Kinagigiliwan ng mga lalaki ang pagkakaroon ng sapatos. Marahil mapapakinabangan iyon sa paglalaro ng isports. Sinusuot nila sa mga liga, basketball practice, laban sa ibang paaralan, at pamporma. Pero ako, kasalungat nila.
Hindi ko makuha-kuha kung anong mayroon sa sapatos at nagkakandaugaga ang mga kapwa ko lalaki na kumolekta niyon. Updated sila sa mga bagong labas ng bawat brand. Inaabangan nila. Nag-iipon sila ng pera para mabili iyon sa araw na ilabas iyon sa mga tindahan sa mall. At kung papalarin, maireregalo pa sa kanila ng kanilang magulang, ninong/ninang, o kamag-anak. Maaaring kasintahan din nila ang bumili.
Isa sa mga rason kung bakit hindi ako kagaya nila ay dahil mahirap lang kami. Hindi kami mapera. Sa kabila man nito, natutunan kong maging kuntento sa kung anong mayroon ako sa kasalukuyan. Nagtitipid ako. Pinahahalagahan ko ang nandiyan na gamit, at iniingatan na parang milyon-milyon ang presiyo. Kaya iyon . . . wala akong kaide-ideya sa pagkatuwa nila sa tuwing nakatatanggap ng sapatos. Pare-parehas lang naman sila, hindi ba?
Ang ilan sa mga tanyag na brand ng sapatos ay ang Nike, Adidas, at Converse. Sa dalawang iyan, nag-aasam din akong magkaroon ng sapatos na gawa nila. Ang pinakagusto ko ay iyong Vans (hindi ko na nailista). Nagagandahan ako sa hitsura at kulay: itim at puti na linya sa magkabilang pisngi ng sapatos. Bagay sa akin na paboritong kulay ang itim. At sa itim, hindi mahihirapang parisan ng kahit anong ibang kulay kapag kasuotan ang pag-uusapan.
Hindi ako pala-isports na tao. Wala akong interes sa mga bola, net, at court. Naranasan ko namang makahawak at tumira, kaso hindi talaga sumapi sa akin ang pasikal na mga gawain. Pagpapawisan na magmumukhang pinahiran ng mantika ang katawan, manlalambot ang mga binti sa mahabang oras na pagtakbo, pagtalon-talon, at pagtayo, at makipag-away sa mga nakalalaro. Hindi ako gamay sa mga ito. Kaya wala akong sapatos na karamay sa mga ganoong karanasan. Iyon bang maaangas na kombinasiyon ng kulay na ipinapangalan sa mga sikat na basketbolista (Curry, Kyrie, Irving, LeBron). Sana lahat mayroong Nike na sapatos!
Bago pa lang magsulat, responsibilidad ng manunulat na alamin kung anong genre ang kaniyang isusulat. Ito iyong klase o kategorya ng akda. Ang ilan sa mga genre-ng ito ay pantasiya (fantasy), romansa (romance), katatakutan (horror).
Parang sapatos lang din ang mga akda. Nagkakaiba lang sa brand (Nike, Vans, Converse, Adidas), na maitutulad sa genre. Kung hilig mo ang isports, doon ka sa kalidad na sapatos ng Nike pipili at bibili. Kung pang-casual na gawain o fashion ang datingan mo, sa Vans ka maghanap ng magagamit. (O, ha, tamang sponsor lang tayo, hahaha.)
Iisa ang layunin—magkaroon ng suot sa paa, pero iba ang paggagamitan—pamporma o pang-isports. Sa pagsusulat naman, ang kinakamit ay makabuo ng isang akda. Ang pinagkaiba: anong klase ng akda ang isusulat at saan ito napapabilang?
Paglalakbay (Adventure)
Bahagi nito ang mga kuwentong mayroong pinatutunguhan. Ang mga tauhan sa kuwento, naglalakbay sa iba’t ibang lugar, lokasiyon, o dimensiyon para sa isang misiyon. Pupunta sila sa bundok upang dakpin at isako ang Ibong Adarna. Nnag sa gayon, mapagaling nila ang kanilang amahin na may dinaramdam na malubhang sakit. O kaya, may ililigtas na mga hayop ang mga tauhan na nasa bingit ng kamatayan. Hihingi ng tulong ang kasama sa Wonder Pets! Kung hindi naman ganito ang takbo, baka lumusot sila sa isang kloseta ng damit. Walang kaalam-alam ang tauhan na may lihim na lagusan sa loob patungo sa ibang mundo sa ibang henerasiyon. Napadpad sila sa Narnia!
Ang dapat tandaan sa pagsusulat nito, palipat-lipat ng destino ang mga tauhan. Kaya nga “paglalakbay” ang tawag dito. Dahil umiikot ang kuwento sa kinakaharap ng mga tauhan sa mga lugar na pinagtitigilan nila, dinaraanan, at pinupuntahan. At sa dulo, mapagtatagumpayan nila ang kanilang misiyon.
Pantasiya (Fantasy)
Purong kathang-isip ang nilalaman ng kuwentong ganito ang genre. Pinaiiral ang matinding imahinasiyon. Nakabubuo ng mga mundo na tinitirahan ng mga kakaibang nilalang, mga taong may tinataglay na natatanging katangian at abilidad, at mga hayop at halaman na nababahiran ng kababalaghan. Ang mga mundong iyon ay ang mga sumusunod: kaharian, paaralan, sa ilalim ng dagat o lupa, sa itaas ng langit, kalawakan, sa loob ng larawan, at marami pang iba.

BINABASA MO ANG
Mga Payo Niya
NonfiksiNaglalaman ito ng mga payo sa pagsusulat na nakabase sa sariling kaalaman, sariling karanasan, at sa pagkatuto sa iba. Pawang pang-opinyon ang karamihan, subalit tiyak na mayroong matututunan. "Masasabing nagtagumpay ka bilang manunulat kapag naibah...