiting makapagpapanabik sa iyo. Hype. Official Sound Track ng mga anime na pantasiya ang genre ang magagandang kanta na upbeat ang tunog. Mapapaindak ka. O kaya, aalog ang iyong ulo kasabay ng gitara at tambol.

Parating gumawa ng aktibidad na magpapanatili ng iyong pagiging malikhain. Hindi naman kailangang pagsusulat talaga. Basta ay maehersisiyo ang utak mo. Mapupundi o kakalawangin iyan, sige ka, kapag napasobra ang “pahinga.”

• • •

Paano mo sinusulat ang draft ng iyong kuwento?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon