MATAPOS ng halos kalahating oras ay narating na nila Golda at Hemler ang kanilang destinasyon. Namumukhaan ni Golda ang lugar. Ito 'yong pinag-videoke-han nila ng mga kasama noong gabi ng unang sahod nila. Ngunit sa halip na sa cottage tumuloy ay pinili ni Hemler na dumiretso sa sementadong bahagi kung saan dumadaong ang maliliit na mga bangka. Nagkataon din na walang tao ni bangkang naroon, kung kaya't masosolo nila ang lugar.Pagkababa ng motorsiklo ay inalalayan siya ni Hemler at magkahawak-kamay silang tinungo ang pinakadulong bahagi. Sariwang hangin ang humalik sa kanilang balat, na siya ring sanhi ng malayang paglipad ng mahaba niyang buhok.
"Love, masaya ka ba na nagiging tayo?" panimula ni Hemler nang umupo na sila. Sementado iyon at makinis, kasingkinis ng mukha ng binata.
"Oo naman, love," pakli niya rito. "Hindi mo na kailangang itanong iyan kasi nakikita 'yan mismo sa awra ko. Look!" At hinarap niya ang nobyo at nilagay pa ang kamay sa baba, nagpapahiwatig na maganda siya.
Kaagad namang piningot ni Hemler ang kanyang ilong. "Totoo nga, ang ganda mo eh at ang glowing mo."
"Of course. Iba ang love mo eh, nakaka-glow."
"Ganoon ba iyon?"
Mabilis siyang tumango at saka sila nagtawanan. Habang ang mga mahihinang mga alon ay humahampas sa mga malalaking bato na malapit sa kanilang paanan, maririnig naman ang malulutong nilang mga halakhak habang nag-uusap.
"Love, maiba tayo. Paano na pala kapag mag-aaral ka na sa downtown? Eh ako ay dito lang sa bayan natin mag-aaral. Hindi na tayo magkakasama nito," nababahalang sambit ni Golda, habang isinandal niya ang ulo sa balikat ng nobyo.
Hinawakan ni Hemler ang kamay niya at marahang pinisil iyon. Ramdam niya ang init nito na siyang bumalatay rin ang init patungo sa kanyang katawan. "Love, ano ka ba? Maglalaan pa rin ako ng oras, kaya magkikita pa rin tayo."
"Hmm basta ha," sagot niya nang may panghahaba ng nguso.
"Oo naman. Halika nga." Hinapit siya nito nang mas malapit at niyakap sa tagiliran. Sabay nilang pagmamasdan ang mga ulap na dahan-dahang nag-iiba ang kulay — mula puti hanggang naging kulay kahel na ang mga ito. Ramdam na nilang papalubog ng araw na nasa gawi ng kabundukan.
"Ano bang nakita mo sa akin? Hindi naman ako kasingganda at kasing-sexy katulad ng ibang mga babae diyan. Chubby ako."
"Wala naman kasi iyan sa panlabas na hitsura at ka-sexy-han, love. Basta bigla na lang... palagi ka na lang na laman ng isip ko. At saka, excited ako na makikita kita sa bawat umaga ko. Mas lalo pang nakagaganda sa iyo ang kabutihan ng puso mo."
Nagdiwang ang kanyang kalooban sa narinig. "Sana nga hindi ay hindi ka magbabago."
"Hindi ako magbabago, love. Mananatili lang tayong ganito. Mag-aaral tayo hanggang makapagtapos. Susuportahan kita sa mga pangarap mo." Hinarap siya nito at hinawi ang nakatabing na buhok sa kanyang mukha.
Hindi namalayan ang sariling napapikit sa unti-unting paglapit ng kanilang mga mukha, habang nasa pisngi niya ang isang kamay ni Hemler. Nalanghap niya ang mabangong hininga ng nobyo nang dinampian siya ng halik sa labi. Tila libo-libong kuryente ang dumaloy sa kanyang katawan at masuyong tinugon ang matamis na halik ng binata. Bago pa lumalim ang kanilang halikan ay bumalik siya sa kanyang ulirat. Kaagad na inihiwalay ang kanilang mga labi at nahihiyang tiningnan ito.
"I love you so much, love!" Muling hinalikan siya ni Hemler, ngunit sa pagkakataong iyon ay sa pisngi na.
"Mahal na mahal din kita, love!"
BINABASA MO ANG
EMPTY TANK [Published under 8letters]
Romance• NOVELLA VERSION • Sa kagustuhan ni Golda Silverio na ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo ay naisipan niyang magtrabaho sa kanyang summer vacation, para makaipon sa darating na pasukan. Nang makita niyang may job vacancy bilang pump attendant/cas...