13: Tanong at Sagot

2 0 1
                                        

Naranasan mo na bang maglakbay nang mag-isa sa lugar na hindi mo alam? Iyon bang kailangan pang magtanong-tanong sa mga taong nakasasalubong sa pagtawid sa kalsada, sa mga nagmamaneho ng pampasaherong sasakyan, sa nakatatabi mo sa jeep o bus, sa traffic enforcer, sa mga tindero at tindera sa tabi-tabi, o sa kakilala mo na nakapunta na roon. Sa una, ipaparamdam sa iyo na mangmang ka. Para kang bata na palatanong sa mga matatanda. Kapag nasagot ka, hindi ka pa rin makukuntento at magtatanong na naman ng panibago na konektado roon sa sagot. Mababanas iyong pinagtanungan mo. Pero kung madali ka namang makakuha, ngingitian ka nang matamis at magagawa pang sabihan ka ng “Walang ano man!”

Ganiyan na ganiyan ang mga baguhan sa pagsusulat. Karamihan. Parating nagtatanong at hindi man lang sumubok na hanapin ang sagot sa ibang paraan. Nariyan naman ang paboritong kaibigan ng mga mananaliksik—si Google. Kahit anong engine o browser iyan, makahahanap ka ng impormasiyon na iyong tinutunton. Subalit mas pinipili ng ilan na magtanong sa mga kapwa nila manunulat. Doon na magkakaaberya. Dahil mayroong mga manunulat na walang kaalam-alam pero nagbabahagi ng payo sa iba. Nagkakandalokohan na. Nadaraan sa komentong rehearsed, tulad ng mga babaeng sumasali sa pageant. Nasabi na ng halos kontesera ang ganoong sagot at hindi na bago. Ang masaklap sa pagsusulat, hindi pupuwedeng ingiti, mag-pose nang nakapanluluwang mata, at mang-aakit sa binitiwang impormasiyon. Hindi hurado ang kinakausap ng manunulat na iyon. Kagaya lang din niya. May iilang madaling mapaniwala dahil sa maayos na pagpapayo pero hindi talaga maitatawag na “kaalaman.” At iyon ang downside ng pagtatanong sa publiko. Maaaring maligaw ng rutang pinupuntahan iyong sinabihan mo dahil mali ang iyong itinuro sa kaniya.

Hindi ka nararapat bansagang manunulat.

Wala ka namang alam sa itinatanong pero sagot ka nang sagot. Kaya ka natatampal ng iyong nanay sa bibig kasi matabas ang iyong dila. Ang maglabas ng saloobin ay hindi masama. Pero hindi tama na pabalang ka magsalita. Iba ang magiging dating niyon kahit may punto ang iyong katwiran. Kung alam mong makatarungan ang iyong ipinaglalaban, ipaalam mo iyon sa magulang mo sa mahinahon na boses. At iyon ang susubukan nating isabuhay sa paksang itatalakay sa seksiyong ito.

Maglalapag ako ng mga komentong nakikita at nababasa ko. Ang mga mailalagay ko rito ay iyong hindi na akmang sabihin pa. Hangarin mong tumulong. Pero huwag naman iyong tulong na negatibo ang bisa.

Tanong #1: “Paano po maipapakita ang pagiging introvert ng tauhan?”
Sagot: Put yourself in the shoes of your character. Kilalanin mo siya. Feel your emotion.

Napapairap ako kapag ganiyan ang nakikita ko. Sa pagsusulat, kailangan talagang kilala mo ang iyong tauhan at hindi ikaw ang nasa katayuan niya. Nakahiwalay ang katauhan mo sa iyong bida. Sa sagot pa lang na ganiyan, sigurado na agad na walang alam iyong nagkomento. Tinatanong “paano,” hindi pangkalahatang payo. Kahit sa ibang tanong, pupuwede iyang sabihin, e.

Tanong #2: “Paano po mailarawan ang senaryo sa kuwento ko? Nahihirapan po ako sa ‘show, don’t tell.’ Salamat po!”
Sagot: Magbasa ka ng mga libro. Manood ka ng pelikula at obserbahan mo kung paano nila ginawa.

Isa pa ito! Kagigil. Paano kung hindi niya kayang mag-analisa ng eksena? Mahihinto na siya roon sa sinusulat niya, at hindi madurugtungan. 80/20 ang porsiyento ng pagpapatuloy niya. Sarap i-report ng komento.

May mga pagkakataon naman na sa nagtatanong ang problema. Gaya nito:

Tanong #3: “Ano po pinagkaiba ng novel at novelette?”

Sagot: Hindi mo ba kayang mag-search sa internet? Nandoon na ang sagot. (Minsan, ganito ako magkomento.)

Sa tingin mo, sino mali? Idadahilan noong manunulat, wala raw siyang data o load. Ano ba naman iyan! May mga sites na hindi kailangang gumamit ng data. Libre lang. Bago sana dumulog sa publiko, gumawa muna ng hakbang para matulungan ang sarili. Huling pagpipilian ang pagtatanong sa iba. Dumedepende na kasi sa mga tao ang pag-aalam sa isang paksa.

Iyan lang naman ang napapansin ko sa mga manunulat. Maipapayo ko na maging malinaw sa pagtatanong. Pagdating naman sa pagsagot, kung hindi sigurado at walang alam doon sa tinatanong kahit katiting lang, huwag magsalita. Aralin mo na lang din at alamin ang impormasiyon patungkol doon. Sa larangan ng pagsusulat, lamang ang may alam. At mas nakalalamang ang naisasagawa ang mga kaalamang nalaman.

• • •

Nagugustuhan mo ba sa kasalukuyan ang mga paksang natatalakay? Kung may mga tanong ka, ilapag lamang iyan. Sana . . . may maisagot ako.

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon