IMPERYO NG BRUSSOS
"HANDA ka na ba, Prinsesa Kristine?" nakangiting tanong ni Prinsipe Darius nang pareho na silang nakasakay sa kani-kanilang kabayo.
Si Prinsesa Kristine ang gumamit ng kanyang kabayo at sa kanya naman ang kabayong inagaw niya sa isang kawal ng palasyo.
"Ang tuwid na daan sa labas ng silangang tarangkahan ay tinutumbok ang batis na katabi ng taniman ng mga mansanas," paliwanag ni Prinsipe Darius.
Bahagya lamang na tumango-tango ang prinsesa at inihanda na ang sarili.
"Simulan na natin?" anito.
"Sige. Bibilang ako ng tatlo," agad niyang tugon at sinimulan ng magbilang. "Isa... Dalawa..."
"Ha!" halos sabay nilang bigkas pagkuwa'y mabilis nang pinasibad ng takbo ang kani-kanilang mga kabayo.
Maluwag namang binuksan ng mga kawal ang silangang tarangkahan upang malaya silang makaraan.
SA UNA ay halos dikit na dikit ang kanilang agwat. Parehong walang may gustong magpatalo. Nagpapakita lamang na pareho nga silang dalubhasa sa pangangabayo.
Ang higpit ng labanan ay lubos na nagpapakaba kay Prinsipe Darius. Mukhang mahihirapan siyang talunin ang prinsesa. Tila yata nagkamali siya sa pagtanggap ng hamon. Ngunit, kung totoo man ang sinabi nito ay kailangan niyang manalo. Dahil dito nakasalalay ang pakikipag-alyansa ng kanilang imperyo sa Kris.
At kung totoo man nga ang ipinangako ni Prinsesa Kristine, ngayon pa lamang ay tiyak na niyang ikararangal siya ng husto ng emperador.
Halos nasa kalagitnaan na sila ng karera nang mapansin niyang unti-unti nang bumabagal ang pagpapatakbo ng prinsesa sa kabayo nito. Hindi na niya sinayang pa ang pagkakataong iyon kaya naman lalo pa niyang binilisan ang pagpapatakbo at gumawa ng malayo-layong agwat sa pagitan nilang dalawa.
Nangingibabaw ang malakas niyang halakhak sa buong paligid—kasabay ang maiingay na yabag ng paa ng mga tumatakbong kabayo.
"Papa'no ba iyan, Prinsesa Kristine! Mukhang matatalo na kita! Akala ko ba magaling ka sa pangangabayo?" pangangantiyaw pa niya sa prinsesa habang malakas na tumatawa. Saglit lamang din niyang sinulyapan ang prinsesa at muling itinuon ang atensyon sa daan.
Tila naaamoy na ni Prinsipe Darius ang kanyang tagumpay. Halos abot tainga na ang kanyang ngiti nang maunahan niya ang prinsesa. Ngunit, mayamaya'y bigla na lamang siyang nakarinig ng isang malakas na sigaw mula rito. Agad naman siyang huminto sa pagpapatakbo ng kabayo at pimihit sa likuran upang tingnan ang nangyari sa prinsesa.
Nakita niyang nakaupo na ito sa damuhan at tila may iniindang labis na sakit sa katawan. Palagay niya'y nahulog ito sa kabayo.
Bigla siyang nakaramdam ng labis na pag-aalala para rito kaya kaagad niyang pinatakbo pabalik ang kabayo upang saklolohan ito.
"Mahal na Prinsesa, ano ang nangyari? May masakit ba sa iyo? Kaya mo bang tumayo?" iminuwestra niya kaagad ang balikat. Bahagya pa niya iyong tinapik upang ipahiwatig na sumampa rito ang prinsesa at ikawit ang isang braso sa kanyang batok. "Halika, ibabalik na kita sa palasyo upang ipagamot!"
Labis siyang natataranta nang paulit-ulit na makita ang manaka-nakang pagngiwi ng prinsesa dahil sa iniindang sakit. Tiyak na siya rin ang masisisi sa sandaling may mangyari ditong masama at malalagot talaga siya sa emperador dahil hindi siya nag-iingat.
'Haist! Bakit pa ba kasi ako pumayag sa karerang ito? Naku naman, Darius! Inilalagay mo talaga sa bilog na tali ang sarili mong leeg!' Lihim niyang kastigo sa sarili.
BINABASA MO ANG
Krisian Princess "The Battle of Four Empires"
Historical Fiction•GENRES: Historical, Fantasy, War, Romance, Tragedy •ACHIEVEMENT: Wattys 2016 Awardee •HIGHEST RANKING: #1 in Historical Fiction Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising...