Miyerkules ng hapon, at ang mood sa laboratoryo ay parang lumutang na taba sa formalin..mabagal at malapot.
Dahil tapos na ang bulto ng grossing at naghihintay na lang kami ng processing, naisipan ng tatlong itlog na mag-relax.
Pero ang relax para kina MJ, Luzviminda, at Claire ay hindi kape. Ito ay gulo.
"Hoy, MJ! Ilabas mo na yung binili mong Bluetooth speaker sa Shapi!" bulong ni Luzviminda habang pasimpleng tinitignan ang pinto ni Doc Ria.
"Masyadong seryoso ang paligid, baka mag-atrophy ang brain cells ko."
"Sure ka ba? Baka masita tayo rito," pag-aalinlangan ni Claire, pero ang daliri niya ay parang may sariling isip na pini-pin na ang "Balik Tanaw ng Tita mong Yearner" playlist sa Spotify.
"Anong sita? Bonding to! Music therapy! Sabi nga sa research, nakaka-improve ng productivity ang music" sagot ni MJ.
Research mo mukha mo, MJ.
Maya-maya, umalingawngaw ang pamilyar na intro. Hindi K-Pop, hindi Lofi, kundi ang pambansang awit ng mga inuman sa kanto: "Baleleng."
Dinami-dami ng kanta, bakit 'Baleleng' pa? Pang-reception ng kasal sa probinsya ang vibe natin ngayon. Pero aminin ko, ang ganda ng pasok ng gitara.
Nararamdaman ko na ang inner probinsyana ko na gustong sumayaw sa gitna ng mga specimen jars.
"Tulad mo Baleleng ay isang mutya
Perlas na kay ningning anong ganda.. "
"Ayan! 'Yan ang tugtog na may damdamin!" sigaw ni Luzviminda. Kinuha niya ang isang mahabang forceps at ginawang kunwaring microphone.
"Rosie! Sumabay ka!"
"Huy, itigil niyo yan! Baka lumabas si Doc Ria o Doc Lexa!" babala ko, pero dahil sadyang mahina ang self-control ko at biktima ako ng peer pressure, nagsimula na rin akong gumiling sa tabi ng microtome.
"Isang tagay para sa isang buong breast tissue!" hiyaw ni MJ habang ginagawang shaker ang isang walang lamang container ng reagents.
Nagsimulang mag-concert ang tatlo. Si Claire ang back-up dancer na ginawang wings ang kanyang XL na lab gown, si MJ ang DJ na ginawang shaker ang walang lamang container ng reagents, at si Luzviminda ang main vocalist na damang-dama ang bawat nota habang nakapikit pa.
"At ako Baleleng ay isang dukha
Langit kang di abot ako'y lupa..." kanta ni Luzviminda, halos mapatid na ang ugat sa leeg.
"Ang ganda ng boses mo, Luzi! Pang-anesthesia!" biro ko.
"Anong pang-anesthesia? Pang-punerarya!" bawi ni Claire.
Sa sobrang lakas ng bass at sa tindi ng birit ni Luzviminda, hindi na namin napansin na ang pinto ng main office ay dahan-dahan nang bumukas.
Doon, nakatayo si Doc Ria. Bitbit ang kanyang clipboard, nakasalamin na lalong nagpapadagdag sa kanyang strict professor look, at may ekspresyong parang nakakita ng isang rare case ng mass hysteria na kailangang i-quarantine.
Biglang huminto ang sayaw ni Claire. Muntik nang mabitawan ni MJ ang speaker.
Pero si Luzviminda? Ayun, nakapikit pa rin at nasa climax na ng kanta.
"Puso ko sa iyo'y maghihintay
Pagkat mahal na mahal kitang tunay..." Kanta ni Luzviminda with feelings.
"Luzviminda."
Isang salita lang, pero ang Baleleng ay biglang naging Silent Night.
Dahan-dahang idinilat ni Luzviminda ang mga mata niya. Nakita niya si Doc Ria na nakataas ang isang kilay.
BINABASA MO ANG
Begin Again (GL)
ChickLit"When the heart flags a critical value, can love still find a way to stabilize?" [Cover page not mine. Picture credits to the original owner. Source: Pinterest]
