Episode 8 - Lit Candle in the Rain

1.1K 59 20
                                    

KANNAGI

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

KANNAGI

Naranasan n’yo na bang magkaroon ng patong-patong na mga problema? ’Yong tipong nagsabay-sabay ang mga ito kaya ’di n’yo na alam kung pa’no harapin, pa’no solusyunan, at kung bakit ’yon nangyari sa buhay n’yo? Hanggang sa mapatatanong na lang kayo sa itaas ng: “Bakit ako?”

Kung ako ang kukuwestiyunin, oo, naranasan ko rin ’yan. Ngayon.

Kadi-discharge lang kahapon ni Tita Pamila, ang kumupkop sa ’kin, galing sa ospital. Pumunta ako kanina sa eskuwelahan dahil may exam kami, ngunit ’di ako pinapasok ng guard kasi wala sa ’kin ang ID card ko. Kinumpiska iyon ni Beast Mond. Hindi ako umuwi sa amin; para akong lantang gulay na palakad-lakad sa daan at ’di alam ang pupuntahan.

Hanggang sa natagpuan nila ako. Agad na tumahip-tahip ang puso ko dahil sa kaba.

Yawa! napamura ako sa isip ko. Lupa, buka at lamunin mo sila!

Walang kagatol-gatol akong kumilos. ’Di ko alam pero sa isang iglap ay bigla akong lumakas, na para bang lumagok ako ng energy drink. Sinalakay ng pawis ang sentido ko, pero ’di ko ’yon inalintana at patuloy lang ako sa pagtakbo, malalaki ang hakbang, na para bang kaya ko talagang matakasan ang mga problema ko.

Matulin ang aking pagtakbo; ano mang harang na nadaraanan ay pilit kong nilalampasan at sino mang nababangga ay hindi nakatatanggap ng “Pasensiya na po!” galing sa bibig ko. Hindi ko na lang pinansin ang malulutong na murang dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga. Kailangan kong makalayo mula sa mga barumbadong humahabol sa ’kin, dahil kung hindi, bugbog ang aabutin ko sa kanila.

Utang ang rason kung bakit nila ako hinahabol. Kaya lang, wala pa akong pambayad kay Beast Mond kaya nanganganib ang buhay ko ngayon. ’Di ko ’to ginusto, sadyang ’di lang talaga pabor sa ’kin ang tadhana.

“Kannagi Lacanlali, tigil!” Malinaw sa pandinig ko ang palahaw ni Beast Mond. Para siyang isang tigreng lalapa sa walang kalaban-labang usa. Bagama’t medyo malayo na ako sa kanya, ramdam na ramdam ko ang poot sa bawat salitang binitiwan niya.

Binilisan ko pa ang pagtakbo. Isang tanong ang bumagabag sa ’kin sa mga oras na ’to: Saan ko ba nakukuha ’tong lakas ko? Umiling-iling na lang ako ’tapos dinispatsa ko ang kuwestiyon na ’yon sa ’king isipan. Liko roon, liko rito—’yan ang paulit-ulit kong ginagawa upang takasan ang grupong kinatatakutan ng mga estudyante sa Merryfield High.

Kapagkuwa’y umusbong ang katiting na saya sa ’king sistema at dali-dali akong umusal ng pasasalamat nang mahagip ng mga mata ko ang ilang taong tumatawid sa pedestrian lane. Kaya, karaka-raka akong nagsumiksik, dahilan para magmukha akong sardinas na kalalagay lang sa lata. May mga nagreklamo sa biglaan kong paglitaw, at ang ilan naman ay nagpukol ng matatalim na titig kaya napaiwas ako ng tingin. Pero ’di ko sila masisisi. Kung sakaling tumaob ang lamesa, ganiyan din siguro ang magiging reaksyon ko.

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon