KRISIAN EMPIRE
Imperial Palace, Throne Hall
"KAMAHALAN, nakahanda na po ang lahat," malumanay at nakayukong turan ng matandang punong yunuko sa harapan ni Emperador Adelar.
"Tiyakin ninyong walang magiging suliranin," tipid lamang na tugon ng emperador. Pagkuwa'y agad na tumalima ang yunuko at nagbigay ng utos sa nakaantabay na punong kawal.
Dali-dali namang umalis ang punong kawal kasama ng ilan pang mga armadong tauhan nito. Malalim na ang gabi ng mga oras na iyon ngunit binabagtas ng mga ito ang masukal na kabundukan sa hilagang Beaurantes lulan ng kani-kanilang kabayo. Ang bahagi ng kagubatang iyon ay bibihira lamang puntahan ng mga tao dahil sa matatarik na bangin at naglalakihang ugat ng mga punong nagtatago sa makakapal na damo.
Sa isang bahagi ng gubat ay naroong abala naman ang hindi bababa sa sampung mga tauhan ng palasyo na nag-aalay ng dasal habang isinasagawa ang lihim na seremonya ng libing para sa napaslang na prinsipe ng imperyo. Nakasuot din ang mga ito ng pawang puting unipormeng panluksa.
At nang sandaling matapos ang ritwal ay walang anu-anong agad na pinalibutan ng mga kawal ang grupo ng mga tagapag-silbi ng palasyo. Nakaamba rin ang kanilang mga matutulis na espada na naghatid ng labis na pagkabahala sa mga tagapag-silbi.
"S-sandali, ano ang ibig sabihin nito?" takot na tanong ng isang lalaki na siyang pinakamatanda sa lahat ng naroroon.
Ngunit, sa halip na sagutin ay isang pagtango ang ginawa ng punong kawal sa kanyang mga tauhan. Hudyat na simulan na ang dapat nilang gawin. Hindi naman nagsayang ng oras ang mga kawal at walang habas na iwinagayway ng isa ang kanyang espada sa katawan ng isang babaeng tagapag-silbi na agad niyong ikinamatay.
"Mga lapastangan!"
"Ano ang balak ninyong gawin sa amin? Hindi niyo ba alam na napag-utusan kami ng mahal na emperador? Oras na malaman niya ito'y--" Hindi na natapos pa ng lalaki ang sinasabi nang siya naman ang sunod na ginilitan sa leeg.
Nabalot ng iyakan ng mga kababaihan ang paligid at maging ng mga galit na kalalakihan dahil sa labis na pagtataka't pangamba sa ikinikilos ng mga kawal na ang buong akala ng mga ito'y puprotekta sa kanilang makabalik ng palasyo ng ligtas.
"Mga hangal! Ito ang pasasalamat sa inyo ng emperador!" sarkastikong turan ng punong kawal at walang habas na muling iwinasiwas ang espada sa mga walang kalaban-labang tagapag-silbi na agad namang sinunod ng iba pang mga kawal.
Karimarimarim na mga hiyawan ang bumalot sa buong paligid. Iyak ng pagmamakaawa at hinagpis ng mga naghihingalo. Sa isang iglap lamang ay dumanak ang dugo ng mga ito kasabay nang nakabibinging katahimikan.
"Maghukay kayo ng paglilibingan ng mga ito," mariing utos ng punong kawal matapos tiyaking wala nang ni isa mang humuhinga sa mga iyon.
"Masusunod po, Pinuno!"
"KAMAHALAN, maayos pong naisagawa ang ipinag-utos ninyo," pagbibigay alam ng punong yunuko nang sandaling makuha ang balita.
Tumango lamang ang emperador bilang tugon. Maliban doon ay blangko ang ekspresyon sa mukha nito.
Ang punong yunuko ay matamang nakikiramdam at pilit na binabasa ang ekspresyon sa mukha ng emperdaor ngunit hindi niya mahulaan ang iniisip nito. Prinsipe ng imperyo ang ipinalibing nito ngunit hindi man lang ito nag-abalang bigyan iyon ng maayos na libing na naaayon sa tradisyon ng maharlikang pamilya. Isa pa, hindi rin niya maintindihan kung bakit inilihim nito sa lahat ang nangyari samantalang isa itong napakalaking usapin at suliranin ng imperyo.
BINABASA MO ANG
Krisian Princess "The Battle of Four Empires"
Historical Fiction•GENRES: Historical, Fantasy, War, Romance, Tragedy •ACHIEVEMENT: Wattys 2016 Awardee •HIGHEST RANKING: #1 in Historical Fiction Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising...