8 ♠ Balik-tanaw III- Katotohanan

2.3K 162 56
                                    

KRISIAN EMPIRE

•Bahay-Panahian ng Musang•

ISANG 'di gaanong kalakihang bahay-panahian ang pinagdalhan sa kanila ng mga tulisan. May dalawang palapag ito na pawang gawa sa ladrilyo at mga naglalakihang bato. Isang tipikal na uri lamang ng mga pagawaan na karaniwang makikita sa maliliit na bayan ng Kris.

Napansin din ng prinsesa na hindi pa masyadong sibilisado ang bayan ng Musang dahil sa mangilan-ngilan pa lamang ang makikitang malalaking bahay na nakatayo. May mga nakita rin siyang hindi bababa sa sampung pamilya na mga nakatira at pagala-gala lamang sa kalsada habang namamalimos. Nagkalat din sa daan ang ilang mga nasiraan na ng bait at ilang may kapansanan na walang awang sinasabuyan ng tubig, dinuduraan ng mga tulisan, o 'di kaya nama'y tinatadyakan ng mga ito tuwing manghihingi ng limos. 

Nakakaawa. Ito lamang ang isang bagay na masasabi niya. Napakayaman ng kanilang imperyo ngunit napakarami rin palang naghihirap. Isang patunay lamang na bulok ang sistema ng pamamahala ng kanilang palasyo.

Kahit pa sabihing binura na ang bayan ng Musang sa listahan ng mga bayang binibigyan ng sustento ng palasyo dahil sa mga traydor na naninirahan dito, hindi pa rin ma-i-aalis ang katotohanang sakop pa rin ito ng Kris. May dugo pa ring Krisian ang humigit sa kalahating populasyon ng mga taong naninirahan sa lugar na ito.

Para kay Prinsesa Kristine ay responsibilidad pa rin nila ang mga ito. Mga mamamayan pa rin sila ng Kris kahit anong mangyari. At kung pakikitaan lamang ito ng kabutihan ng emperador ay tiyak na wala ng mga tulisang nanggaling sa Musang ang mangangahas na traydurin ang palasyo. 

"Narito na tayo," basag ng lalaking pinuno ng mga tulisan sa kanyang malalim na iniisip, "Gusto mo pa bang ihatid namin kayo sa loob, Binibini?"

"H-hindi na!" mariin niyang tanggi, "Hanggang dito na lamang kayo."

Pinakatitigan pa siya ng lalaki ng ilang sandali. Puno ito ng pagdududa sa kanila ngunit nananatiling tikom ang bibig. Tila wala pa itong balak na umalis kaya siya na ang unang gumawa ng hakbang.

Walang pasabing tinalikuran niya ang pinuno ng mga tulisan at nagmamadaling pumasok sa loob. Agad din namang sumunod sa kanya ang tagapag-silbing si Lilla.

ISANG matandang lalaki ang nabungaran nilang nakaupo sa may durungawan ng bintana habang abala sa pagtatahi ng isang balabal gamit lamang ang sarili nitong mga kamay. Nakasuot ito ng makapal na baluting gawa sa balat ng oso. Higit na mas magara ang kasuotan nito kumpara sa mga damit ng karaniwang mamamayang makikita sa Musang. Ngunit, ang mas kapansin-pansin dito ay ang mahaba nitong abuhing buhok at dahil sa nangungulubot na nitong balat ay tantya niyang malapit na ito sa edad na limampu o higit pa. Maging ang manipis nitong balbas at begote ay bahagya na ring nagkukulay abo.

Hindi nga nakapagtataka na isa itong magaling na mananahi dahil sa ilang naggagandahang damit na nakasalansan sa mga aparador nito.  Ang mga obra ng lalaki ang lubos na nagbibigay kulay at pang-akit sa mga mata ng sino mang bibisita sa tanggapan nito. 

Nakakapagtaka lamang na nagkukubli ito sa bulok at magulong lugar ng Musang sa halip na tumira sa sentro ng bayan kung saan malapit sa palasyo't mas maraming mayayamang mamimili at makakakita ng mga obra nito.

"Magandang araw po!" bati ni Lilla sa lalaki upang ipagbigay alam ang kanilang prisensya nang hindi man lang nito napansin ang kanilang pagpasok sa loob.

"Ikaw ba ang mananahing si Lucio?" tanong ni Prinsesa Kristine nang mag-angat ito ng tingin.

"Mga tagapag-silbi ng palasyo! Ano'ng masamang hangin ang nagdala sa inyo rito?" sarkastikong tanong ng matanda. Tila bahagya itong nagulat ng makilala kaagad ang kanilang mga kasuotan.

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon