KANNAGI
“’Musta ka na, Kann?” tanong sa ’kin ni Tita Pamila gamit ang malambing na boses.
Bumuntonghininga ako ’tapos sumagot ng, “’Eto po, palabo nang palabo ang mga mata.” Pabagsak kong iniupo ang aking sarili sa upuang katabi ng habilog na lamesa para mag-agahan. “Ito pa lang ang improvement ko ngayong taon.”
“Kase-cell phone mo ’yan, Kannagi Lacanlali!” untag niya sa ’kin.
Nakipagtitigan muna ako sa ulam kong sunny-side-up na itlog at saka hotdog bago ko ilihis ang usapan, “Siya nga pala, Tita, umiwas po muna kayo sa mabibigat na gawaing-bahay, a. ’Yon ang bilin ng doktor. Kailangan mo pa raw magpahinga bago bumalik sa normal mong ginagawa. ’Wag po matigas ang ulo. Para po ’yan sa ikabubuti n’yo.”
“Opo, Sir Kann.” Idinaan na lang ni Tita sa biro. Lumapit siya sa puwesto ko nang dahan-dahan. ’Tapos, hinawakan niya ang magkabila kong balikat at marahan pang hinagod. “Maiba tayo, kumusta na ang stepson ni Mrs. Gulmatico? Araw-araw naman kayong nagkikita sa mansyon at sa eskuwelahan, ’di ba? Ayos lang ba siya?”
Napalunok ako ng laway saka nabitiwan ko ang kubyertos. Pagkatapos, unti-unting nag-iba ang buong lugar kung nasaan ako; mula sa bahay namin ay naging bookstore ito. Napalilibutan ako nina Clyve, Luke, Soichi, Aneeza, at Gemini. Doon ay namalayan ko na lang na dinalaw na pala ako ng alaalang nangyari isang araw na ang nakararaan.
Naningkit ang mga mata ni Aneeza habang palipat-lipat ang tingin sa ’min ni Clyvedon. “Wait lang. Maiba tayo, you two have been unusually close lately. Nasa’n na ’yong enemyship-enemyship?”
Napalunok ako dahil sa isinaboy niyang kuwestiyon. Pasimple kong tinabig ang kamay ni Clyve na nakadapo kanina sa ’king balikat.
“Oo nga,” pakikisali ni Soichi, nakapaskil sa mukha ang nakalolokong ngiti. “May dapat ba kaming malaman tungkol sa inyong dalawa?”
Dali-dali kaming tumayo ni Clyve ’tapos sabay naming sinampal ang mesa at lumikha iyon ng di-kaaya-ayang ingay. “Hindi, a! Ano ba’ng pinagsasabi n’yo?” eksaherada naming sabi, sabay na sabay, pero pumiyok ang isa sa ’min. Jusko!
Dahil do’n, nagkatinginan kami ni Clyve saka rumehistro sa ’ming pandinig ang tawa ng mga kasama namin sa loob ng bookstore. Gusto kong gulpihin ang sarili ko dahil sa inakto ko—namin. Tuloy, nahahalata na talaga nila na may something sa pagitan namin.
Bigla na lang sumalingkitkit si Gemini at nagsabing, “Relax lang kayong dalawa. Oo na, naniniwala na kami na walang ‘something’ sa inyo.” Humagikhik siya at saka tinalikuran niya ulit kami sabay anas: “Pero parang familiar ’yon. Parang nasulat ko na ang scene na ’yon sa isa sa mga story ko sa Wattpad. Must be ‘something like that’ going on between them. Hays, deny pa more.”
BINABASA MO ANG
Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)
Romance[FINISHED] Categories : Boys' Love • Contemporary Romance • LGBTQ Kannagi Lacanlali, or Kann, suffers daily from social anxiety. Siya na ang nakatoka bilang caretaker sa mansyon ng mga Gulmatico, na nasa ibang bansa, buhat nang ma-admit ang tita niy...