BRUSSIAN EMPIRE
MALALAKAS na hiyawan at sigawan ang maririnig sa isang bukas na bulwagan sa gitna ng pamilihan dahil sa mga kalalakihang nagpupustahan at nagsasaya sa panonood ng isang tunggalian.
"Wooh! Kaya mo iyan, Prinsipe Darius! Sige! Pabagsakin mo siya!" sigaw ng karamihan sa mga naroroong sadyang kampi sa prinsipe ng Brussos habang nakikipaglaban ito sa putikan.
Nasa kultura na ng mga Brussos ang larong pagpapambuno at tagisan ng lakas para sa mga kalalakihan. At kahit saan ka mang dako ng lugar magpunta'y makikitang tinatangkilik ang ganitong palaro kahit pa sa mga binatilyo.
Kalimitan ang larong ito ay para lamang sa mga dukha. Ngunit, madalas na pumupuslit ng palasyo si Prinsipe Darius para lamang dumayo rito at makipaglaro.
NAHIHILO na si Prinsipe Darius sa mga suntok at atake na natatamo mula sa kalaban ngunit hindi pa rin siya sumusuko. Malaki ang tiwala niya sa sarili na kaya niya itong talunin. Ganoon siya kabilib sa kanyang sarili kahit pa halos doble ang laki ng kalaban sa kanya.
Ayaw din niyang mapahiya sa mga kababayan niyang sumusuporta sa kanya. Alam niyang puno lamang siya ng kahambogan ngunit ayaw naman niyang mas lalo pang ipahalata iyon.
Kaibigan niya ang mga mamamayan ng kanilang imperyo at napakalapit ng loob niya sa mga ito. Itinuturing niyang hindi na iba sa kanya ang mga mahihirap dahil minsan na rin siyang nanggaling sa ganitong buhay.
Apat silang magkakapatid na lalaki at lahat sila ay tanging mga mapalad lamang na kinupkop ng butihing emperador ng Brussos noong mga bata pa lamang sila.
Dati lamang silang mga batang palaboy sa lansangan nang makitaan sila ng kakaiba at pambihirang tapang ng emperador na nararapat 'di umano bilang tagapagmana ng trono nito.
Hindi nagawang magka-anak ng emperador sa mga naging una nitong karelasyon. Noong una ay inakala nilang ang hindi nito pagkakaroon ng anak ay dahil sa kakulangan sa parte ng kanyang asawa. Kaya naman maka-ilang ulit na rin itong nagpalit at sumubok ng ibang babae, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari.
Napag-alaman lamang nila na sa emperador mismo ang kakulangan nang mabalitaan nilang nagsilang ng sanggol ang isa sa mga naging babae nito noon sa bago nito ngayong asawa.
At isang karuwagan para sa isang pinuno ng imperyo ang hindi pagkakaroon ng sariling anak na magiging tagapagmana ng trono. Malaking kahinaan iyon para sa isang emperador. At ang ilan sa mga tao ay iisiping hindi siya nararapat sa trono kahit pa sabihing matibay ang kapangyarihang naitutulong ng kasalukuyang emperatris para sa kanyang pamumuno.
Marami ang nais umangkin sa trono ng emperador kaya hindi nito iyon pinahintulutan. Kumupkop ito ng mga bata, binihisan, pinag-aral, sinanay, itinuring na sarili niyang dugo, at kinilalang sariling mga anak.
"Ah!!!!" sigaw ni Prinsipe Darius nang sugurin niya ang kalaban ng isang malakas na suntok. Ngunit, sa laki ng katawan nito ay hindi niya ito magawang pabagsakin. Sa halip ay siya pa ang ilang ulit na bumagsak sa putikan.
BINABASA MO ANG
Krisian Princess "The Battle of Four Empires"
Ficção Histórica•GENRES: Historical, Fantasy, War, Romance, Tragedy •ACHIEVEMENT: Wattys 2016 Awardee •HIGHEST RANKING: #1 in Historical Fiction Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising...