Episode 1 - Hate at First Meet

5.9K 128 37
                                    

KANNAGI

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

KANNAGI

“Parang gusto ko nang sumuko.” Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga, ’tsaka ko itinapon ang sarili ko sa malambot na sofa para humilata. Kapagkuwa’y karaka-raka akong umayos sa pagkakaupo, hinilot ang sentido, ’tapos umiling-iling para maitsipwera ang masamang ideyang ’yon. “Hindi puwede. Dapat grateful ako na may work ako rito.”

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. May mga antigong plorera, malaking TV na flat-screen, ref na may maraming nakapaskil na notes na may samot-saring kulay, kusinang hugis-U, naka-carpet na sahig, chandelier na nakabitay sa bandang itaas ko, at saka malaking ceiling fan na banayad ang pag-ikot.

Kinonyatan na naman ako ng katotohanang isa akong hampaslupa. Nanliliit ako sa sarili ko; para akong bakterya na naligaw sa mansyon.

Ang mansyon na ’to ay pagmamay-ari ng mga Gulmatico na pinagsisilbihan ni Tita Pamila. Nasa ibang bansa sina Mrs. Gulmatico, ang kanyang anak, at pati na rin ang bago niyang karelasyon. Ako na ang nakatokang maglinis dito sa loob, sa swimming pool, at magdilig ng mga halaman simula no’ng na-admit si Tita sa ospital. Ako ang humalili sa kanya bilang housekeeper. May tiwala naman si Mrs. Gulmatico sa ’kin.

Tumayo ako at nag-umpisang maglakad. Tinulak ko ang sliding door at lumabas para magpunta sa swimming pool na tinambangan na ng iilang mga patay na dahon. Kinuha ko ang bagong leaf skimmer ’tapos sinungkit ko isa-isa ang mga pasaway na dahong nakatihaya at palangoy-langoy sa tubig.

Makaraan ang ilang minuto ay tinantanan ko na ang swimming pool saka kinuha ko naman ang garden hose para diligan ang mga halaman. Nakapaa lang ako habang palakad-lakad sa malawak na bermuda grass na maayos na tinabas.

Nang matapos ako sa ginagawa ko, tuluyan na akong bumalik sa loob. ’Tapos, inabala ko na rin ang sarili ko sa panonood ng TV, prenteng naka-de-kuwatro sa pang-isahang sofa habang may yakap-yakap akong throw pillow. (Parang may-ari ng bahay lang ang atake.)

Walang ano-ano’y nagitla ako nang tumunog ang cell phone ko. Tumatawag ang kaibigan ko sa group chat namin na pinangalanan naming Coterie of the Awake, at inimbitahan nila akong sumali sa video call. Dahil wala naman na akong ginagawa, walang pag-aatubili kong pinindot ’yong ‘Join’ button.

Doon ay bumungad sa ’kin ang mga mukha nila. Si Aneeza ay nakahiga sa kama habang may earphones na nakapasak sa tainga niya, samantalang si Soichi naman ay parang nasa kusina at meron itong nginunguya.

Kaagad ko namang ginalaw-galaw ang cell phone ko, sinisigurong mahahagip ng camera ang paligid ko.

“Totoo ba ’tong nakikita ko?” reaksyon ni Soichi, may patakip-takip pa ng bibig.

“Kann, kaninong mansyon ’yang pinasok mo? Akyat-bahay ka ng taon!” dagdag naman ni Aneeza. Napabalikwas siya ng bangon, naniningkit ang mga mata niya, at saka niya inilapit nang kaunti ang kanyang mukha sa camera.

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon