ET 11 ⛽️ - Popcorn

68 13 48
                                    




UMUSOK ang ilong ni Golda sa galit nang namataang muli ang walang modong lalaking nakabundol sa kanya sa loob ng campus.

'Ang walang hiya!' ngitngit ng kalooban niya.

Dasal niyang sana masundan nila ito o kaya ay malagpasan para makita niya ang pagmumukha nito. Ngunit hindi sumang-ayon sa kanya ang panahon dahil mabilis na humarurot ang sinakyan nito, at tanging maitim na usok ang iniwang marka sa kanilang mga mukha. Napatakip na lang sila ng panyo sa kanilang ilong at bibig.

May araw ka rin.



"O ANAK, kumusta ang enrollment mo?" salubong na tanong ng ina pagkatapos niyang magmano rito.

Inilapag niya ang dalang backpack at folder sa center table. "Ma, okay na okay po. Natapos na,"  kampanteng sambit niya.

"Eh, ang perang pambayad mo, nagkasya ba?"

"Opo, Ma. Salamat sa Diyos at tamang-tama lang ang naipon kong sahod. May sobra pa po para pambili ko ng uniform at school supplies." Malawak ang kanyang ngiti habang tiningnan ang inang katabing umupo sa mahabang upuan nila.

Naalalang nakatali ng walis tambo ang perang pinagpaguran niya. Tanging mga mahahalagang bagay lang ang binibili niya. Nagbabaon din siya ng tanghalian para mas makatipid pa. Maging ang mga tip at grasyang natanggap ay kanyang inipon din.

"Naku, ang anak ko talaga," madamdaming wika ng ina. "Halika nga rito," paglalambing nito, saka siya umusog sa tabi nito. "Alam mo ba, Golda, ang sipag-sipag mo. Mana ka talaga kay papa mo. Ayaw mong namemerwisyo ng iba. Kahit nahihirapan ka, kinakaya mo ang lahat," puri ng ina sa kanya, sabay haplos ng kanyang makintab at maitim na buhok. Nangislap ang mga tubig na naipon sa mga mata nito.

Niyakap niya ito buhat sa gilid. "Ay si mama naman. Syempere, gusto kong tumbasan ang hirap at pagod ninyo ni papa sa aming magkakapatid," paliwanag niya, saka hinaplos-haplos ang gilid nito. "Dise-sais anyos na naman po ako, Ma. Matigas na ang mga buto," pagmamalaki niyang ipinakita pa ang malamang braso niya.

Napahagikgik ang ina dahil sa kanyang tinuran. "Oh sige na nga. Basta pag hindi na kaya, magsasabi ka lang kay mama ha," wika nitong nakangiti sabay pinahid ang nalaglag na ilang butil ng luha sa pisngi nito.

Bigla siyang natahimik at umeksena ang kalungkutan mula sa masiyahin niyang pagmumukha, bagay na napansin ng kanyang ina. "Hmm bakit malungkot ka yata? May problema ba sa trabaho bago ka umalis?" usisa nito sa kanya.

Mabilis siyang umiling. "Wala po, Ma."

"Eh, ano ngang problema? Alam kong mayroon." Hindi ito kumbinsido sa kanyang sagot.

"Si Hemler kasi, Ma. Sa downtown siya mag-aaral."

Kaunting mga salita lang ang lumabas sa kanyang bibig, ngunit nabasa na agad ito ng kanyang ina ang kanyang ibig ipakahulugan. "Anak, alam ko ang pinupunto mo: hindi na kayo palagi magkikita, ganoon ba?"

Limang segundo rin ang lumipas saka siya mahinang tumango.

"Golda, kung kayo talaga ay kayo pa rin hanggang sa dulo. Makapaghihintay siya kung totoong mahal ka niya. At... gagawa siya ng paraan para magkikita pa rin kayo."

Tiningnan niya ang ina sa mga mata nito, inaarok kung totoo ang lahat ng pangaral nito sa kanya. Nang makumbinse ay saka muling nagbaba ng tingin at pilit na ngumiti.

"Thank you po, Ma! Sana nga ay gagawin niya ang mga binanggit mo," mababang tinig niya nang muling tiningnan ang mga mata ng ina. "Sina Ate Lalai at Kakai po, 'di pa ba nakauwi?" pag-iiba niya ng usapan.

"Si ate mo, baka hapon na iyon. Alam mo naman sa siyudad, ang daming mag-aaral na nagpapa-enroll. Si Kakai naman, nagpaalam na sa akin na may practice sila ngayon kasi hindi ba kasali siya sa volleyball varsity sa paaralan nila," mahabang paliwanag ng ina na ikinatango lang niya.

"Oh sige po, Ma. Kakain na tayo. Gutom na ako."

"Sige, magbihis ka na roon at nang makapagtanghalian na tayo. Hinintay kita para sabay na tayo."



"LOVE, ang tahimik. May problema ka ba?" usisa ni Hemler kay Golda. Kung kahapon ay ang binata ang hindi halos umimik, ngayon ay siya naman ang walang salitang lumalabas sa bibig. Inabutan siya ni Hemler ng popcorn pagkatapos nilang umupo sa sementong upuan na nakabakod sa isang malaking puno; sa loob ng parke.

"Thank you!" Pasalamat niya rito saka humugot ng malalim na hininga. "Naninibago lang ako kasi hindi na tayo palaging magkikita nito," puno ng lungkot ang kanyang tinig.

Sumilay ang ngiti sa mapupulang labi ng nobyo na nagpalitaw sa kaiga-gayang biloy sa magkabilang pisngi nito, saka siya tinabihan. "Love, magkikita pa rin naman tayo. Maglalaan ako ng oras. Ano ka ba?" Inakbayan siya nito at isinabit ang nguso sa kanyang balikat.

Napalabi siya sa narinig at inalis ang kamay nito sa pagkakaakbay sa kanya. "Talaga ba?" mistulang bata siya na nag-usisa.

Mabilis at magkakasunod na tango ang ginawa ni Hemler. "Yes, love, don't worry." Hinawakan nito ang kanyang ulo at iginiya upang ipilig sa balikat nito.

Masaya nilang pinagsaluhan ang popcorn na masagana sa cheese habang nakatanaw sa mga nagsasayawang mga dahon ng punongkahoy na molave.

"Kumusta ang enrollment mo kahapon, Love?"

"Maayos naman. May naging kaibigan agad ako, si Clarisa. At saka ang maganda pa ay same course lang kami at magkapitbahay lang din pala kami," masayang pagbabalita ni Golda sa binata.

"Mabuti naman," sambit ni Hemler na sinabayan pa ng pagtango. "At least kampante ako sa bawat pag-uwi mo na mayroon kang kasama."

"Eh ikaw ba, Love, kailan ka magpapa-enroll? Itutuloy mo ba ang course mo na Computer Engineering?"

"Yes, Love. Alam mong mahilig ako sa computer, 'di ba? Mahal ko naman ang course ko. Pero mas mahal kita."

"Asus! Nambobola ka naman eh." Kinurot niya ito sa gilid.

Sa halip na umaray ay malutong na tumawa ito at sinuklay ang tila kurtinang buhok gamit ang mga daliri. "Totoo iyon. Kaya, Love, magpapatuloy tayo na abutin ang mga pangarap natin sa buhay. Support kita. Suportahan mo rin ako," seryosong wika nito.

"Oo naman, Love."

"Basta pag may mga gwapong aali-aligid sa iyo. Umiwas ka lang."

"Anong gwapo? Eh nasa tabi ko naman ang sinasabi mong gwapo."

Mabilis na ninakawan siya ng halik sa pisngi ng binata. Bilang ganti ay kinurot naman niya ang tagiliran nito at saka sila nag-akbayang muli. Sa pag-ihip ng mapangahas na hangin ay hindi nila hahayaang malaglag ang kanilang pag-ibig at pangarap, gaya ng pagkalaglag ng mga lantang dahon sa lupa.

EMPTY TANK [Published under 8letters]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon