HINDI NAGPATINAG si Hemler at patutunayan niya sa dalaga na buong puso ang kanyang pagpapahayag kinagabihan. Bitbit ang tatlong piraso ng double body na tinapay, ibibigay niya iyon sa dalaga."Golda, may dala ako para sa iyo, oh." Inabot niya sa dalaga ang isang supot.
Binuksan ito ni Golda at sinilip ang laman. Malapad ang ngiti nito nang makita ang nasa loob. "Maraming salamat, Hem!"
Alam niyang paborito ito ng dalaga. "Wala iyon. Basta para sa iyo," makahulugang tugon niya rito. Masaya na rin siyang makitang nakangiti ang babaeng pumukaw sa natutulog niyang damdamin.
Habang sinimulang isubo ni Golda ang dala niya, pagkatapos nilang mananghalian, hindi niya maiwasang mag-usisa rito, "Golda, bakit mo palang naisipang magtrabaho bilang gasoline girl?"
"Gusto ko kasing makaipon, Hem, para sa college ko," tugon nito sa pagitan ng pagnguya. Lihim siyang naaaliw sa bawat pagkagat ng dalaga sa tinapay at hindi maiwasang mapatunganga. "Gusto mo ba?" alok nito sa kanya.
Napangiti siyang umiling. "No. Sa iyo lang iyan. Natutuwa lang ako."
"Natutuwa saan?"
"Ang sipag mo! Kaya humanga ako sa iyo."
"Kailangan eh. Gusto ko talagang makapagtapos ng pag-aaral. Ikaw Hem, bakit mo ba naisipang mag-apply sa gasoline station?"
"A-ah. Naiinip ako sa bahay eh. At saka, gusto ko ring magkaroon ng sariling pera."
Tumango-tango lang ang dalaga. Marami pa ang napag-usapan nilang mga bagay-bagay tungkol sa buhay nila. Mas masaya siya ngayong mas nakilala pa niya si Golda. Hindi lang panlabas na kagandahan ang taglay nito, higit pa ang kalooban.
"Hem, tara na. Malapit na ang oras."
"Sige, tayo na."
NAGDIWANG ANG KALOOBAN ni Golda nang naramdamang totoo si Hemler na masungkit ang kanyang puso. Sa simpleng bigay na tinapay para sa kanya ay malaking bagay na iyon para sa kanya. Hindi lang kasi iyon simpleng tinapay, ngunit ito ang paborito niya.
Hindi niya pansin ang matinding sikat ng araw at pagpatak ng pawis dahil sa presensya ni Hemler. Sinulyapan niya itong abalang kinargahan ang isang SUV na sasakyan, habang siya naman ay nagkakarga ng gaas sa isang malaking lalagyan, sa pinakadulong kanang bahagi ng gasolinahan. Napangiti siya sa isipang hindi lang ito gwapo, ngunit maalalahanin pa.
Sinipat niya ang orasang nakasabit sa loob ng convenience store nang wala nang mga kustomer dumating. Malapit na ang kanilang labasan. Nang may napansin siyang may dalawang babaeng papunta sa kanyang direksyon. Pamilyar sa kanya ang mga ito. Hindi nga siya nagkakamali. Ang dalawang kaklase niya ito: sina Irish at Elvie. Tumungo siya upang hindi mapansin ng mga ito, ngunit hindi umobra ang kanyang pagpatay-malisya.
"Hala, Golda! Dito ka nagtatrabaho?" Namilog ang mga mata ni Irish at napatakip ng bibig.
"Oo. Alam mo namang hindi kami mayaman," mababang tinig niya.
"Pero ang init dito," turan naman ni Elvie. "Tingnan mo oh, nangingitim ka na," dagdag nitong pinagtabi pa ang kanilang mga braso. Totoo nga ang sinabi nito. Hindi maipagkakailang nangitim ang kanyang braso na hindi natatakpan ng manggas, kompara sa itaas na bahaging natatabunan ng maikling manggas ng kanyang poloshirt.
"Naku! Ayos lang iyan. Sa panahon ngayon, hindi na kailangang mamili ng trabaho. Ang importante ay malinis naman itong pagiging gasoline girl," paliwanag niya na ikinatango naman ng dalawang kaklase, nang may pagngiwi at pagtaas ng kilay.
BINABASA MO ANG
EMPTY TANK [Published under 8letters]
Romance• NOVELLA VERSION • Sa kagustuhan ni Golda Silverio na ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo ay naisipan niyang magtrabaho sa kanyang summer vacation, para makaipon sa darating na pasukan. Nang makita niyang may job vacancy bilang pump attendant/cas...