ET 5 ⛽️ - Kinilaw na Bariles

100 20 74
                                    




HINDI MAITAGO ni Golda ang galak na naramdaman habang lulan na sila ng traysikel. Dahil nasa gilid siya nakaupo ay malayang inilipad ang mahaba at maalon-alon niyang buhok sa kawalan; kasabay din ng paglipad ng kanyang isip tungkol sa engkwentro nila ni Hemler kanina sa simbahan. Naguguluhan sa sarili kung ano nang namumuong damdamin para sa binata.

Nang magbalik sa kanyang huwisyo ay mabilis na naisip na mas mauuna pala siyang bumaba. "Kuya, sa Blaze Gasoline Station lang po ako bababa," wika niya sa drayber na ikinatalima naman nito.

Ilang minuto ay narating na nila ang kanyang destinasyon. "Ma, mauna na po ako," pamamaalam niya sa ina sabay mano ng kamay nito. "Babye Ate Lai, Kai." Kumaway siya sa mga kapatid na nasa likod naman nakaupo.

"Mag-ingat ka. Kumain ka ha. Huwag magpagutom," paalala ng kanyang ina.

"Opo, Ma."

Buhat sa 'di kalayuan ay natanaw na niya ang mga kasama na naghihintay sa kanya.

"Nariyan na si Golda, guys," natitiling turan ni Angelie.

"Kanina pa kayo?" usisa niya sa mga kasama nang nasa tabi na siya ng mga ito.

"Hindi naman masyado, Dai. Nagutom lang naman kami sa kahihintay sa 'yo," eksaheradang turan ni Jordan na binuntutan pa ng nakakalokong tawa.

Sa inis niya ay binatukan naman agad ito. "Puro ka biro talaga, Dong!"

"Ang dalaga natin ngayon, Golda," puri naman ni Michael. "Pero mas dalagang tingnan iyong nasa likod. Ate mo ba iyon?"

"Oo ate ko iyon. Bakit?"

"Hmm pwede bang magpa-regards?"

"Regards ka diyan. Eh may boyfriend na iyon."

"Ouch! Iiyak na iyan. Hoy, Michael, paano ka naman magugustuhan eh ang ganda ng ate ni Golda. Eh mukha ka namang... ewan!" pambabara naman ni Angelie.

"Hey, that's enough peepz! Come on, let's have fun together!" sabat ni Jordan na animo'y isang Amerikanong lasing.

Sa bahay nila Angelie ay napansing may mga bisita ring naroon. Papasok pa lang sila sa terasa ay nalanghap na niya ang usok ng sigarilyo at mapait na baho ng alak. Isang grupo ng kalalakihan ang kanyang nakitang naroon.

"Kuya, mga kasama ko po sa trabaho," wika ni Angelie. "Sila Mama at Papa, saan sila?" Napakamot ito sa ulo.

"Nasa loob sila. Hinihintay kayo."

"Gel, anong pangalan ng chicks na kasama mo? Pakilala mo naman," tinig ng isang maputi at gwapong lalaki na may hikaw, matapos dire-diretsong tinungga ang lagpas sa kalahating laman ng alak sa baso. Alam niyang siya ang tinutukoy nito, dahil siya lang naman ang kasamang babae.

"Hoy, huwag mong pag-trip-an si Golda, Kuya Bert. Ang bait niyan." Si Angelie.

"Si Golda pala. Hi Golda!" Kumakaway pa ang lalaki, at nahihiyang kumaway rin siya pabalik dito.

Naghiyawan ang lahat ng mga kaibigan ng kuya ni Angelie, at maging sina Jordan at Michael, maliban kay Hemler. Sa isang sulok ng kanyang mata ay nakita niyang napatiim ito ng bagang at nag-aapoy ang mga matang tila nagpupuyos sa galit. Naramdaman niya ang pamumula ng pisngi.

"Guys, pasok. Gutom na ako," pagkuwa'y sambit ni Jordan na binuksan ang screen door.

"Dong, daig mo pa si Angelie na may-ari ng bahay, kung makaasta ka," naririnding wika niya kay Jordan.

EMPTY TANK [Published under 8letters]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon