Danas ko na ang mapasabak sa mahabang pila. Halos lahat na siguro ng galaw, nagawa ko na habang naghihintay ng turn ko: nabubugnot, kinakalikot ang cell phone kahit wala namang pagkakaabalahan, lingon-lingon sa maputing kisame, dingding na nangungulay kariton, at sa mga taong kasama kong nakaupo sa malamig na bakal gawa ng air conditioner, pagkuyakoy ng binti sa pagkainip, pamamawis ng katawan sa matagal na pag-upo, pangangalay ng paa at kamay sa pagdekuwatro at pangangalumbaba, at pagsandal na parang nasa bahay lang. Sa tuwing malapit ang mahabang pagsusulit, magbabayad ng tuition fee para makakuha ng permiso na makakuha ng exam, ito ang mangyayari. Parati. Suwertihan na lang kung uwian na at wala gaanong estudiyante at magulang na magbabayad. Mabilis naman ang pag-aasikaso ng mga staff sa Cashier, kaso parang ang tagal umikot ng orasan sa paghihintay dahil na rin sa walang magawa. Pagtitimpi at pagtitiyaga lamang ang paraan upang makaraos—hindi ang magpakaatat.
Maitutulad ang daloy ng isang akda sa pagpila. Kapag sinabing daloy, pinupukol dito kung gaano kabilis o kabagal ang pag-usog ng mga eksena at pangyayari. At doon, maraming bagay ang inaalam kung paano mapabilis at mapabagal ang daloy.
Kanina, nabasa mo ang mga ginagawa ko sa loob ng aking paghihintay sa pila. Para bumagal ang daloy ng akda mo, gawin mong detalyado ang iyong isusulat. Sa mga kuwento, ilalagay mo kung anong kulay ng damit ng tauhan, paano siya nagbibigay ng reaksiyon sa mga nahahawakan, naririnig, nakikita, nalalasahan, at nararamdaman niya, ano ang kaniyang iniisip, ano ang pinag-uusapan nila ng ibang tauhang parte ng eksena (kung sakaling mayroon), at marami pang iba. (Tandaan lang na ang mahahalagang impormasiyon ang ilalagay. Huwag magsusulat ng kung ano-ano na walang kinalaman sa takbo ng kuwento.) Sa mga sanaysay naman, ipapaliwanag mo ang tema o paksa ng iyong susulatan sa masinsinang paraan. Magsasaliksik ka ng pansuportang detalye, mga resulta ng sarbey, pag-aaral ng mga dalubhasa, at sarili mong opinyon na makapagpapalinaw sa iyong sulatin at makatutulong paigtingin ang stand mo sa usapin.
Pero ang tanong: paano mapabibilis ang daloy?
Kapag nagsusulat ako ng nobela, madalas akong gumamit ng oras at panahon sa paglipat ng eksena. Ito ang mga mababasa mo: “Kinabukasan . . . ,” “Pagkalipas ng ilang minuto / oras . . . ,” “Makalipas ang ilang segundo / sandali . . . ,” at “Mabilis na dumaan ang mga araw . . . (tapos magsasalaysay kung ano ginawa ng tauhan sa mga panahong iyon)” Ganito ako sa paglaktaw ng ganap sa kabanata.
May kaunti ka ng kaalaman sa itatalakay natin ngayon. Dalawang bagay lang naman ang dapat isipin dito: ang oras at panahon at ang detalye sa pangungusap.
Oras at Panahon
Nagkaroon ka na ba ng nobya/nobyo? Ako kasi, hindi pa. Pero nasubukan ko namang magmahal. Iyon nga lang, hindi ko sigurado kung ganoon din ba ang nararamdaman sa akin ng nagustuhan ko. (Bakit usaping pag-ibig ang nilalagay kong halimbawa nitong mga nakaraang pagtatalakay? Haha!)
Masasaktan ako siyempre, sa bawat gabing maiisip ko ang mga bagay na iyon. Itong huling pagka-crush ko sa isang babae (kaklase ko siya sa kolehiyo), ang nagpadama sa akin ng mga kinahaharap ng mga taong sawi. Naalala ko— Uy . . . tsismakers ka, ha! Gusto mong malaman kung anong nangyari, ano? Oo na! Ikukuwento ko na para naman maintindihan ang rason sa chikang ito.
Crush ko siya. Sa una, hanggang doon pa lang ang nararamdaman ko sa kaniya. Isa rin sa dahilan kung bakit ganoon ay mediyo naguguluhan pa ako. Bago ako mapabilang sa grupo ng magkakaibigan nila, natipuhan ko na siya. Ganda niya, e—morena. Tapos kapag ngumingiti, hindi niya nilalabas ang kaniyang ngipin, para bang nagpapa-cute. Ganoon talaga ang asal niya, ha. Huwag mo siyang bansagan na inaakit, pinapaasa, pinapa-fall niya ako.
Paiikliin ko na lang ang kuwento. Baka mas marami pa akong nasabi kaysa sa pagpapaliwanag.
Nagkamabutihan kami. Iyong isa naming kaibigan, alam niya ang mayroon sa amin. Pero walang kami. M.U. siguro? Basta, ganiyan. Araw-araw kaming nag-uusap sa Messenger. Hindi na kami nakasasali sa kulitan ng mga kaibigan namin sa chat group dahil may sarili kaming mundo.
BINABASA MO ANG
Mga Payo Niya
Non-FictionNaglalaman ito ng mga payo sa pagsusulat na nakabase sa sariling kaalaman, sariling karanasan, at sa pagkatuto sa iba. Pawang pang-opinyon ang karamihan, subalit tiyak na mayroong matututunan. "Masasabing nagtagumpay ka bilang manunulat kapag naibah...