Kabanata 8

217 10 3
                                    

Pilipinas, 1959
Buwan ng Pebrero



Pluma.

Noong sinabi ni Liham na nabasa niya na nga ang lahat ng akda ko, seryoso nga siya sa bagay na 'yon.

"Kahit isang beses ba hindi mo naisipang tumigil?"

Nahinto ako sa pag-ukit ng kung ano-anong letra sa mesa gamit ang walang tinta kong ballpen nang sabihin 'yon ni Liham. Bumaling ako sa kanya pero nanatili siyang nagdo-drawing sa sketchbook. "Tumigil magsulat?"

"Hm."

Natahimik ako sandali. Naisipan ko na bang tumigil? Parang buong buhay na yata akong nagsusulat. Ultimo maliit na bagay na bumabagabag sa akin, imbes na ipagsabi ko pa sa mga kaibigan ko o sa ibang tao, isusulat ko na lang. Pakiramdam ko kasi mas nailalabas ko ang pagkatao ko sa pagsulat. Mas nakikilala ko kasi ang sarili ko sa paraan ng pagsusulat.

Kung paano ako mag-isip.

Kung paano ko ba maintindihan ang mga bagay-bagay.

Kung gaano ba kalalim 'yung mga pananaw ko sa buhay.

"Hindi."

Nag-angat siya ng tingin at dumiretso ang mga mata niya sa akin. "Sana 'wag mong maisipang tumigil."

Ngumiti ako at yumuko na lang uli. Mula sa abot ng paningin ko, napansin ko pang ngumiti rin siya bago bumalik sa pagguhit.

Wala rin naman akong balak tumigil.

Nandito kami sa isang bakanteng classroom ngayon. Magkatabing nakaupo sa mahabang desk habang magkatapat ang mga katawan sa isa't isa. Ang sabi niya kasi, manatili lang daw ako rito dahil ako 'yung pagpapraktisan niya sa pag-drawing. May assignment daw kasi silang ipapasa mamaya.

Sa totoo lang, hindi namin pinlanong tumambay rito — o kahit magkita man lang. Nauna ako rito sa classroom dahil naghihintay ako ng klase. Nagulat na lang ako pumasok na siya dahil naghahanap daw siya ng tatambayan. Maingay kasi ngayon sa unibersidad dahil naghahanda sila para sa event bukas dahil Valentine's Day. Aalis pa nga sana siya pero sinabi ko na ako lang naman 'yung nandito kaya ayos lang na tumambay rin siya.

Ewan ko ba, simula noong araw na 'yon sa library palagi ko na siyang nakakasalubong sa unibersidad. Hindi ko alam kung dahil ba kilala ko na siya kaya napapansin ko na siya o ano pero madalas na naming binabati ang isa't isa. Hanggang sa bigla na lang kaming naging malapit kahit na hindi naman kami nagkasundong maging magkaibigan.

"Patapos na..." Halos bulong na lang niyang sabi habang abala pa rin sa paulit-ulit na paglapat ng lapis sa papel.

Si Liham? Siya 'yung taong may ugaling hindi mo aasahang makita sa isang tao. Malalim ang pag-unawa niya sa lahat ng bagay at madali siyang makaintindi ng mga sitwasyon sa paligid. Kapag kasama ko siya, hindi lang ako natututo sa mga perspektibo niya sa buhay. Natututuhan ko rin ang magagandang bagay sa sarili ko.

Palagi niya kasing pinupuri.

"Liham, bakit hindi ka sumali sa Silakbo?"

At sa mga salitang 'yon siya napahinto. "Ako? Ayaw ko. Nakakatakot mga tao roon."

Hindi ko maiwasang tumawa. "Baliw, bakit nakakatakot?"

Nagkibit-balikat siya. "Ewan, parang ang tali-talino niyo kasing lahat doon," Inayos niya 'yung salamin niya gamit ang hinlalato tsaka hinarap sa akin 'yung drawing na kaunting detalye na lang ay tapos na. "Malapit na matapos."

Hindi ko pinansin 'yung drawing. "Pero magaling kang gumuhit at gumamit ng camera. Hindi ba pangarap mong magtrabaho sa film industry? Bagay 'yung pagiging malikhain mo sa Silakbo."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 04, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SilakboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon