8: Cliché

5 0 0
                                    

Halos lahat ng mga kuwento ay may pagkakatulad. Wala talagang orihinal na konsepto. Kaya lang nasasabing “orihinal,” dahil ikaw ang nagsulat. SA IYO nanggaling ang pag-iisip, pananaliksik ng mga impormasiyon, paglalatag ng mga kaganapan, paglikha ng pagbali, at pagsusulat. Nagkakaiba lang pagdating sa istilo, boses, atake, at pagkakasulat. Dito nagkakatalo.

Pamilyar na ang karamihan sa clichés. O sa tropes. Mapapansin sa mga telenovela sa bansa natin—Pilipinas—ang agawan ng asawa, gantihan, patayan, kidnap-an, at magkaribal na kambal hanggang sa humantong na ang mga eksena sa paulit-ulit na pangyayari. Ani mo ay roleta. At sa roleta, nagkakaroon ng premyo o gantimpala. Mababalitaan na lang sa telebisiyon na tinatangkilik pala ang ganoong klase ng kuwento sa ibang bansa, lalo na sa Espanya o Latin-America na mga bansa. Kinaiinisan man ng mga manonood (nagrereklamo sa comment section sa social media), pinapanood pa rin nila. Sa palagay ko, kaya nagpapatuloy ang cliché na telenovela ay dahil umiingay sa mga tao. Iyon ang basehan para masabing mabisa ang kuwento. Nakararamdam ng emosiyon ang manonood, negatibo man ito.

Ako, hindi ako pabor sa mga telenovela natin. Bakit? Hindi kasi makatotohanan. Basura. Ang gustong aral na ituro sa mga tao, masasamang gawain. Ewan ko ba bakit gustong-gusto ng mga lola o lolo natin ang ganoon. Hmm . . . siguro, nakagawian nila? Hmm. . . .

Naobserabahan ko na likas na sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng maraming kasintahan; hindi ko naman ito masisisi. Sa mga ninuno pa lang natin, normal na ang mga gawaing ganoon. Kaya, natawag iyong cliché. Gasgas na. Nangyari na at hindi bago sa paningin.

Bago tayo sumulong sa payo, mayroon lang akong idaragdag. Kanina-kanina lang, 11:35 A.M. siguro (naghugas ako ng pinggan para maayos ko ang aking iniisip), sumagi ang pagkakaintindi ko sa cliché. Hindi mga kuwentong karaniwan na ang tinutukoy niyon, kung hindi ang sangkap kaya naging cliché. Nakukuha mo ba? Malamang hindi. O sige, palawakin natin.

Encantadia. Isang salita pa lang, sigurado akong aangal ka na hindi ito cliché. At ako rin. Pero kung sisiyasatin, mapabibilang siya sa ganoon. Maging ang ibang kuwento na pantasiya, may sistema ng kapangyarihan. May kakaibang mundo. May mga kakaibang nilalang. May mga diyos at diyosa. Ang mga ito ang ang rason kaya naging cliché ang Encantadia. Kuha na ba? Bahala ka riyan kung hindi pa rin. . . .

Iniba lang ang pagkakabuo, pero ang elemento na ginamit ay natutulad sa iba.

Ang Harry Potter, umiikot sa salamangka. Gayon din ang Encantadia. Sa halip na mga wand, diyamante ang gamit nila para makalikha ng kapangyarihan. Ayos na ba?

Hindi mismo iyong tauhan, eksena, ugali, katauhan, at kung ano pa man iyan ang sanhi ng cliché.

Iyong mga academy, academy tsetse-buretse sa Wattpad, hindi iyon cliché. Naggagayahan na lang ng konsepto. Nakakaya mong magsulat pero hindi mo kayang makapag-isip ng bago? Bakit hindi mo gawing club? Ang pinangyarihan ng kuwento ay school pa rin, pero ang pinag-iikutan ng kuwento ay roon sa club at sa mga miyembro nito. O . . . baka agawin mo ideya ko. Ayos lang! Hindi naman ako magsusulat ng ganiyan. Mas maganda mga konsepto ko—“kakaiba.”

Cliché Patungong Orihinal

Ang gawin mo, humanap ka ng ibang anggulo para maging iyo ang konsepto. Alamin mo kung ano iyong malapit sa puso mo. At pukpukin mo ang iyong ulo, maalis man lang ang agiw at alikabok. Kaya yata hindi umiiral ang pagiging malikhain mo dahil nag-aalaga ka ng gagamba sa iyong utak. Makukulong sa web ang magaganda mong ideya.

Magbibigay ako ng mga halimbawa paano pababanguhin ang pagka-cliché na iyong naisip. Doon tayo sa masasabing pinag-isipan talaga, hindi pinag-isipan lang.

1. Plot twist

Naisip mo: magkapatid ang bida at kontrabida na pinaglayo noong sanggol pa sila

Naisip ko: ang mga pangalawang bida (ibang tauhan) ang magkapatid pala

2. Katangian

Naisip mo: tipid magsalita, malamig ang tungo, nakapapanindig-balahibong titig

Naisip ko: tipid magsalita pero wais ang sinasabi, malamig ang tungo dahil hindi pala alam kung paano makitungo, nakapapanindig-balahibong titig pero hindi nakaaakit

3. Eksena

Naisip mo: gumising ang tauhan sa pagkakatulog (sobrang gasgas na nito)

Naisip ko: gumising siya pero bakbakan na agad (nasaksak, nahinto sa oras at palaging bagong gising ang simula ng nangyari bago siya habulin ng papatay sa kaniya)

4. Konsepto

Naisip mo: tatlong magkakaibigan na magkasintahan ang dalawa at iyong isa may gusto sa kung sino man sa dalawa

Naisip ko: kaya naging magkasintahan iyong dalawa ay gawa noong isang may gusto. Hindi bastang nagkatuluyan, pero hindi nilakad. Parang naging tulay sa pagitan nila.

5. Wakas

Naisip mo: mamatay ang isang tauhan

Naisip ko: patay na agad sa simula tapos paunti-unting ikukuwento ang nangyari bago siya mamatay

Sa totoo lang, para-paraan ang pagsusulat. Kung laging cliché ang naiisip, huwag mabahala; walang masama rito. Kaya nagkakaroon ng mga bagong ideya dahil mayroong nauna, at iyon ang cliché. Ibang usapan na kapag tinularan mo ang kuwento ng iba. Isip ka rin ng sarili mo. Iyong matatawag na “iyo.”

• • •

Ano ang cliché na plot o eksena ang sinusulat mo?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon