'Ten Ways on How to Avoid Death'
Minsan nakakairita na talaga 'tong mga notifications na ganito. Bigla-bigla na lang silang magpapop-up tapos halos pare-pareho lang naman ang laman. Minsan nga ang iba wala pang katuturan.
Ten ways to avoid death?
Parang wala na yatang 'yang silbi sa akin dahil pakiramdam ko mamatay-matay na 'ko sa college.
Napabuntong-hininga na lang ako at napalinga bago itinago ang cellphone ko sa bulsa. Wala na akong mahagilap ni kahit isang anino sa paligid. Sabagay, madaling araw na ng Linggo, talagang tulog na ang mga tao kapag ganitong mga oras.
Napakapit ako sa dalang payong nang mas lalong lumakas ang bugso ng ulan. Madilim ang buong paligid dahil hindi naman gumagana lahat ng ilaw sa gilid ng daan, isama pa ang hamog na hindi ko alam kung saan nanggaling.
Nangangatog man, sinimulan ko nang humakbang palayo sa bus stop. Kung kanina pa sana ako naglakad, siguro nakarating na ako sa apartment namin ni Florence. Sana nga lang gising pa siya dahil hindi ko dala yung susi. Hindi ko naman kasi inaasahang imbes na tumila ay mas lalakas pa ang buhos ulan.
Binilisan ko ang kumpas ng aking paglalakad dahil may kung anong bumabagabag sa akin na hindi ko maintindihan.
Pakiramdam ko ay may nagmamasid sa 'kin.
Lumiko ako sa kanan at sinalubong ng malakas na hampas ng hangin dahilan para hindi ko mapansin ang butas sa daanan. Nayamot ako ng husto nang maramdamang pumasok ang tubig sa loob ng aking sapatos at medyas.
Mas hinigpitan ko pa ang pagkakahawak sa payong at mas binilisan ang paglalakad hanggang sa marating ko ang isang madilim na pasilyo. Luminga muna ako sa paligid at humugot ng isang malalim na hininga bago pumasok sa eskinita.
Walang dumaraan dito maliban sa akin at sa mga katulad kong estudyanteng nagmamadaling makauwi sa dorms at apartments, kaya naman sigurado akong walang sumusunod sa akin kahit madilim.
Napalundag ako at halos mabitawan ang hawak nang biglang may kumaluskos sa may hindi kalayuan. Agad ko itong hinanap at mistulang nabunutan ng tinik nang mapagtantong pusa lang pala na nagkakalkal sa isang basurahan. Tumingin ito sa gawi ko at agad tumakbo, bitbit ang plastic bag na hindi ko alam kung anong laman.
Kaba yata ang papatay sa 'kin, hindi 'yong upcoming thesis!
Napailing na lang ako para mawala ang takot na nararamdaman at mas binilisan ang kumpas ng aking paglakad.
Kailangan ko na yatang bawas-bawasan ang panonood ng horror movies. Hindi nakakatulong pag ganitong natatakot ako.
Ilang beses na akong dumaan dito at hindi na rin bago sa akin ang mga eksenang ganito tuwing may bagyo. Isang kanto na lang at sigurado akong makakauwi na ako sa loob ng limang minuto.
Natitisod-tisod man sa mga basura at boteng iniiwan ng mga tambay at estudyante, tahimik at maingat ko pa ring nilalakad ang pasilyo.
Wala naman sigurong mangyayaring masama 'di ba?
Sa hindi malamang dahilan ay nanayo lahat ng balahibo sa aking katawan. May kung anong maliit na ingay na hindi ko alam kung saan nanggaling. Agad ko itong hinanap pero hindi ko ito mahagilap. Sa sobrang bilis nitong kumilos ay hindi ko ito masundan.
Namayani ang takot sa katawan ko at natuod sa kinatatayuan nang maramdaman ang presensya sa aking likuran.
Umalingawngaw sa magkabila kong tainga ang malakas na kabog ng aking dibdib. Pinigilan ko ang aking paghinga, nagbabakasakiling aalis din ang anumang nakakakilabot sa likuran ko.
Mistulang tumigil ang ikot ng mundo nang maramadaman kong may pumatong na malamig na kamay sa aking kanang balikat.
BINABASA MO ANG
The Harvest [Unedited]
FantasyAlexa Saunders, a 27-year-old N.B.I Agent with a traumatic past, has to come back to the province when the news about her cousin's disappearance reached the local headlines. Two days. No traces. It's as if the 19-year-old obnoxious teenager just dis...