Pilipinas, 1958
Buwan ng DisyembrePluma.
"Ang mamatay nang dahil sa'yo..."
Parang binalot ng puting liwanag ang mga mata ko pagbaba ko ng paningin mula sa pagtingala sa watawat. Tuwing Lunes ng alas otso ibinabandera ang bandila sa unibersidad kaya sikat na ang araw. Kapag Biyernes ng hapon naman ibinababa.
Dahil Lunes ngayon at unang araw ng Disyembre, at saktong maaga ang Christmas event ng UP dahil maaga rin ang Christmas break, nakatipon ang lahat ng estudyante ngayon para sa morning assembly.
"Bakit ba kasi alas otso ang simula? Nananaginip pa sana ako ngayon!" Narinig kong reklamo ni Amalia na nakapila sa harap ko. Hindi ko na lang siya pinansin. Ganyan naman 'yan palagi. Lahat ng bagay inirereklamo ultimo paghinga ng mga tao sa paligid niya.
"Bakit ba rito ka nakapila? Naliligaw ka na naman ba ng program?" Pagtataray ni Michelle na nasa likod ko habang sinisilip si Amalia.
Tumalikod si Amalia at nakahalukipkip na hinarap si Michelle. "Kayo ang naliligaw. Journalism-Journalism pa kasi kayo, hindi na lang kayo nag-Political Science. Wala tuloy akong kasama."
Hindi ko talaga mapigilang matawa kapag naaalala ko 'yung katangahan ni Amalia. Bago pa man kami mag-apply noon, buong akala niya raw ay sa Political Science kami ni Michelle nagpalista. Hindi niya rin naman nasabi na 'yon pala ang kinuha niya kaya hindi kami nagtatanong. Nalaman na lang namin na sa ibang program siya napadad noong lumabas na 'yung resulta ng mga nakapasa.
Tapos sa buong tatlong taon namin dito sa UP, kami 'yung sinisisi niya sa kagagawan niya. Dahil hindi naman siya gaanong palakaibigan kagaya ni Michelle, mas madalas mo pa siyang makita sa program namin kaysa sa sarili niya. Ang pinapaalala ko na lang sa kanya, maraming matatalinong lalaki sa Political Science. Hindi ba mahilig siya roon?
"Magandang araw, mga Iskolar ng Bayan."
Tumingkayad ako upang makita kung sino 'yung nagsalita sa harapan. Si Doctor Juanita pala — 'yung school president na usap-usapang maraming manliligaw noong dalaga siya pero walang pumasa sa standard niya kaya wala siyang asawa. Narinig ko lang naman.
"Alam kong alam niyo kung bakit tayo nandirito ngayon."
"Para pagurin niyo." Mahinang sigaw ni Amalia kaya tinulak ko siya. Bakit ba ganyan 'yan siya. Nakakahiyang kasama.
"Hindi pa man sumasapit ang kapaskuhan, nais nang iparamdam ng unibersidad sa inyo ang kanyang pagmamahal sa munti nitong mga mag-aaral. Isang araw na kasiyahan at pagdiriwang na siyang magpapatibay sa ating samahan. Isang araw na puno ng galak at tuwa para mabawasan ang inyong mga pagkabahala sa huling pagsusulit niyo sa susunod na linggo."
"Hindi ba dapat tsaka tayo magsasaya kapag tapos na ang pagsusulit?" Bulong ni Michelle sa likod ko.
Dahan-dahang umatras ang katawan ni Amalia para makabulong din siya. "Baka parang sandwich lang. Magsasaya tayo ngayong event-mamamatay sa exam sa susunod na linggo-magsasaya ulit sa Pasko."
"Baka nga."
Bumuntong-hininga na lang ako sa pinagsasabi nila.
"For God and for country, let's all welcome the last month of the year with love and hope! Enjoy yourselves, Isko at Iska!"
Tuluyan nang nagkalat ang kaninang mga nakapilang estudyante sa University Avenue. Ang iba — kagaya ni Michelle na mahilig sa volleyball — sa gymnasium ang diretso para sa sports contest; ang iba naman ay sa conference hall para sa debate contests na pinangungunahan ng kurso ni Amalia.
Pero halos lahat sa amin ay papunta sa Sunken Garden. Naroon kasi 'yung mga palarong perya, 'yung food stalls, lalo na 'yung mga booth.
Bilang presidente ng Mass Communication Student Council (MCSC) at parte ng Silakbo, nagkaroon ako ng pribilehiyong bumuo ng sariling booth. Nakaisip kasi ako ng magandang ideya na parang hindi pa nagagawa rito sa unibersidad.
BINABASA MO ANG
Silakbo
Historical Fiction"Sa harapan ng oblation statue, doon binaril 'yung mag-kasintahang biktima sa Manila Uprising. Hindi pa sila nakakakuha ng hustisya. Hindi ko alam kung kailan nila makakamit ang hustisya." bawatartikulo