Sinimulan ang Bibliya sa Old Testament sa kabanata ng Genesis. Mababasa rito kung paano nilikha ng Diyos ang mga nilalang, nabubuhay at hindi nabubuhay. Matapos ang anim na araw ng kasipagan, nagpahinga siya sa ikapitong araw na Linggo ang bansag sa kalendaryo natin. Kung hindi ako nagkakamali, pinagmasdan ng Diyo ang Kaniyang likha, tila ba isang pintor na inoobserbahan ang ipininta nitong larawan. Sa kasagsagan ng Kaniyang pagpupuri sa kagandahan ng mundo, sumagi sa isipan Niya na kailangan ng mga iyon ng mangangalaga sa kanila—poprotekta, aalalay, sasama. Kaya nabuo ang sinaunang tao ayon sa banal na libro na iyon. Siya si Adan, ang lalaking binuhay ng Diyos hango sa sarili Nitong wangis. Nang mapansin na parang kulang at kailangan ng karamay ni Adan, binuo naman Niya si Eba na hinugot sa tadyang. At sa dalawang ito nanggaling ang maraming henerasiyon ng tao sa iba’t ibang dantaon o siglo.
Nagwakas naman ang salaysay sa New Testament sa kabanata ng Revelation. Ipinaalam dito ang mga mangyayari sa muling pagbabalik ni Jesus. Sa pagkakatanda ko, grabe ang epekto ng kabanatang iyon nang basahin ko. Hindi ko pa nababasa ang mga nauna sa mga panahong iyon. Deretso roon na. Naging kuryoso kasi ako sa tuwing napag-uusapan ang mga verse na nababanggit sa pangaral ng mga pastor at pastora sa simbahan, kaya binasa ko. Isang salita ang makapaglalarawan sa naranasan ko: gimbal. Naalog yata ang kaluluwa at katayuan ko bilang tao habang dumadako ang mga mata ko sa bawat salita. Hindi ko alam na ganoon ang makikita roon—nakagugulat. Biruin mo, hindi ako makarelihiyoso noong mga araw na iyon tapos magbabasa ako ng Bibliya na walang malay. Para akong sisiw na bagong pisa sa itlog, hindi makagalaw sa pinaghihigaan matapos maubos ang enerhiya sa pagkawala sa itlog.
Mababaw ang simula ng Bibliya, samantalang malalim at seryoso ang mga nakasaad sa dulo. Kakaibang karanasan ang mararanasan simula sa simula hanggang katapusan, parang sumakay ng rides sa perya. At sa pagsusulat, dapat ay maisakatuparan ito. Pero nasa sa iyo kung paano mo isusulat ang simula at wakas ng iyong akda—mababaw ba o malalim.
Ang layunin na makakamit kapag natapos basahin ang akda mo ay iyong mayroon kang naiparamdam sa mambabasa. Hindi kailangang sumabog ang utak, ha, gaya ko. Ayos na iyong napapangiti, naluluha nang kaunti, napamura, o nabuwisit. Sa simula naman, dapat mananabik ang nagbabasa. Kusa siyang maglilipat ng pahina dahil gustong sundan ang nangyari. Para maipaliwanag ko nang maayos, hihimayin natin iyan.
Simula
Bago ka magsimulang magsulat, natural na ang pagpaplano. Kaya bahagi niyon ang pag-alam sa mga ito: prologo, unang linya o parirala, at kabanata. Importante ito sa pagsusulat ng simula na interesante. Iyong mayroon kaagad dating. Hindi lutay-lutay.
Prologo
— Ito ang pasilip sa daloy ng kuwento. Kalimitan, nasa bandang gitna ang eksena ang kukuhanin tapos ilalagay sa unahan. Ginagawa ito para mapaisip ang mga mambabasa. Gaganahan silang tuklasin ang parteng iyon kung nasaan ba. Para itong spoiler na hindi. (Spoiler ay iyong sinabi sa iyo ang mangyayari tapos wala kang alam doon.)
— Minsan naman, wala itong koneksiyon sa daloy ng kuwento pero mabibigyang kasaysayan ang tungkol sa kuwento. Halimbawa, magtatalakay ng isang paksa na tungkol sa mga klima o panahon. Kapag binasa mo ang kuwento, parang walang saysay iyong unang bahagi dahil hindi naman mababanggit ang bagyo, tag-init, taglamig, El Nino, at kung ano-ano pa sa mga eksena. Iyon pala, kaya iyon sinulat, may iba pa itong kahulugan. Ang mga damdamin ng tao ay maitutulad sa panahon—pabago-bago. Puwede ring ang relasiyon; malamig ang tungo ng kaibigan o kasintahan ng tauhan sa kuwento. Mainit naman kapag nagtalo nang walang pakundangan. Away na away talaga.
Hindi patikim (teaser) ang prologo! Mali kayo riyan mga repapits. Iba ang blurb sa pagsusulat nito. (Matatalakay natin ang blurb sa ibang kabanata.)— Ayos lang na mahaba ang prologo. Huwag makigaya sa mga manunulat na kaunti lang daw dapat ang bilang ng mga salita. Mga wala silang alam! Halatang nakikiuso sa mga sikat na manunulat na wala ring alam. Hahahahaha.

BINABASA MO ANG
Mga Payo Niya
Non-FictionNaglalaman ito ng mga payo sa pagsusulat na nakabase sa sariling kaalaman, sariling karanasan, at sa pagkatuto sa iba. Pawang pang-opinyon ang karamihan, subalit tiyak na mayroong matututunan. "Masasabing nagtagumpay ka bilang manunulat kapag naibah...