Nagsimula ang lahat nang mapagdesidyunan naming mag-asawa na lumipat ng Maynila pagkatapos kong gumraduate sa kursong kinuha ko. Matagal ko na itong pangarap upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya ko na umaasa pa sa akin bilang bread winner. Malaki kasi ang sahod sa Maynila kaysa sa probinsya.
"Nalagay ko na sa bag mo ang baon mo, mahal. Adobong manok 'yun na paborito mo." Sabi nito sa akin habang humihikab pa.
Alas kwatro palang ng madaling araw ay gumigising na ang asawa ko para paghandaan ako ng babaunin ko sa trabaho dahil sobrang mahal ng mga ulam sa pinagtatrabahuan ko. Alas sais din ay umaalis na ako para maghintay ng masasakyan, nakikipagsapalaran kasama ng iba pang commuters.
"Salamat, mahal." Sabi ko nalang dito at hinalikan siya sa noo. "Mag-ingat kayo rito ah lalo na sa sunog."
"Mamamalengke kami mamaya ni Jhoanna para uulamin natin mamaya. Gusto mong mag-laswa?" Tanong nito sa akin.
Paborito kong pagkain sa probinsya ang laswa, sinabawang gulay na may hipon. Dahil baguhan pa lang ako sa trabaho madalas ay kinakapos pa kami kaya si Diana ang pinagbabudget ko. Magaling kasi siya humawak ng pera.
"Sige, kahit ano mahal."
"May pera ka pa ba diyan?" Tanong nito sa akin. Madalas kasi ay nagtatanong siya sa 'kin kung may allowance pa ako na gagastusin sa isang linggo.
"Meron pa, mahal." Sabi ko. Natuto na rin akong maging kuripot ng dahil kay Diana. Kuripot siya sa mga bagay na hindi naman kinakailangan sa ngayon.
Sa pitong taon naming mag-asawa ay hindi namin napag-awayan ang pera. Bago pa man kasi maubos ang sahod ko ay sinisigurado niyang may mga de lata o mga noodles na kaming stocks. Ganoon siya kagaling humawak ng pera. Isa sa mga katangian na nagustuhan ko sa kaniya maliban sa pagiging mabait, mapagpasensya, at maalaga na asawa.
"Tipirin mo nalang muna 'yan, mahal ah. Dadagdagan ko nalang 'yan sa sahod mo." Sabi nito na kinatanguan ko nalang.
Wala akong masabi sa sobrang perpekto ng asawa ko. Hindi siya katulad sa ibang babae na mabunganga, katulad ng nanay ko. Kapag wala ako sa mood at may minsan na nasusungitan ko siya ay hindi niya na ako sinasabayan. Bagkus ay nananahimik nalang siya at hindi ako pinapansin hanggang lumamig ang ulo ko.
Hindi rin siya selosa katulad nong ibang babae. Nagtatanong lang siya kung sino ang babaeng kausap ko at kapag napaliwanag ko na ay nginingitian lang ako nito. Malaki ang tiwala ng asawa ko sa akin. Bagay na hindi ko gustong sirain.
Pagtapos kong magkape at tinapay ay nagpaalam na ako para makapagpahinga naman ang asawa ko. Ihahatid pa kasi niya sa paaralan ang anak namin.
Umaga palang ay tagaktak na ang pawis ko sa haba ng pila rito sa LRT station. Dito nalang kasi ako sumasakay dahil tatlong sakay pa ako kung jeep ang sasakyan ko. Mas malaki nga sahod dito sa Maynila, mas mahal naman ang mga bilihin kung kaya ay halos wala ring pag-unlad sa amin. Mahirap pa ang buhay dahil kung hindi ka magtatrabaho rito ay wala ka ring makakain o matitirhan.
Hindi nakapagtapos si Diana ng pag-aaral dahil huminto siya noong pinagbubuntis niya si Jhoanna. Malaking disappointment iyun para sa kaniya at sa pamilya niya. Umabot sa punto na gusto na ring magpakamatay ni Diana noon pero pinigilan ko para sa kaniya at sa magiging anak namin. Nagpatuloy Ko sa pag-aaral habang si Diana ang nagtatrabaho para sa amin. Namasukan din ako sa iba't ibang part time job para matulungan siya sa gastusin at sa awa ng Diyos ay nakapagtapos ako ng pag-aaral ko. Noong makapagtapos ako ay pinahinto ko na si Diana sa pagtatrabaho upang matutukan nalang ang anak namin.
Hindi naging madali ang buhay namin pero laking pasasalamat ko sa Diyos dahil biniyayaan niya ako ng mapagmahal at mapag-arugang asawa. Alam kong magiging tama ang pagpapalaki namin sa anak namin dahil magaling magdala ng pamilya ang asawa ko.
![](https://img.wattpad.com/cover/227319049-288-k597848.jpg)
BINABASA MO ANG
Thirty Cups
AcakThis is a compilation of my 30 short/one shot stories. Enjoy reading! [2020]