Ito ay ang mga kompanya na humahawak ng mga librong nakikita natin sa National Bookstore, Book Sale, Manila International Book Fair, at ilang negosiyo na nagbebenta ng mga iyon. Sa kanila inilalathala (pina-publish) ang mga libro. At ang mga libro ay nakadepende sa kung ano ang ipapalathala ng kliyente.
May mga pubhouse na tumatanggap ng ibang serbisiyo maliban sa pagsasalibro. Ang mga tauhan nila, may kakayahang magsaayos ng manuskripto, gumawa ng pabalat, o mag-format nito. Siyempre, kalakip niyon ang karagdagang bayad.
Sa pagpapasa, ipinagkakatiwala mo ang iyong akda sa pubhouse. Kaya bago dumako sa prosesong ito, kailangan mo munang maging segurista. Aalamin mo kung mayroon silang business permit para makapag-opera. Maganda rin na kilala mo sila sa personal, kung sakaling totoong impormasiyon ang mga ginamit mo. Para sa akin, hindi patas na sila lang ang may alam sa pagkakilanlan mo. Isa ring kailangan isaalang-alang ay kung naaalagaan ba nila ang mga manunulat o kliyente na nag-avail ng kanilang serbisiyo. Gayon din ang kalidad ng akda mo. Kung maraming isiyung kinasasangkutan ang pubhouse, mag-ingat-ingat.
Pumili ka ng pubhouse na makatutulong sa iyo bilang maging manunulat na dekalibre. Pero huwag lang iikot dito, ha. Hindi ka naman nagsulat para sumikat lanf, hindi ba? Nagsulat ka kasi gusto mong may maibahagi sa mundo. Hayaan mong ang mga akda mo ang magpakilala sa iyo. Ipinupunto ko lamang dito na ang pubhouse . . . aalalayan ka, masasandalan mo, at aagapay sa iyo bilang manunulat. Doon ka sa mahahasa pa ang iyong kakayahan sa pagsusulat. Isaisip mo ito sa sandaling pumirma ka ng kontrata na exclusive. Sa pagkakaintindi ko rito, sa pubhouse na iyon ka lang pupuwedeng mag-publish at bawal sa iba dahil may malalabag kang kasunduan. Kaya mabutihin ang pagdedesisiyon. Dahil gaya nga ng sinabi ko, iyan pa lang ang hakbang ng simula ng lahat.
Uri ng Publishing House
1. Trade
Sila ang nasa likod ng mga libro na mapapansin sa sari-saring book store. Kung hindi ako nagkakamali, ito ay iyong tinatawag na “traditional.” Dito, sagot ng pubhouse ang lahat: pagsasaayos, paglalathala, pagma-market, at kung ano-ano pang gastos.
2. Book Packagers at Book Developers
Book packagers ay iyong mga responsable pagdating sa imprint. Ito ang kategorya ng mga libro na pasok sa isang genre. Halimbawa: Ang ilalathalang mga libro ay mapapabilang sa Makamundong Imahinasiyon. Lahat ng libro na pasok sa pantasiya lamang ang hahawakan ng pubhouse. Pero iba pa mismo ang magpa-publish ng mga libro. Kumbaga, sila lamang ang naghihimay-himay ng mga manuskripto.
Ang book developers naman, sa pangalan pa lang, ay nagpopokus sa konsepto at ideya. Iisip sila ng mga patok na plot, tapos ibebenta sa mga publisher.
Fixed rate ang bayad sa mga manunulat na nagtatrabaho sa mga kompanyang ito. Hindi nakadepende sa kinita ng naibentang libro. Sa tingin ko, sial iyong bayad muna bago gawa. O ang bayad nila ay hindi tumataas at hindi bumababa, “fix” lang.
3. “Bargain”
Mga tingi-tingi. Mas inaalala rito ang mga gastusin sa paglalathala.
4. Textbook at Akademiko
Ito ay para sa mga librong ginagamit sa paaralan at unibersidad. Ang mga inaaral ng mga estudiyante, sa kanila nanggagaling. Hindi iyong mga nakasulat, ha!
5. Pampropesiyonal
Mga akda na ang gagamit ay mga propesiyonal. Sila ang mga mayroong lisensiya: tagapagtuos (accountant), arkitekto, inhinyero, guro, at iba pa.
6. Self-Publish
Tinutulangan nila ang mga manunulat na gustong ilathala ang kanilang libro na hindi umaasa sa pubhouse. Kumpara sa trade, ang mga manunulat ang sasagot sa lahat ng gastusin. Ang trabaho lamang ng pubhouse, ilathala ang kanilang libro.
7. Hybrid
Halo-halo. Puwedeng pang-trade, puwede ring pang-self-publish.
• • •
Ang pinagkuhanan ng impormasiyon ay mula sa link na ito:
thebalancecareers(.)com/types-of-book-publishers-2799865
• • •
Ano ang gusto mong subukan?
— A.V. Blurete
BINABASA MO ANG
Mga Payo Niya
Non-FictionNaglalaman ito ng mga payo sa pagsusulat na nakabase sa sariling kaalaman, sariling karanasan, at sa pagkatuto sa iba. Pawang pang-opinyon ang karamihan, subalit tiyak na mayroong matututunan. "Masasabing nagtagumpay ka bilang manunulat kapag naibah...