KRISIAN EMPIRE
MARIING ipinikit ni Prinsesa Kristine ang kanyang mga mata sa pagpapawi ng mga sariwang alaalang muling nanumbalik sa kanyang isipan—na tila kahapon lamang nangyari ang lahat.
Alam niyang lubos siyang nagpadalos-dalos sa mga kilos. Ngunit, sa kabila ng lahat, wala pa rin siyang pinagsisisihan. Para sa kanya'y tama lamang ang kanyang ginawa. Kamatayan ang nararapat sa impostor na Higerrian na iyon at wala ng iba.
Nakalulungkot mang isipin na wala ng prinsipe na may dugong maharlika galing sa unang linya ng kanilang angkan ang papalit sa trono ng kanyang ama, at mamamahala sa buong imperyo ng Kris balang araw. Ngunit, mas gugustuhin pa niyang iyon na lamang ang mangyari kaysa pagharian ito ng kanilang mga kalaban.
Isa pa'y marami pa rin namang karapat-dapat sa trono ang maaaring humalili mula sa malalayong angkan ng kanilang pamilya. Ngunit, higit sa lahat, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Malakas pa rin ang kanyang paniniwala na buhay pa ang kanyang kapatid na si Prinsipe Ranulf. Ang totoong Prinsipe Ranulf. At iyon ang kanyang tutuklasin.
Muli siyang nagdilat ng mga mata. Pagkuwa'y pinuno ng hangin ang kanyang dibdib bago muling sumakay sa kanyang kabayo para bumalik na sa palasyo. Kahit papaano ay bahagyang nabawasan ang bigat sa kanyang dibdib nang makalanghap siya ng sariwang hangin sa kapatagan at pansamantalang mapag-isa. Halos inaaraw-araw na niya ang pagpunta sa kapatagan upang mangabayo at maaliw dahil sa patong-patong na suliraning kinakaharap niya ngayon.
MAKALIPAS ang isang buwang pananahimik ni Prinsesa Kristine ay ngayon lamang siya muling nagpasyang harapin ang kanyang ama.
Sa nakalipas na isang buwan ay hindi man lang siya nito ipinatawag at ninais na makita. Hinigpitan din nito ang pagpapabantay sa kanyang silid upang hindi siya basta-bastang makalalabas ng palasyo. Ngunit, naging pabor din iyon sa kanya para makapag-isip ng magandang plano kung paano niya mapapatunayan ang pagtatraydor ng impostor na prinsipeng itinuring nilang ang nawawalang si Prinsipe Ranulf.
Ngayong ipinatatawag siya ng kanyang ama, alam niyang may mahalaga itong balitang sasabihin. At tama lamang ang pagkakataong ito para sabihin na rin niya sa ama ang kanyang mga pasya. Hindi siya maaaring basta na lamang sumunod sa mga gusto nito dahil lalong liliit ang pag-asang maisagawa niya ang kanyang mga plano.
•Luklukan ng Emperador (Throne Hall)•
"MAGANDANG araw, Kamahalan! Magandang araw, Mahal na Emperatris," bungad na bati ni Prinsesa Kristine sa kanyang mga magulang nang dumating siya sa loob ng luklukan ng palasyo. Marahan din siyang yumukod bilang tanda ng paggalang.
Napansin din niyang maraming pagkain at alak ang nakahain sa mahabang hapag na naroon. Tila may isang pagdiriwang. Malamang tungkol ito sa kasunduang hinihiling ng kanyang ama.
'May sagot na nga kaya ang tatlong imperyo?' sa loob-loob niya.
"Maupo ka, Prinsesa Kristine. May mahalagang bagay tayong dapat ipagdiwang ngayon," pormal na saad ni Emperador Adelar.
Sandali siyang napahinto sa harapan ng upuan na nakalaan para sa kanya dahil sa winika ng ama. Hindi niya inasahang sa ama niya maririnig ang bagay na iyon. Tila nawala na ang galit nito sa kanya o nagpapanggap lamang dahil may kailangan? Ano man iyon ay tiyak niyang hindi siya interesadong malaman.
Mayamaya'y walang imik na tumalima si Prinsesa Kristine sa sinabi ng ama. Marahan siyang umupo sa naroong silya at hindi na nag-abala pang sulyapan ito. Ramdam niya ang kakaibang tensyon na bumabalot sa paligid at wala siyang balak na magtanong o magbukas ng usapan.
Matapos ng ilang sandali'y nakita niyang dumating ang kanyang tiyuhin—ang Punong Ministro ng Kris. Naupo ito sa silyang nasa tapat niya. Sa napapansin niyang pananahimik ng tiyuhin ay tila batid na rin nito ang balita.
BINABASA MO ANG
Krisian Princess "The Battle of Four Empires"
Historical Fiction•GENRES: Historical, Fantasy, War, Romance, Tragedy •ACHIEVEMENT: Wattys 2016 Awardee •HIGHEST RANKING: #1 in Historical Fiction Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising...