Pilipinas, 1959
Lokasyon: Unibersidad ng Pilipinas, Diliman"Isa..."
Isang mabigat na hininga ang binitawan ng dalaga na pilit tinitiis at iniinda ang sakit na nararamdaman makaalis lamang sa lugar kung saan hindi niya alam kung maaaninag niya pa ba ang bukas ng ngayon.
"Dalawa..."
Pilit na pagpipigil sa nagbabadyang luha, paulit-ulit na tinitingnan ng binata ang kalagayan ng dalaga kahit na may iniinda rin siyang sakit sa sarili niya.
"Takbo!" Malakas na sigaw ng armadong lalaki sa likuran nila na siyang dahilan upang bumilis ang mga yapak nilang dalawa.
"Liham... ano'ng gagawin natin?" Halos walang boses na sambit ng dalaga. Magkahawak ang kamay nilang tinatakbo ang madilim na kalye ng University Avenue. Parehong puno ng kaba, takot, at galit. Lumuluha nilang binabaybay ang kalsada pabalik sa unibersidad na nagsilbing tahanan nila. Tahanan na ni minsan ay hindi nila inakalang magiging lugar na hahadlang sa pangarap nilang dalawa.
"Sumuko na kayo at hindi namin kayo sasaktan." Binalot ng kilabot ang mag-kasintahan nang marinig nila ang mga katagang iyon mula sa boses ng isang lalaking humahalakhak pa na parang nakikipaglaro lang ito sa kanila. Dahil doon, kahit na nahihirapan na, binilisan pa nila ang takbo patungo sa oblation.
Isang takbo.
At isang pang takbo.
Hanggang sa natagpuan na lamang nila ang kanilang mga sarili sa harapan ng statue habang napapaligiran ng mga armadong militar na walang nais gawin kung hindi wakasan ang buhay nila.
"Hanggang dito na lang ang pagiging traydor niyo sa bayan, Isko." Giit ng isang sundalo habang tinututukan sila ng isang mahabang baril. Nilibot ni Liham ang kanyang mga mata sa paligid. Hindi na mabilang kung ilang baril ang nakatutok sa kanilang dalawa sa mga oras na ito. Isang dosena? Dalawa? Hindi nila alam. Basta sigurado sila sa bagay na rito na magwawakas ang buhay nila pareho.
"Talikod!" Utos ng isa pang sundalo at sapilitan silang pinatalikod gamit ang dulo ng baril nito. "Ito ang mangyayari sa mga aktibistang walang ibang ginawa kung hindi traydurin ang gobyerno." Dagdag pa nito at walang habas na hinampas ang dulo ng baril sa ulo ni Liham dahilan para mapaupo ito sa sahig. Napasigaw ang dalaga sa nasaksihan at nanginginig na itinapal ang maliit na palad sa nagdurugong ulo ng binata. Walang humpay na hikbi at luha. Walang tigil na galit at kaba.
Sa kabila ng nakadudurog-pusong eksena ng mag-kasintahan, nakuha pang humalakhak ng mga militar na animo'y natutuwa pang makita silang nasasaktan. At sa mga oras na iyon, napagtanto na ni Pluma na wala na talagang maaawa at tutulong sa kanila — kahit katiting na awa.
Hinawakan ni Liham ang kamay ng kasintahan at nginitian ito — isang matamis na ngiti na sa huling pagkakataon niya na lang maibibigay rito.
"Pluma?" Nanghihinang sambit ng binata. "Hawakan mo lang ang kamay ko," Yumuko siya at mariing pumikit. "Ipikit mo lang ang mga mata mo, Pluma," Pigil luhang tumango nang tumango ang dalaga habang ipinipikit ang mga matang hindi niya na maimumulat pa. "Isipin mo lang na mamamatay tayo ngayong gabi na 'to hindi para sa sarili natin..."
Sa mga oras na iyon, alam nilang magwawakas silang ipinaglaban ang tama.
"Ngunit para sa Pilipinas."
Kasabay ng pagyakap ng ihip hangin, binalot ng dalawang putok ng baril ang paligid.
At tuluyang naglaho ang buhay nilang wala namang ibang hangarin kung hindi hustisya para sa bansang sinilangan.
Ngunit wala silang pagsisisi.
Ipinaglaban lamang nila kung ano ang tama.
―
bawatartikulo
BINABASA MO ANG
Silakbo
Historical Fiction"Sa harapan ng oblation statue, doon binaril 'yung mag-kasintahang biktima sa Manila Uprising. Hindi pa sila nakakakuha ng hustisya. Hindi ko alam kung kailan nila makakamit ang hustisya." bawatartikulo