KANNAGI
’Di tulad sa movies na napanonood ko noon na kapag nauulanan ang mga bida o may romantic scenes sa gitna ng ulan, parang wala lang pagkatapos. Pero ang isa sa ’min, si Clyve, matapos magpaulan, nilagnat kinabukasan.
“Bakit naman kasi nagpaulan ang mosh ko na ’yan?” Bagama’t alalang-alala na ’ko sa kalagayan niya, nagawa ko pang magbiro. Nilapat ko ang isa kong kamay sa kanyang noo, samantalang idinikit ko naman ang kabila sa noo ko. Mas mainit talaga siya kaysa sa ’kin!
Kaya ang sunod kong ginawa, aligaga akong nagtungo sa kusina para kumuha ng maliit at malinis na palangganang may lamang maligamgam na tubig. Pagkabalik ko sa ikalawang palapag, sa kuwarto ni Clyve, dumukot na rin ako ng bimpo mula sa isang tokador dito. ’Tapos n’on, pinunasan ko ang buo niyang katawan at saka sa huli’y inilagay ko ang nakatuping bimpo sa kanyang noo.
Dito na ako natulog sa mansyon kasi wala siyang kasama. Ipinaalam ko naman na kay Tita Pamila na masama ang pakiramdam ni Clyve at kailangan niya ng kasama kaya naintindihan naman niya agad. Nawala na rin sa isip ko kung ano man ang mga ganap sa eskuwelahan namin. Ang mahalaga sa ngayon ay gumaling si Clyve.
Kinabukasan, dumalaw rito si Tita at nagdala ng mainit na congee. ’Di naman siya nagtagal; nagpaalam kaagad siya pagkatapos niyang ilagay sa mangkok ang kanyang dala.
Hinatid ko siya patungo sa labas. “Mag-ingat po kayo, Tita. ’Wag n’yo pong kalimutan: umiwas po muna kayo sa mabibigat na gawaing-bahay. Okay?”
“Sige po, ’Tay,” biro pa niya.
Pagkasara ko ng gate, tumalikod ako para bumalik sana sa loob, kaso, may biglang nag-doorbell kaya dali-dali akong pumihit at muling lumapit dito.
“Sino ’yan?” kapagkuwa’y tanong ko.
“Kann, ako ’to si Gemini,” agarang sagot nito.
Kaagad kong binuksan ang gate at tumambad sa paningin ko ang nakangiting si Gemini at may kasama pa siyang isang lalaki—halos ka-height ko lang din, payat, at saka nakasuot ng salamin sa mata. Sa tantya ko, kaedaran lang niya ’tong si Gemini.
“Tuloy ka, Gemini,” ang sinabi ko sa kanya, suot-suot ang malapad na ngiti. At sa kasama naman niya: “At ikaw rin . . .”
Pinagdaop niya ang kanyang mga palad at saka bahagyang yumuko. “Hello po! I’m”—napalunok siya ng laway—“I’m Joaquin Yulores Agcaoli. Wayo na lang po.”
“Ahh. Pasok ka, Wayo.”
Iginiya ko sila patungo sa loob at pinaupo sa sofa. Nagpaalam muna ako sa kanila saglit kasi may kailangan pa talaga akong gawin sa itaas: kailangan ko pang pakainin at painumin ng gamot si Clyve.
Pumanhik ako sa ikalawang palapag at dumiretso sa kuwarto ni Clyve. Maingat ko siyang isinandig sa headboard ’tapos sinubuan ng mainit-init pang congee. Hindi na maipinta ang kanyang mukha, manaka-nakang napaungol sa init ng katawan, at saka napabuntonghininga.
BINABASA MO ANG
Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)
Romance[FINISHED] Categories : Boys' Love • Contemporary Romance • LGBTQ Kannagi Lacanlali, or Kann, suffers daily from social anxiety. Siya na ang nakatoka bilang caretaker sa mansyon ng mga Gulmatico, na nasa ibang bansa, buhat nang ma-admit ang tita niy...