14 ♥ Ang Pagbabati

2.2K 146 57
                                    

"MAGANDANG ARAW, Mahal na Prinsipe Darius!" magiliw na bati sa kanya ng mga trabahador sa taniman ng mga ubas nang makita siyang dumating. Bahagya ring yumukod ang mga ito tanda ng paggalang.

"Magandang araw din ho sa inyo," marahan niyang tugon at yumukod din sa mga ito.

Masama para sa kanila ang hindi pagbibigay galang sa mga nakatatanda kahit pa nasa mabababang estado man ito ng pamumuhay. Hindi na rin siya bumaba pa ng kabayo dahil hindi naman siya magtatagal. Napadaan lamang siya dito matapos iwanan ang prinsesa sa tabi ng batis. 

"Mukhang napaaga yata ang inyong pagbisita rito sa taniman, Mahal na Prinsipe," nagtatakang saad ng isang babaeng may katandaan na. May suot din itong isang malaking sombrerong gawa sa tuyong balat ng puno para proteksyonan ang sarili sa init ng araw.

"Ah, napaaga ho kasi ang pangangabayo ko para makondisyon ang aking katawan sa umaga," palusot na paliwanag niya. "Pabalik na sana ako ng palasyo nang maisipan kong magawi muna rito para kumustahin kayo."

"Naku, ang Mahal na Prinsipe talaga oo! Kahit kailan napakabait niyo sa amin," abot-abot ang ngiting sagot ng isa pang matandang lalaki. Ito ang asawa ng kaninang matandang babae. Gustong-gusto talaga ng mga ito ang ugali ni Prinsipe Darius dahil sa pagiging mapagpakumbaba niya.

"Siyanga pala, nabalitaan naming dumating na raw sa palasyo ang prinsesa ng imperyo ng Kris kahapon. Kumusta siya? Mabait ba ang prinsesa? Maganda ba?" sunod-sunod na tanong ng matandang babae habang malapad ang pagkakangiti. 

Biglang napalis ang ngiti sa kanyang mga labi nang muling maalala ang prinsesa at muli na namang nag-init ang kanyang ulo sa naging pagtatalo nila. 'Isa siyang halimaw!'

"Ano ba namang klaseng tanong iyan, Esmeralda? Aba, siyempre maganda ang prinsesa at bagay na bagay sila ni Prinsipe Darius!" bulyaw ng matndang lalaki sa kanyang asawa. "Isa pa, hindi basehan ang hitsura. Ang mahalaga roon ay malaki ang maitutulong sa ating imperyo ng magiging alyansang magaganap sa dalawang imperyo. Hindi ba, Prinsipe Darius? Kung kaya, galingan mo sa pagpapa-ibig sa prinsesa, ha?" Siya naman ang sunod na binalingan ng matanda. 

'Tunay ngang hindi dapat na basehan ang panlabas na anyo. Dahil kung ang prinsesa lamang ang gagawing halimbawa ay isa iyong malaking kalinlangan para sa lahat!'  Iyon sana ang gusto niyang isagot ngunit pinili na lamang niyang kimkimin sa loob niya. 

"A-ah, t-tama po kayo sa sina—"

"Mahal na Prinsipe Darius!" Malakas na sigaw ng isang lalaki ang pumutol sa iba pa sanang sasabihin ng prinsipe. Nakasakay ito sa kabayo at nagmamadaling lumapit sa kinaroroonan nila. 

Natuon ang atensyon ng lahat sa papalapit na binata at nagtatanong ang mga mata—lalo na ang matatanda—kung bakit ganoon na lamang kalakas ang pagtawag nito sa prinsipe. 

"Bakit, Ismael?" kunot-noong bungad na tanong ni Prinsipe Darius sa lalaki ng tuluyan itong makalapit sa kanila.

"Bakit po kayo narito?" ngunit balik-tanong sa kanya ng lalaki. Todo-todo ang pagkakakunot ng noo nito't tila hindi mapaniwalaang nakita siya nito sa lugar na iyon. 

"Napadaan lamang ako rito. B-bakit ba?" muli niyang tanong sa lalaki.

"Paumanhin po. Ngunit, nakita ko pa lamang kayo ng prinsesa ng Kris na magkasamang nangangabayo palabas ng silangang tarangkahan nitong umaga. At ngayon-ngayon lamang ay n-nakita ko siyang nag-iisa sa may tabi ng batis pagdaan ko," paliwanag nito.

"Hindi niya tinaggap ang aking pagbati. Bagkus ay matalim pa sa mga mata ng ligaw na tigre ang mga titig na ipinakaloob niya sa akin. Kung kaya, hindi na ako naglakas-loob pang lapitan siya," dagdag pa nito.

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon