Kabanata 17

26 5 0
                                    

Kabanata 17

Jess's POV

Ilang segundo na kaming magkatitigan ng lalaking patpatin. Siya ulit ang mag-isang nagbabantay sa 'kin. Hindi ko alam kung nasaan sila Angelo. Gabing-gabi na rin pero gising na gising ang isip ko. Natatakot akong pumikit o matulog. Baka hindi na 'ko magising. Baka patayin na nila 'ko. Pinasadahan niya 'ko nang tingin. Tumulo ang isang luha ko dahil kitang-kita ko ang kaibahan ng titig niya ngayon kumpara noong mga nakaraang araw.

Hindi na 'yon tingin ng isang lalaking pinagnanasaan ang isang babae.

Tingin na 'yon ng isang lalaking nakakaramdam nang awa.

Tingin ng taong tinutulak ng konsensiya.

And it suddenly changed. Biglang nag-iba ang tingin niya. Muling tumigas. Galit. Masamang tumingin sa akin. Naglakad siya sa gilid kung saan may isang supot. Kinuha niya ang nasa loob. Pagkain. Nagugutom na 'ko.

Pero mas gusto kong makatakas. Gusto ko nang makaalis dito. Lumapit siya sa akin. Napahinga ako nang malalim. Tiningala ko siya. Muli kaming nagkatitigan.

"Kumain ka. 'Wag mo 'kong dramahan..."

Parang doon lumabas lahat nang galit, sakit, gutom, lungkot, sama ng loob at kaba ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko napigilang humagulhol. Natigilan siya. Yumuko ako. Sunud-sunod na tumulo ang mga luha ko. Awang-awa na 'ko sa sarili ko. Hindi na ako 'to. Ayoko pang mamatay. Gusto kong makaalis dito. Alam kong buhay ko ang kapalit sa linya ng trabaho ko pero ayoko pang mamatay.

Hindi dito.

Hindi sa mga kamay ni Valiente.

Ayoko pa.

Humagulhol ako. Pagod na pagod na 'ko. Pinipilit kong patatagin ang isip ko pero bumibigay na ang katawan ko. Hindi ko na kakayanin kung tatagal pa 'ko ng ilang araw dito.

Pagod na 'ko.

Tang ina.

Pagod na pagod na 'ko.

Mula sa uhaw. Gutom. Pambababoy nila sa akin. Pananakit. Pagpaso sa balat ko. Paghampas ng sinturon sa katawan ko. Sa paggupit nila ng buhok ko. Sa malalakas na sampal ni Valiente. Sa dugong umalpas mula sa mga labi ko. Sa mga luhang umagos mula sa mga mata ko sanhi nang hindi matatawarang takot, kaba, galit at sama ng loob.

Lahat-lahat na!

Journalist ako! Trabaho ko ang alamin at sabihin ang totoo! Bakit kalaban ang tingin sa amin nang nakararami?

Bakit pinepersonal nang nakararami ang ginagawa namin?

Sinasaktan kami. Binubusalan kami. Pinapatay. Pinapatahimik.

Tama na! Itigil na!

"Tao ka rin. Hindi ako naniniwala na wala kang nararamdamang awa sa sitwasyon ko. May nanay ka... mga tiyahin... kapatid na babae... anak na babae. Parang awa mo na. Gusto ko pang mabuhay," dinig na dinig ang hagulhol ko sa buong sulok nitong bodega.

Hindi ako makapagsalita nang maayos pero pinipilit ko. Sobrang kirot ng dibdib ko. Ngayon ko nararamdaman lahat nang sakit na pinagdaanan ko buhat sa mga kamay ni Valiente. Nang hindi siya nagsalita ay tiningala ko ulit siya.

Titig na titig siya sa akin. Tikom ang bibig. Pansin ko ang panginginig ng mga balikat niya.

Nagpatuloy ako. "Huwag mong ipagkait sa 'kin ang buhay ko. Ayoko pang mamatay..."

"Kalaban ka," sagot niya.

Nagsalubong ang mga kilay ko. "Kalaban? Si Valiente ang kalaban natin. Journalist ako. Trabaho ko ang isulat ang tama. Masamang tao ang pinagsisilbihan mo."

Nights of DisquietTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon