Stare
Tumatak na naman iyon sa isip ko. At kahit wala namang malisya, dahil crush ko si Sir, feeling ko sinadya niyang hindi na banggitin ang mga scores dahil nakita niyang malungkot ako.
Ano raw?
Gusto kong matawa sa sarili. Nahihibang na talaga ako. Ganito talaga ako kapag may crush. O safe naman atang sabihin na karamihan ay ganito. Na lahat ng gagawin ng taong crush ay may ibig sabihin na lahat.
For sure naman na wala lang iyon kay Sir.
Nang dumating ang lunch ay sabay sabay kaming kumain sa silong ng aratiles. Sa tabi lang iyon ng building at ng flagpole. Bale lima ang aratiles na magkakatabi at sa bawat silong nun ay gawa sa sementong lamesa na may tig dalawang upuan na mahaba. Sa isa pang gilid ng lamesa ay bilugang upuan na gawa rin sa semento. Sa harap at tabi nun ay ang bukid. Masarap at malamig ang simoy ng hangin kaya the best na kumain dito at tumambay.
"Ano pa lang title niyo, Syl?" Tanong ni Robert, isa sa mga kaibigan ko na nasa STEM, tinutukoy ang research.
"Wala pa akong naisip, eh. Bukas pa naman ang passing. At kailangan tatlo ang maipasa," sagot ko at humiwa sa ulam na manok, problemado.
"Meron ako, matagal ko nang hinanda nung bakasyon pa lang. Pero dahil experimental ang amin, hindi ko na magagamit, descriptive kasi iyon. Ibigay ko na lang sa'yo baka makatulong..."
"Sige ba! Hirap pa naman akong mag-isip," tuwang tuwa kong sabi.
Bale anim kami. Katabi ko si Robert at sa harap ko ay si Leo. Katabi naman ni Leo si Angela. Si Mark naman sa kaliwang gilid at si Grace sa kanan. Ang dalawang huling nabanggit ay TVL- Cookery ang kinuhang strand.
Abala ako sa kinakain, narinig kong bumati sila Leo sa mga teachers na dumaan at uupo pa ata sa katapat naming lamesa. Hindi ko na pinansin dahil matigas ang parte ng manok na kinakain. Sinisimot ko pa iyon nang masulyapan ko ang mga teachers na paupo.
Isa na roon si Sir Noah!
Agad kong inayos ang sarili at pinunasan ang bibig. Buti at hindi niya nahuli ang tingin ko. Abala sila sa pag-uusap ng mga kasama niya. Bale lima sila at may kasamang isang lalaking student na sa tingin ko ay grade. 11. Yumuko agad ako nang patingin na si Sir Noah sa banda namin.
Ano ba naman 'to!
"Omg sila Sir Noah! Dito pala sila lagi kumakain? Huwag na tayo sa Jollibee next time at nali-late lang naman tayo! Dito na tayo lagi!" Malanding bulong ni Leo.
Ngayon lang kasi kami nakapag lunch ulit dito mula nung first day of school. Pero dati naman lagi kami dito. Ngayon ko lang napansin na dito pala kumakain sila Sir. Kasama ang isang sir din sa P. E at tatlong teachers na hindi ko alam kung anong subject ang handle. Alam ko na agad kung bakit sila ang nasa isang grupo. Halata kasi na hindi nalalayo ang edad nila sa isa't isa. Mga bata at fresh sila tignan kumpara sa ibang teachers dito na matanda na.
Tinapos ko agad ang kinakain. Nakita kong nakaupo si Sir Noah at ang katabi niyang teacher sa upuan na nakaharap sa pwesto namin. Kaya talagang kitang kita sila sa pwesto ko. Umalis ang iba nilang kasama at naiwan si Sir Noah at ang kasama niya. Nag-uusap sila pero dahil mahina lang at ilang hakbang din ang layo sa amin, hindi ko marinig kung ano iyon. Sa gitna ng pag-uusap nila ay nahuli niya ang tingin ko. Napakurap kurap ako at umiwas agad ng tingin.
Niligpit ko na ang pinagkainan. Sila Angela at Leo ay pinag-uusapan na naman ang tungkol sa pag-lunch nila Sir Noah dito. Napatingin naman ako kay Robert nang kunin niya ang styrofoam na pinagkainan ko at siya na mismo ang nagtapon. Inoffer niya rin sa'kin ang alcohol na dala niya.