IX

37 11 30
                                    

Cammie's POV

"Malayo pa ba tayo?"

Hindi sumagot si Alpheus sa tanong ko at patuloy lang sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa naming maglakad kung nakakateleport naman siya. Hindi naman niya sinabi sa akin basta bigla na lang siyang pumalakpak tapos napunta kami kaagad sa tarangkahan ng bahay niya.

Ang nalaman ko lang, hindi siya sa ordinaryong gusali nakatira. Para siyang hari ng isang palasyong gawa sa marmol at ginto. Kaya siguro pinipili niyang magteleport kasi nakakabagot naman talagang maglakad-lakad kapag ganon kalawak ang tirahan mo.

"Alpheus," tawag ko sa kaniya pero hindi pa rin niya ako kinikibo. Napabuntong-hininga na lang ako. Gusto ko lang naman itanong sa kaniya kung bakit kailangan niya pa akong bihisan nitong mahabang damit na abot hanggang sa bukong-bukong ko. Kulay puti ito at binurdahan ng ginto. Ang haba pa ng manggas tapos mabigat. Hindi tuloy ako makalakad ng husto.

"Intindihin mo na lang siya. Malas mo at si Alpheus pa ang naging tagasundo mo," singit ni Acheron. "Say, Cammie. Payag ka bang ako na lang ang maghahatid sa 'yo sa paghuhukom?" 

Napatigil ako sa paglalakad pero hindi dahil sa tanong niya. Ilang minuto na kasi naming binabaybay ang daan dito sa magubat na parte ng lupain ni Alpheus at nangangalay na ang mga paa ko. Hindi rin nakatulong itong pinasuot niyang sandals sa 'kin. Sana hindi na lang talaga ako pumayag na tanggalin niya yung rubber shoes ko.

Bahagya akong tumingin sa likod at napasimangot dahil tanaw ko pa rin ang kastilyo na pinanggalingan namin. Tumingin ako sa gawi niya at nakitang patuloy pa rin siya sa paglakad. Ibinaling ko na lang ang atensyon ko kay Acheron na tumigil din sa paglalakad.

"Paghuhukom? Kailan 'yon?" 

"Yep! Let's see..." Hinawakan niya ang kaniyang baba na tila nag-iisip. "Halos isang araw ka nang nandito kaya baka isang linggo ka nang walang malay sa mundong ibabaw. Tatlong linggo na lang ang ititira ng katawan mo dun bago tuluyang maputol ang koneksyon nito sa kaluluwa mo," sagot niya na bahagya kong naintindihan. 

"So, payag ka? Ako na lang - " Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil biglang sumingit si Alpheus sa usapan namin.

"Stop with your nonsense, Acheron," walang gana niyang sambit sabay tingin sa gawi ko. "Ano? Kailangan pa ba kitang buhatin? We really don't have much time left, kaya kung pwede bilisan niyo ang paglakad." Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad palayo. Wala naman kaming magawa ng kasama ko sa kasungitan niya kaya sumunod na rin kami.

'Bakit kasi hindi na lang magteleport?'

"Anong teleport?" 

Nasabi ko nanaman pala ng malakas. "Yung ginagawa niyo kapag naglilipat-lipat kayo ng lugar. Gaya nung pinalakpak ni Alpheus yung mga kamay niya. Tapos yung ginawa mo nong muntik mo na akong patayin." Sinamaan ko siya ng tingin habang sinasabi yung huli. 

"Hoy, di kita gustong patayin ah! I was going to free your soul from Alpheus!"

Tinaasan ko lang siya ng kilay kaya napabuntong-hininga siya bago nagpatuloy. "Isa pa, hindi teleport ang tawag dun. Yung ginagawa ni Alpheus na pagpalakpak, sa loob lang ng palasyo niya lang iyon nagagawa dahil siya ang nagdesenyo at bumuo ng sarili niyang palasyo para hindi makapasok ang kung sinu-sino sa aklatan niya. Yung ginawa ko naman, binilisan ko lang ang kilos ko. Lahat kami kayang gawin yun pero nakakapagod kaya hindi namin madalas ginagawa. Hindi yun 'teleport'."

"Paano ka nakapasok kung siya lang ang nakakabukas nung library?"

"He left it open. Nung isang araw pa akong naghihintay sa kaniya dahil may kailangan akong malaman. Nagulat nga ako nang biglang bumukas yung gate tapos kinalimutan niyang isara. Turns out he was keeping a soul with him."

The Harvest [Unedited]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon