15 ♥ Pangungulila

2K 125 40
                                    

AGAD NA SINALUBONG si Prinsesa Kristine ng tagapag-silbing si Lilla mula sa malawak na bulwagan ng palasyo ng Brussos nang makabalik na sila. Sandali itong yumukod upang magbigay pugay sa kanilang dalawa ng prinsipe. 

"Mahal na Prinsesa..." Sa nakikita niyang pagkabalisa ng tagapag-silbi'y tila may nais itong sabihin. Napansin din niyang maya't maya ang ginagawa nitong pagsulyap sa prinsipe kaya natitigilan ang babae.

Nakuha naman niya kaagad ang ibig nitong sabihin kaya hinarap niya ang kasamang si Prinsipe Darius na noo'y sinasabayan siya sa paglalakad sa malawak na hardin ng palasyo.

"Prinsipe Darius," aniya.

"Hmm?" agad itong bumaling sa kanya at nagtatanong ang mga mata.

"Nais ko sanang magtungo na muna sa aking silid upang makapagpahinga sandali," paalam niya rito.

"Kung iyon ang iyong nais, Prinsesa," nakangiting tugon ng prinsipe.

"Salamat!"

"Nais mo bang ihatid na kita sa iyong silid bago ako bumisita kay ama?" suhistyon pa nito.

"H-hindi! Hindi na," mabilis niyang tanggi. "Narito naman si Lilla upang umantabay sa akin. Isa pa, ayaw na kitang abalahin pa. Batid ko namang pagod ka na rin. Pakisabi na lamang sa Mahal na Emperador na pinapakumusta ko siya at bibisita na lamang ako sa kanya mamayang hapon." Binigyan niya ng matamis na ngiti ang prinsipe bago yumukod dito bilang tanda ng paggalang.

"Kung iyan ang iyong nais. Umasa kang makakarating ang iyong minsahe kay ama. Magpapahatid na rin ako ng pagkain sa iyong silid. Magandang araw sa iyo," magiliw na saad ng prinsipe. Pagkuwa'y yumuko na rin ito bilang pagbibigay galang.

"Magandang araw din sa iyo, Mahal na Prinsipe," aniya.

NANG marating nila ang kanyang silid ay tiniyak ni Lilla na nakasara ng maigi ang pinto bago siya hinila patungo sa sulok kung saan walang makakarinig sa kanila. Lubos na maingat ang tagapag-silbi kahit pa ang lahat ng mga tauhan at tagapagbantay sa labas ng kanyang silid ay galing mismo sa sarili nilang imperyo. Hindi niya pinahintulutang may kahit na isang taga ibang imperyo ang magsilbi sa kanya—alinsunod na rin sa kagustuhan ng amang si Emperador Adelar.

"Maliban sa paghingi mo ng tawad dahil sa pagbibigay mo ng impormasyon kay Prinsipe Darius patungkol sa akin, ano pa ang nais mong sabihin?" tahasang turan ni Prinsesa Kristine. Hindi pa rin niya nalilimutan ang ginawa nito. 

"Patawad po, Kamahalan," takot na saad nito. Hindi rin ito mapakali sa kinatatayuan at mababakas ang labis na takot sa mukha. "Ano po k-kasi—"

"Hindi na mahalaga pa iyon! Ano ba ang nais mong sabihin?" pag-iiba niya ng usapan. Hindi rin naman iyon malaking usapin upang takutin pa niya ang babae. Ngunit, nagbigay na iyon ng sapat na babala upang mag-ingat ito sa mga binibitawang salita.

Nang marinig ang kanyang sinabi'y agad na nagliwanag ang mukha ng tagapag-silbing si Lilla at napalitan iyon ng pagkagalak at pagkasabik. "Kamahalan, napag-alaman ko hong ang mga prinsipe ng Brussos, lahat sila, ay pawang kinupkop lamang ng emperador!"

Bigla siyang pinanlakihan ng mga mata dahil sa narinig. "Ano? Totoo ba ang sinabi mo, Lilla? Isa iyang malaking paratang at paglapastangan sa maharlikang pamilya ng Brussos!" 

"Totoo po ang sinasabi ko, Kamahalan!" mahigpit nitong pinaninindigan ang sinabi. "Hindi po ako nagsisinungaling. Ang ilang mga tagapag-silbi mismo rito sa palasyo ang nagsabi sa akin tungkol sa bagay na ito. Kinupkop lamang daw ng butihing emperador ang apat na prinsipe upang hindi mawala sa kanya ang trono at kapangyarihang pagharian ang imperyo ng Brussos."

"Siyanga?" Halo-halong imosyon ang bumalot kay Prinsesa Kristine sa kaalamang iyon. Hindi rin niya alam kung ano ang iisipin. Ngunit, ang unang malinaw na pumasok sa isipan niya ay ang posibilidad na isa sa mga prinsipe ng Brussos ay hindi malabong ang nawawalang kapatid na si Prinsipe Ranulf!

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon