ET 10 ⛽️ - Bitso-Bitso

71 15 96
                                    




"GOLDA, sure ka na ba talaga? Hindi ka na ba namin mapipigilan? Paano na lang ang pinagsamahan natin?" eksaheradang turan ni Angelie na kunwaring naiiyak pa.

"OA mo naman, Gel. Dadaanan ko pa rin naman kayo dito. Syempre, hinding-hindi ko kayo makakalimutan," wika niya sa kasama.

Nakitang nakatungo lamang si Hemler at tila nilagyan ng dagta ng langka ang bibig, dahil hindi ito naibuka. Maaga pa silang dumating gaya nang nakasanayan, kaya may oras pa silang magkuwentuhan.

Tumingin sa kanya si Jordan, saka nakangising tumingin kay Hemler sabay inginuso ang nobyo.

"Love, ayos ka lang ba?" alalang usisa niya sa nobyo.

"Medyo masakit lang ang ulo ko," walang ganang sagot nito. 

"Iyong totoo, Hemler? Ulo o puso?" pasaring ni Angelie.

Nakitang nagpabuga lang ng hangin ang nobyo.

"Tsk! Guys, kayo naman," sabad ni Michael at nilapitan si Hemler, saka tinapik ito sa balikat. "Syempre nasasaktan iyong tao. Alam na alam ko iyan," mahihimigan ang kaseryosohan sa tinig ng kasama.

"Ay weeh! Seryoso mo, pre," panunuya ni Jordan kay Michael.

Sa gitna ng pakikipagbiruan at tawanan ng mga kasama ay hindi rin maitatago sa mga mata ng mga ito ang kalungkutan na sanhi ng kanyang paglisan na sa trabaho. Kahit pa man sa kaunting panahon na naging empleyado siya bilang pump attendant, napamahal na rin sa kanya ang mga kasamahan — sa iyakan man o halakhakan.



"SULE KA NA BA, Golda?" usisa sa kanya ni Mrs. Lim, habang nasa opisina siya ng amo.

Napahugot siya ng malalim na hininga. "Opo, Ma'am. Magpapatuloy po kasi ako sa pag-aaral ng college," diretsahang paliwanag niya rito.

Mabilis na napatango ang Intsik na ginang. "Bueno, 'yan desisyon mo. Pelo gusto kita Golda, magaling ka empleyado akin. Gusto ko pelfolmance mo."

Sa narinig ay tila nagkaroon ng pakpak ang kanyang puso at lumipad ito sa himpapawid. Naalala niyang nahirapan siya noon sa pagsisimula ng trabaho. Ngunit nagbunga rin pala lahat ng pagtitiis at pagsisikap niya — nasiyahan ang may-ari ng kanyang pinagtatrabahuan.

"Thank you so much po, Ma'am!"

Sa huling araw niya sa gasolinahan ay ibinuhos niya ang lahat, kagaya ng nakagawian. Malugod ding namaalam siya sa iilang tsuper ng mga dyip at traysikel na naging suki na niya.

"Hala, last day mo na pala ngayon, neng?" hindi makapaniwalang tanong ng may katandaang drayber, habang kinargahan niya ang minanehong traysikel nito.

Nakapaskil ang ngiti sa kanyang labi ngunit may halong pait. "Yes po, kuya. Hindi bale, nandito pa rin naman ang mga kasama ko."

"Mawawalan na rito ng mabait na pump attendant."

"Mababait din naman po sila ah, kuya."

"Pero iba pa rin ang kabaitan mo."

Matamis na napangiti siyang muli.

"Iyan... Iyang ngiti mong iyan ang nagpapaiba, neng. Kasi kahit ramdam kong pagod ka na, hindi ka pa rin napagod na ipakita ang masiyahin mong mukha, na nakapagpawi din ng pagod naming mga kustomer mo."

"Naku, si kuya talaga. Kung sisamangot ako, tapos sisimangot pa kayo, lahat na lang tayo ay nakasimangot na. Kaya, smile lang para maganda at pogi tayong lahat," kuwelang saad niya rito.

EMPTY TANK [Published under 8letters]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon