Kabanata 3

64 8 0
                                    

Kabanata 3

Jess's POV

Kapag natoka ka sa politics beat, isa sa dalawa ang kahihinatnan mo. Ang mabuhay o mamatay. Sa lahat ng beats sa journalism, politics beat ang isa sa pinaka delikado pati ang investigative journalism. Naalala ko 'yong balita no'ng may pinatay na journalist sa isang probinsiya sa Visayas. Isa siyang lalaking journalist at naatasan mag-cover at magsulat tungkol sa illegal mining sa lugar na 'yon. Ang ending ay pinatay siya.

Meron din sa Mindanao kung saan namatay ang isang journalist pagkatapos ng second attempt na pagpatay sa kaniya. Nakaligtas siya sa unang killing attempt nang magpanggap siyang patay na pagkatapos siyang paputukan ng mga hindi kilalang lalaki at tamaan sa bandang balikat. Nang masiguro niyang nasa malayo na ang mga suspek, dumilat na siya at laking gulat niya nang makitang may nakadikit na papel sa bandang dibdib niya.

Ang nakalagay: adik ako, 'wag tutularan.

Pagkatapos ng apat na taon ng first attempt sa pagpatay sa kaniya, nagtagumpay ang mga hindi kilalang suspek at binaril siya mismo sa ulo sa mismong loob ng bahay niya.

Hindi rin nakakaligtas ang mga babaeng journalists. Sa totoo nga niyan, matinding online harassment ang natatanggap ng mga kababaihan na nasa larangan ng media. Katulad ko. Araw-araw akong nakakatanggap ng death threats at kung ano-ano pa.

Pero mayro'ng isang balita na pumutok noon sa ibang bansa. Kung saan ang isang babaeng journalist ay may natuklasang sikreto na itinatago ng gobyerno doon at sinulat niya 'yon. Ngunit bago pa iyon mai-print, pinatay ang babaeng journalist at kasabay niyon ay namatay na rin ang sikretong isinulat niya.

Dito sa Pilipinas, 187 Filipino journalists na ang pinatay sa nakaraang tatlong put limang taon at alam ng buong mundo na hindi sapat ang seguridad ng mga journalists dito sa bansa.

Gano'n kalala ang journalism dito lalo na kapag nagsusulat ka under politics beat. Dahil hindi basta-basta ang mga taong subject sa article na sinusulat namin. Mga pulitiko sila. May kapangyarihan. Nasa puwesto man o wala.

May mga organizations naman na tumutulong para protektahan ang mga journalists gaya ng Committee to Protect Journalists. Isa itong independent, nonprofit organization na nagpo-promote ng press freedom sa buong mundo. Sila ang willing na tumayo sa likod naming mga journalists para matulungan kaming makapag-report o makapagsulat nang walang takot at ligtas.

Ayon sa datos na nakalap nila, kada taon ay daan-daang journalists ang inaatake, kinukulong o pinapatay. Sa 40 years nilang pagtulong sa aming mga journalists, nakita na nila lahat ng mga karumal-dumal na krimeng pinalasap sa mga journalists sa buong mundo.

Huminga ako nang malalim habang nagmamaneho pauwi. Hating-gabi na at minsan ito 'yong oras na pakiramdam ko hindi ako ligtas. Pakiramdam ko lang kasi kapag mas tahimik ang paligid, mas maraming pagkakataon ang kahit sino na sumunod sa 'kin dahil walang mga matang nakasunod o humahabol sa kanila.

Nang makarating ako sa tapat nang tinutuluyan ko ay agad akong lumabas ng kotse, binuksan ang itim na gate, muling bumalik sa kotse at nag-drive papasok sa loob ng gate. Agad kong ni-lock ang gate at pinara ang kotse ko sa katamtamang parking space na katabi ng maliit kong garden.

Tumapat ako sa nakasarang pinto at hinugot ko ang susi sa bulsa ng pantalon ko. Nang mabuksan ko ang pinto ay tumingin muna ako sa likuran ko. Inisa-isa kong tignan ang buong paligid.

Nakasara ang gate.

Naka-park ang kotse ko.

Maayos ang mga halaman ko.

Malinis ang paligid.

Binalik ko ulit ang paningin ko sa gate.

Nakasara ang gate.

Nights of DisquietTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon