SA ILALIM ng malawak na kalangitan at payapang paligid, natagpuan ni Golda ang kanyang sariling nakaupo, at yakap-yakap ang kanyang mga binti. Ninamnam niya ang malamig na simoy ng hangin, kasabay ng pakikinig ng mga 80's to 90's love songs sa radyo. Ang kapiranggot na ilaw na nagmula sa buwang nakakubli sa kaulapan ang nagbigay ng liwanag at init sa malamig niyang gabi. Hanggang sa maramdaman niyang may presensyang papalapit sa kanya."Golda, mabuting nalaman natin ang katotohanan habang maaga pa," puno ng simpatiyang tinig ng ina.
Bahagyang pinihit niya ang volume ng radyo upang hinaan ito. Kasalukuyang tinugtog ang Victims of Love ni Joe Lamont. "Bakit ang unfair, Ma?" paos niyang boses.
Nilapitan siya nito at umupo sa kanyang tabi. "Iyan ang masakit na reyalidad... at dapat nating tanggapin. Hindi lahat ng bagay na binibigay natin sa kapwa natin ay natutumbasan. At huwag na huwag kang magmakaawa na hingin ang mga bagay na hindi nila kayang ibigay sa iyo," wika nito. "Gawin mo lang ang nararapat."
Humugot siya ng malalim na hininga at tumingala sa buwan. "Kailangan pa ba talaga nating masaktan, Ma?" Di-napigilang nagsipatakan ang mga luha sa pisngi. Naramdaman niya ang paninikip ng dibdib dahil naalala niya ang nalaman mula mismo sa nobyo.
"Nak, ganoon talaga pag nagmahal tayo — kaakibat niyon ang parehong ligaya at pait." Marahang hinagod ng ina ang kanyang likod. "Tingnan mo ang buwan," usal nito sabay tingala sa kalangitan, "ngayon ay nakatago pa iyan. Pero pagdating ng ilang oras ay muling makikita natin ang liwanag. Gaya mo ngayon, nasa kadiliman pa ang puso mo. Subalit darating din ang panahon na liliwanag itong muli. Mawawala ang lahat ng sakit at pangamba mo. Darating din ang lalaking hindi magiging ulap sa iyo."
Hinigpitan niya ang pagyakap sa kanyang mga binti at isinubsob ang mukha sa tuhod, kasabay nang pag-ihip ng makapangyarihang hangin. Tila nakikisimpatiya rin ang panahon sa nararamdaman niyang hinagpis. Ang mga mata niya ay tila talon na walang humpay ang pagbagsak ng mga tubig.
"Sige lang, iiyak mo lang, hanggang sa kusa nang huminto ang pagpatak ng mga luha mo. Magiging mas matatag ka pagkatapos ng mga pagsubok mo sa buhay. Tibayan mo pa ang paniniwala mo sa Diyos."
SA HALIP na malugmok ay ginamit ni Golda ang problemang iyon para mas pagbutihin pa ang pag-aaral. Naging consistent Dean's Lister siya sa kanilang paaralan. Matuling lumipas ang mga araw, buwan at taon, at nalalapit na ang kanilang graduation day.
"Oh, bakit malungkot yata tayo ngayon, Clar? Nag-away ba kayo ni Dibson?" usisa ni Golda sa kaibigan, tinukoy niya ang nobyo nitong kapitbahay lang din nila. Nakapangalumbaba ito habang wala sa huwisyong nagbabasa ng libro na Rizal.
Mahina itong umiling. "Uuwi na kasi ako sa amin, Golda, pagkatapos ng graduation natin."
Binaba muna niya ang ginawang outline bilang reviewer sa exam at inilipat ang tuon sa kaibigan. "Oh, eh 'di dapat masaya ka na, kasi makakasama mo na ang pamilya mo," bulalas niya.
"Mami-miss kita," pagtatapat ni Clarisa.
"Mami-miss din kita syempre," nalulungkot niyang sambit. "Pero pamilya mo iyan. Family comes first, 'ika nga," dagdag pa niya na ikinatango nito.
"Si Dibson kasi."
"Oh, bakit anong problema sa boyfriend mo?"
"Naalala ko kayo ni Hemler. Baka hindi rin siya makatiis at hahanap ng ibang putahe habang nasa malayo ako."
"Dapat ihanda mo na ang sarili mo. Kahit gaano pa 'yan kabait, kaasikaso, kalambing ngayon, hindi talaga natin mahuhulaan kung darating ang tukso sa kanya. Tingnan mo si Hemler."
BINABASA MO ANG
EMPTY TANK [Published under 8letters]
Romantiek• NOVELLA VERSION • Sa kagustuhan ni Golda Silverio na ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo ay naisipan niyang magtrabaho sa kanyang summer vacation, para makaipon sa darating na pasukan. Nang makita niyang may job vacancy bilang pump attendant/cas...