ET 7 ⛽️ - Iced Drinks

76 16 46
                                    




"FULL TANK ba 'ka mo?" usisa ni Golda, saka sila nagtawanan. 

"Aba, syempre!" kampanteng sagot naman ni Hemler sabay kindat.

Unti-unti niyang naramdaman na may kamay na masuyong humawak sa kanyang tagiliran. Nang sumunod na sandali ay mas nalanghap niya ang preskong pabango ni Hemler na kaaya-aya sa kanyang pang-amoy, nang pinasandal siya sa balikat nito. Panatag ang kanyang kalooban sa piling ng binata, lalo na nang naramdaman niya ang mainit na labing dumampi sa kanyang ulo. "I love you, Golda!"

Umayos muna siya sa pagkakaupo at tiningnan ito sa mga mata — pagtingin ng  pagsuko at tapat na damdamin.  "I love you too, Hemler!" At muli siyang hinapit nito.

"Wooooh!" Pambubulabog ng mga kasamahan nila. Kararating lang din ng mga panghapon nilang kasama na sina Marjorie, Cherry, Mel John, Audy at Jake. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi dulot ng hiya. Kakalas sana siya sa pagkakayakap nito kay Hemler, ngunit mas niyapos pa siya ng binata.

"Guys, akala ko ba magsasaya tayo rito bilang magkakaibigan? Bakit may pagkaka-ibigan nang nangyari?" pasaring ni Jake.

Bibong nagtawanan ang lahat.

"Pre, pagbigyan mo na," wika ni Jordan. "Palibhasa ikaw kasi ay walang ka-loving-loving. Kaya ganyan ka ka-killjoy," prangkang wika ni Jordan na ikinatawa ulit ng lahat.

"Shot na!" Ibinigay ni Michael ang basong may laman ng punong alak.

"Hoy grabe ka, pre, punuan talaga!" pagrereklamo ni Audy na kauupo lang.

"Fake iyang ice, pre, na nangalahati? Ice lang iyan, pre. Huwag kang magpapaloko, gaya ng feelings niya na fake."

Naghiyawan at nagpalakpakan ulit ang mga kasama.

"Ay grabe!"

"Dai Gel, kumusta ang sahod ninyo? Kompleto ba?" usisa ni Marjorie.

"Iyon nga Marj, kulang eh. Feeling ko dinadaya tayo ng Intsik na iyon eh. Ang laki ng kaltas dahil nga marami raw akong shortage," pagpapalabas ng saloobin ni Angelie.

"Haays. Ganoon din sa amin eh," segunda naman ni Cherry. "Hindi ba Mel, Aud, Jake, Marj?" pagkokompirma sa mga kasama na sinang-ayunan naman ng mga ito sa pamamagitan ng mabilis na pagtango. "Ibibili ko sana ng bigas at ulam sa bahay. Kaso kulang na naman." Napabuntong-hininga ito.

Mabilis naman na sinalinan ni Michael ng alak ang baso matapos mabakante. "Oh, shot na!" Inabot ito sa naghihimutok na kasama na si Cherry, na nilagok naman nito agad nang walang alinlangan.

"Guys, huwag na kayo mamroblema," alo naman ni Jordan. "Bawi na lang tayo sa grasya, okay?" suhestiyon nito.

"Oo nga," Sabayang turan ng lahat, maliban nila ni Hemler na nakikinig lang sa usapan.

'Kaya pala na pinapatawag sila ni Mrs. Lim ay dahil may problema sa kanilang benta.' Malinaw na ang sagot sa mga namumuong katanungan niya sa isip. 'Salamat at hindi ako nasali,' lihim niyang pasasalamat, ngunit nanaig din ang awa na naramdaman para sa mga kasamahang hindi nasuklian nang tama ang kanilang mga pagod at pawis. 



"MA, SAHOD KO PO." Malugod na ibinigay ni Golda ang puting sobre sa kanyang ina. Buo at hindi binawasan, kinabukasan ng umaga.

Hinawakan ang kanyang kamay at itinulak pabalik sa kanya. "Golda, alam kong pinaghirapan mo iyan para sa darating na pasukan. Itago mo na. Magagamit mo yan."

"P-pero, Ma. Dagdag mo pang-gro—"

"Hindi na. Pinagkakasya ko naman ang pinadala ng papa mo."

EMPTY TANK [Published under 8letters]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon