NAG-SPRAY si Amari ng pabango sa kanyang pulso. "You know, scents can be subjective, too. Iyong akala natin na mabango tayo, 'e masangsang pala para sa ibang makakaamoy."
"I think it will smell good on you. Let's test it," ani Pierre.
"Ahm, yeah, it smells nice. Pero hindi ko masyadong maamoy ang mismong bango niya, kakalagay ko lang kasi ng scented hand lotion," ani Amari matapos amuyin ang pulso saka sunod na nag-spray sa kanyang leeg. "Parang mas bagay ito kay Nicci. Siya kasi ang favorite lagi. Favorite ng nanay namin, favorite ng mga kapitbahay, favorite ng teachers..."
Basta may kasalan sa kanilang baryo ay kasali sa bridal entourage si Nicci. Three years old pa lamang yata ito noon ay kinukuha nang flower girl. Palagi din itong muse ng mga basketball team ng school at barangay. Palagi rin itong may role sa Santacruzan taon-taon, mula pagiging anghel noong bata pa ito, hanggang sa Reyna Elena. Si Amari naman ang palaging taga-ilaw o isa sa mga tagabuhat ng arko ni Nicci.
Sa bagong tirahan niya ngayon ay biglang popular na rin si Nicci, ikinalat yata ni Paeng sa buong barangay ang confirmation na kakambal nga niya ang newly-crowned Miss Universe Philippines. Kahapong bumibili siya ng gulay sa talipapa ay halos ayaw siyang paalisin ng mga kababaihang nakatambay doon, panay ang tanong tungkol kay Nicci.
"She's everyone's favorite, you know?" ani Amari na nakamata sa bote. "The Favourite..." she muttered followed by a soft but bitter scoff.
Hindi niya napansin na may halong lungkot iyong pagkakasabi niya na favorite si Nicci ng lahat. She wasn't also aware that her tough mask was down, she looked vulnerable at that moment. Soft. At hindi rin niya napansin na nakatitig sa kanya si Pierre. He didn't look like he was taking pity on her, he was rather amused that she was letting him see her soft side.
He slowly leaned over, pointing at her neck. "May I?"
Inilapit ni Amari dito ang mukha. Hindi siya handa sa kanyang naramdaman nang amuyin nito ang kanyang leeg. Parang natigilan din ito.
"W-well?" untag niya.
"It smells..." He sniffed her again. "Pretty."
Nagtayuan yata lahat ng balahibo niya sa katawan nang tumama sa kanyang balat ang mainit na hininga ng lalaki. Oo nga't tinatawag niya itong impakto, but what she felt didn't come from terror.
Nang inilayo ni Pierre ang mukha mula sa kanyang leeg ay hindi ito tuluyang dumistansiya. He looked at her eyes, she looked back at him with the same curiosity. But he was gazing at her with more than that.
"Maria?" Bakit ang ganda-ganda ng bigkas nito sa kanyang pangalan?
"Y-yes?"
"You know what I think?"
"W-what?"
Ay, nagbubulungan sila bigla?
"I think you can be my favorite girl."
Napalunok bigla si Amari sa narinig. At muli siyang napalunok nang mula sa kanyang mga mata ay bumaba sa mga labi niya ang tingin ni Pierre. Gusto niyang mataranta sa mga sandaling iyon ngunit lumalamang ang iba niyang mga nararamdaman. There were wonder, yearning, warmth...
Nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Isaac. Agad silang naghiwalay ni Pierre.
"Am I interrupting something?" gulat at kunot-noong tanong ni Isaac, palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.
"Ha? Wala, wala!" natatarantang sabi ni Amari. "P-pinapaamoy ko lang itong perfume ko."
Noon niya lang namalayan na hindi pala siya humihinga kanina. 'Anlakas din ng kabog ng kanyang dibdib. Gagong Pedro, ini-engkanto yata siya!
"It's that what it is? Kaya pala ang bango ng buong opisina," nakangiting sabi ni Isaac.
"Pare, postponed pala iyong bithday party ni Barry, nasabi na ba sa 'yo?" ani Pierre sa kaibigan na parang biglang iniligaw na usapan.
PAUWI na noon si Amari nang i-check niya ang kanyang messages sa Facebook. Yes, as in ilang araw nang naghahanap siya sa internet ng mabibiling gayuma. Seryosohan na talaga!
May mga online sellers siyang nilampasan, paano ba naman, may mga nagbebenta ng balbas ng dragon, luha ng sirena, buhok galing daw sa binti ng kapre, pangil ng tiyanak, mga ganoong eme. Paano niya naman pagkakatiwalaan ang mga iyon? But then again, paano niya pagkakatiwalaan itong napili niyang online seller sa Facebook? Ni hindi niya alam kung totoo ba ang gayuma. At may disclaimer pa ang seller, buy at your own risk daw, na hindi raw nito kasalanan kung hindi tumalab ang gayumang bibilhin mula rito. Always ask questions daw muna.
May reply na sa inquiry niya ang seller ng Grandma's Cauldron. Yes, sosyal ang pangalan ng shop, isa iyon sa mga dahilan kaya doon siya nag-inquire.
Seller: Tatlong buwan ang bisa ang gayuma. Kung sa loob ng pagkakataong iyon ay hindi mo nagustuhan ang epekto, puwedeng ulitin. Libre kaming magbibigay ng pangalawang bote. Ngunit hanggang doon lang, kung wala talaga'ng bisa ay wala ka nang magagawa.
Dali-daling sumagot si Amari habang sakay siya ng tricycle.
Amari: So, paano ang effect? Kung tatalab, as in ma-i-in love sa akin ang lalaking gagayumahin ko?
Mabilis siyang nakatanggap ng reply. Madaling araw na pala, mabilis na ang signal.
Seller: Hindi ganoon kadali. Ang pangunahing epekto ng gayuma ay ilalapit sa iyo ang lalaking gusto mo sa hindi puwersadong paraan. Anumang bagay sa iyo na gusto niya ay mas iigting pa. Halimbawa, kung nagagandahan siya sa iyo, dodoble ang paghanga niya. Kung gusto niya ang luto mo, mas hahanap-hanapin niya iyon. Kung gusto niya ang ugali mo, mas mawiwili pa siya sa 'yo. Kung may pagnanasa siya sa iyo, mas iinit pa iyon. Mas maaakit siya, magiging laman ka palagi ng isipan niya. Doon mag-uumpisa kung iibig ba siya sa iyo o hindi.
Napasimangot si Amari. Ay, bakit ganyan? Bakit hindi matik na in love agad? Anong klaseng gayuma naman iyan?
Seller: Dahil hindi napipilit ang pag-ibig. Walang puwersa o mahika sa mundo na makakagawa niyan. Saka gusto mo bang makapiling ang isang lalaking umibig lang sa iyo dahil sa ginayuma mo siya? Lolokohin mo lang ang sarili mo.
Ay, in fairness, may point ang seller. Woke na gayuma pala ito.
Amari: So bale, ilalapit lang siya ng gayuma sa akin? And from there ay wait na lang ako kung mai-in love siya?
May pag-asa siya kung sakali. Nagustuhan ni Isaac iyong mini cakes niya kahit chaka ang itsura, saka magiliw din ito sa kanya sa umpisa pa lang. Kailangan lang ng push ng gayuma para mas mapalapit pa ito sa kanya.
Seller: Ganoon na nga. At iyan ang kaibahan namin sa ibang nagtitinda ng gayuma. Hindi namin binibigyan ng maling pag-asa ang mga bibili sa amin.
Noon din ay nagdesisyon si Amari. Sige, pabili ako ng isang bote.
BINABASA MO ANG
Charmed Too Deep (Wattys 2024 Grand Prize winner)
RomanceWattys 2024 Grand Prize winner Goal: Gayumahin ang lalaking crush na crush mo. Plot twist: May ibang nakiinom sa drinks na hinaluan mo ng gayuma.