11 ♥ Kilalanin ang mga Brussian

2.5K 159 73
                                    

BRUSSIAN EMPIRE

MABILIS na pumasok sa loob ng hilagang tarangkahan ang isang kawal na tagapag-ulat sakay ng kabayo nito. May dala itong mensahe para sa mga prinsipeng naghihintay sa labas ng pintuan ng palasyo.

Agad itong lumuhod at nagbaba ng tingin sa harapan nina Prinsipe Darius, Prinsipe Ivan, at Prinsipe Caesar bilang pagbibigay pugay. Ang tatlong prinsipeng ito ang naatasang sumalubong sa prinsesa ng Kris at umagapay dito sa pagpasok sa loob ng palasyo.

"Kamahalan! Ang Mahal na Prinsesa ng Kris at ang mga tauhan nito ay paparating na," pag-uulat ng kawal.

"Ganoon ba? Maraming salamat sa iyo," sagot ni Prinsipe Caesar at bahagyang tumango-tango. "Iparating mo kaagad kay ama ang impormasyong ito."

"Masusunod po, Mahal na Prinsipe!" Agad itong tumalima sa utos ng prinsipe at nagmamadaling pumasok sa loob ng palasyo.

MAYAMAYA pa ay napansin ni Prinsipe Caesar ang pagiging balisa ng kilos ng bunso nilang kapatid na si Prinsipe Darius. Hindi ito mapakali sa kinatatayuan at maya't maya rin ang ginagawang pagsulyap sa malaking hilagang tarangkahan. Lihim na napangiti si Prinsipe Caesar at binigyan ng makahulugang tingin ang kapatid na si Prinsipe Ivan. Tila nahulaan naman kaagad ni Prinsipe Ivan ang nais ipahiwatig ni Prinsipe Caesar at iiling-iling na napangiti.

"Nasasabik ka na bang makita ang prinsesa, Kapatid?" natatawang tanong ni Prinsipe Ivan.

"Ah... A-ako? Hindi ah! Ano naman ang k-kasasabikan ko? Ni hindi ko nga alam kung maganda ba siya!" nauutal niyang sagot.

"Siya nga ba?" taas-kilay na tanong naman ni Prinsipe Caesar at nilangkapan pa nang mapang-uyam na ngiti.

"Oo naman! Isa lamang din siyang pangkaraniwang babae."

"Nakaligtaan mo na ba? Siya ang Imperial Princess ng pinakamakapangyarihang imperyo sa buong Atlanta, Prinsipe Darius! At hindi siya matatawag na pangkaraniwan lamang," paliwanag ni Prinsipe Caesar.

"Batid ko, ngunit..." Nawalan na ng maidadahilan pa si Prinsipe Darius kaya hindi na niya ipinagpatuloy pa ang sana'y sasabihin. "A-ah, Kuya Caesar, sa tingin mo kaya maganda ang prinsesa?"

Tumawa ng malakas ang dalawang prinsipe nang marinig ang tanong na iyon ni Prinsipe Darius. Halatang hindi nila iyon inasahan.

"Ano ba namang katanungan iyan?" tanong ni Prinsipe Caesar habang natatawa.

"Mukha yatang kinakabahan na ang ating bunsong kapatid, ah! Balak mo na bang umatras?" Pangungutya ni Prinsipe Ivan. Bahagya pa nitong tinapik ang balikat ni Prinsipe Darius habang iiling-iling na tumatawa.

"H-hindi ah! Ano kasi... G-gusto ko lamang ding malaman kung ano ang hitsura niya. Alam niyo na, may karapatan din naman ako bilang kinatawan sa kanyang mga pagpipiliang prinsipe. Nakapagtataka lamang kasi na kailangan pa talaga nilang paanyayahan ang tatlong kalabang imperyo para sa paghahanap nito ng mapapangasawa. Wala na ba silang mahanap mula sa kanilang imperyo? Hindi kaya... Ubod ng sama ang mukha nito at pag-uugali?" pagdadahilan niya.

"Doon ka ba mas natatakot? Natatakot na baka hindi mo maibigan ang hitsura ng prinsesa?" may pangungutyang tanong ni Prinsipe Ivan.

"Ang pag-iisang dibdib ng prinsesa at ng mapalad na prinsipeng mapipili nito ay isang usaping politika, hindi nang kung ano pang dahilang naiisip mo, Prinsipe Darius!" seryoso namang turan ni Prinsipe Caesar.

"Marahil nga'y tama ka. Naisip ko lamang na baka... baka ubod nga ng pangit ang prinsesa kaya nila ginagawa ito. Isa pa, tahanan ng mga mandirigma ang Kris kaya naman hindi na nakapagtataka pa kung mukha ring mandirigma ang prinsesa," muli pang katwiran ni Prinsipe Darius.

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon