ET 9 ⛽️ - Buko Salad

74 16 63
                                    




"LOVE, okay ka lang ba?" kunot-noong tanong ni Hemler kay Golda. Malamang ay napansin ng binata ang kanyang pagkabalisa at masidhing takot mula sa nakita niyang nakapintang mga larawan.

"O-oo," tipid niyang sagot rito. Ayaw man niyang aminin, ramdam niyang alam ng nobyo na siya ay nagkakaila lamang. Kalalarga lang ng sinakyang tila treng papasok sa loob ng horror house. Maitim ang usok na ibinubuga mula sa tambutso nito na nagpaubo sa kanila.

Kadiliman ang bumungad sa kanila nang papasok sa na sa horror house. Tanging patay-sindi na mga berdeng ilaw ang tumatanglaw. Napatakip siya sa kanyang dalawang tainga nang sumalubong sa kanila ang kakaibang mga nilalang. "Aaaah," hiyaw niya sa takot nang tinabihan siya ng babaeng nakaputing damit na hanggang sakong at may mahaba at itim na buhok. Kalahating mukha nito ay natabunan ng buhok.

"Love, okay lang iyan," alo ni Hemler sa kanya. Kahit papaano ay napanatag ang kanyang kalooban nang pisilin nito ang kanyang nanlalamig na kamay.

Sa kalagitnaan ay sadyang itinigil ng drayber ang kanilang sinakyan. Napapikit siya sa takot. Nang imulat niyang muli ang kanyang mga mata ay may biglang lalaking lumitaw na may mahahabang ngipin at nanlilisik na mga mata. Duguan ang bibig nito. "Ayoko na!" mangiyak-ngiyak na wika niya.

"Tahan na, Love. Maskara lang iyan," muling alo sa kanya ng binata. Halatang hindi ito apektado dahil tumawa lang itong makita ang mga nilalang.

Hindi siya makaimik. Samantalang sina Jordan at Michael ay nagtawanan lang sa harap nila. Narinig niyang pumalahaw din sa sindak si Angelie sa kanilang likod. Mag-isa lang ito at walang katabi. Hiling niyang makakalabas na sila agad dahil tila nasa paa na yata ang lahat ng dugo niya. Ramdam niyang naninigas na ang kanyang buong katawan.

Patuloy na umugong sa kanyang tainga ang nakakatakot na background music, habang muling lumarga ang tren. Sa madilim at walang katiyakang paligid ay isa lamang ang sigurado para sa kanya — ang mukha ni Hemler ang nagsisilbing lampara na nagbibigay ng liwanag sa nababagabag niyang puso.

Hindi pa man naaaninag ang kabilang dulo ng horror house ay muling huminto ang tren sa napakadilim na lugar. Biglang pinatay ang lahat ng ilaw. Ramdam niyang tila yelo na ang kanyang katawan sa lamig at tigas. Mas lalong tumindi ang kanyang nararamdaman nang marinig ang boses ng babaeng humihingi ng saklolo, at boses ng mga lalaking animo'y mga tiktik. Mas lalong hinigpitan niya ang paghawak sa kamay ng binata.

Dahan-dahan ang pagbuhay ng mangilan-ngilang berdeng ilaw sa mainit at madilim na tila kuwebang kinaroroonan nila. Nang biglang bumulaga sa kanyang harapan ang lalaking may magulo ang buhok at mapupulang mga mata. Halos ikinamatay niya sa takot ang nasaksihan. "Maaaaa!"



DAGLING sinaklolohan ni Hemler ang nobyang napahiyaw. Kaagad niyang niyakap ito. Dumampi sa kanyang katawan ang malamig nitong pawis. Ramdam niyang tutol sana ito sa pagsakay kanina ngunit kinumbinse niya ito. "Love, sorry," nakokonsensiyang saad niya kay Golda. "Nandito lang naman ako. Tahan na ha." Hinagod niya ang likod nito.

Hindi ito umimik at ramdam niya ang pangiginig ng katawan nito. Ilang segundo pa ay sumalubong na ang liwanag ng mga ilaw sa labas. May mga tao na ring nag-aabang na hahalili sa kanila sa pagsakay sa tren.

"Wooooooh!" tudyo pa sa kanila ng mga kasama nang makitang nagyakapan sila bago tuluyang huminto ang kanilang sinakyan. Saka siya kumalas sa pagkakayakap sa dalaga.

"Iba ka rin, pre. Pasimple lang ang mga moves mo ah," kantiyaw sa kanya ni Michael sabay ng nakakalokong ngisi, nang bumaba na ito.

Pasimple siyang tumawa ngunit sa kalooban niya ay hangga't maaari ayaw niya sanang yakapin ang babaeng mahal. Ayaw niyang samantalahin ang kahinaan nito. Ngunit naawa na rin siya sa dalaga dahil alam niyang takot na takot na ito simula pa lang sa pagpasok nila sa horror house; kung kaya't niyakap na niya ito para maibsan ang nararamdamang pangamba nito.

EMPTY TANK [Published under 8letters]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon