1 ♠ Pagpapanggap

5.4K 279 210
                                    

NAALIMPUNGATAN si Prinsesa Kristine mula sa mahimbing na pagtulog nang maramdamang tila may tao sa kanyang harapan. Nakapikit man ang mga mata'y may naaaninag pa rin siyang anino dahil na rin sa manaka-nakang pagkawala ng dampi ng sikat ng araw sa kanyang mukha. At maging ang prisensya nito'y malakas niyang nararamdaman. Gayun pa man, pinili niyang manatiling nakapikit upang mas pag-aralan pa ang kilos ng pangahas na iyon.

Nakatulog pala siya sa lilim ng isang malaking puno sa pag-iisip ng mga bagay-bagay nang hindi na niya namalayan.

'Lapit pa. Sige, lumapit ka pa,' sambit niya sa sarili. Maingat at dahan-dahan niyang iginalaw ang isang kamay sa ilalim ng kanyang suot na mahabang bestida. Maagap niyang kinapa ang isang maliit na patalim na kris na nakasukbit sa kanyang binti.

Nang ganap na mahawakan iyon ay agad siyang gumawa ng hakbang at sa isang iglap lamang ay napagpalit na niya ang kanilang puwesto. Ang estrangherong lalaki na ngayon ang nakasandal sa puno habang siya nama'y nakasunggab dito.

"Whoa!" Kitang-kita niya ang labis na pagkagulat sa mukha ng lalaki. Halatang hindi nito inasahan ang kanyang biglaang pagsalakay.

Hindi na rin niya ito binigyan pa ng pagkakataong makapagdepensa at mahigpit niyang hinawakan ang kuwelyo ng suot nitong puting damit na bahagya nang nangungupas ang kulay dahil sa kalumaan.

Kasing bilis din ng kanyang kilos ang pagdikit ng dulo ng matalim na kris sa leeg ng lalaki. Mabangis ang hitsura ng prinsesa na tila tigreng na-estorbo sa pagtulog.

"Sino ka?" mariin niyang tanong sa lalaki.

"S-sandali... kumalma ka lamang, Binibini." Nakataas ang dalawang kamay nito--nagpapakitang hindi ito manlalaban. Mababakas din sa mukha nito ang dagling pagkabahala at takot.

"Tinatanong kita kaya sumagot ka! Sino ka?" At lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kuwelyo ng damit nito.

"P-papaano ako makakapagsalita ng m-maayos kung nakatutok iyang patalim mo sa aking leeg?" nauutal na sagot ng lalaki ngunit may kalakip iyong kapilyuhan. 

Sandali muna siyang hindi nagsalita upang kilatising maigi ang lalaki. Matapos ang ilang sandali'y dahan-dahan na niyang inalis ang pagkakatutok ng patalim sa leeg nito. Ngunit, kanya namang mabilis na inilipat iyon sa tapat ng pagkalalaki nito. 

"Whoa! Diyos ko po!" Lalo pa itong nagulat sa ginawa niya. Maging ang pagkabalisa at takot nito noong una'y naging doble pa ngayon. "Bakit diyan pa?" maktol nito.

Ngumisi siya. Halatang hindi ito gaanong natakot nang tutukan niya ito ng patalim sa leeg. Kaya niyang sabihin kung nagpapanggap lamang ito o hindi. Iba rin ang takot sa pagkagulat. At ang nakita niya sa lalaki ay pawang pagkagulat lamang. May hinuha siyang hindi ito ordinaryong lalaki na napadpad lamang sa lugar na ito. Mainam na ang maging handa siya. 

"Oh? Malayo na ito sa iyong leeg, ah! Kaya wala ka ng dahilan pa para hindi makasagot ng maayos sa itinatanong ko sa iyo!" sarkastiko niyang turan. 

"S-subalit..." Magdadahilan pa sana ang lalaki. Ngunit, agad nitong kinalimutan ang dapat sanang sasabihin nang maramdamang bahagya pang diniinan ng prinsesa ang pagkakatutok sa kanyang pagkalalaki. "S-sige na nga! S-sasagutin ko na ang tanong mo."

"Sagot!" sigaw niya rito na may halong iritasyon at pagka-inip.

"Ang p-pangalan ko ay Marco. Isa lamang akong m-mangangaso na napadpad sa kapatagang ito. Hindi gaanong interesante ang pagkatao ko, Binibini. Kaya parang awa mo na... pakawalan mo na ako. Maaari ba?"

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon