Kabanata 2

811 51 1
                                    

Pilipinas, 1959
Buwan ng Disyembre



Pluma.

"Hindi niyo ba naririnig..."

Nahinto ang pagtipa ko ng mga letra sa keytop ng typewriter nang mapansin ko sa paanan ko na nasisinagan na ako ng araw. Tumanaw ako sa bintana at doon ko nakitang napalitan na ng liwanag ang kanina lang ay madilim na paligid. Nagsimula ako rito bandang alas kwatro. Gaano katagal na ba akong nagsusulat?

"Tinig ng bayan na galit..."

Masyado yata akong nadala sa ginagawa ko. Nilibot ko ang paningin ko sa Journalism room at tumama ang mga mata ko sa wall clock. Alas syete na ng umaga. Tatlong oras na ako rito pero hindi pa ako matapos-tapos. Bilang naatasang magsulat ng single article — artikulong ipapalaganap namin bukas sa ilalim ng school publication na pinangalanang Silakbo, hindi ko alam kung marami lang ba akong hinanaing o gusto ko lang ng perpektong artikulo.

"Himig ito ng Pilipinong 'di muli palulupig..."

Huminga ako nang malalim bago tumayo para iwan ang typewriter at ang mga nakakalat na papel sa lamesa. Naglakad ako patungo sa bintana kung saan tanaw ko ang mga kapwa ko estudyante sa ilalim ng malaking puno habang masaganang gumagawa ng mga tarpaulin at slogan na gagamitin para sa protesta bukas kasabay ng masaya nilang pag-awit sa kantang sila rin mismo ang bumuo.

"Dudurigin ang dilim, ang araw ay mag-aalab..."

Handa na talaga sila para bukas.

"At mga pusong nagtimpi ay magliliyab..."

Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayong mga oras na ito. Ang Silakbo — dating kilala bilang pamahayagan lamang ng unibersidad — ngayo'y isa nang malawak na abenidang nagbuklod sa mga estudyanteng handang bumoses para sa naglalahong karapatang-pantao at demokrasya sa bansa.

Ang dating mga animo'y bulag at bingi sa maling pagpapatakbo ng gobyerno, ngayo'y bukas na ang mga paningin at pandinig para labanan ito.

Habang iginagala ko ang mga mata ko sa kanila, bigla akong may napagtanto dahilan para mapabuntong-hininga ako. Hindi ako makakasali sa kanila sa pakikibaka bukas. Hindi kasi kakayanin ng katawan ko at baka ikamatay ko lang kung ipipilit ko pa. Nakakainis.

Bilang isang taong nabiyayaan ng mahinang resistensya, ang tanging ambag ko lang dito ay gamitin ang talento ko sa pagsulat at magbahagi ng mga artikulo sa loob at minsan ay sa labas ng paaralan. Sinasabi nila sa akin na malaki na ang ambag ko sa grupo, pero hindi pa rin sapat para sa sarili ko.

Pangarap ko ring pisikal na makibaka — kagaya ng mga kamag-aral kong buong pusong sumisigaw ng 'huwag matakot'. Kung kaya ko lang, gagawin ko. Pero hindi.

Binuksan ko na lang 'yung radyo sa lamesa na nasa tabi ko. Gusto ko sanang makinig ng kanta para mahimasmasan kaso bigla akong nakaramdam ng inis nang marinig ko ang boses na 'yon.

"We are not the villains here. Ginagawa lang ng Presidente ang lahat ng makakaya niya upang disiplinahin ang mga tao. Nasobrahan na sila sa inaangkin nilang "freedom of speech" kaya't wala na silang respeto sa mga nakaupo sa pwestong gusto lang naman silang pagsilbihan at bigyan ng maginhawa at maayos na buhay. Kung sana ay nakikisama sila sa administrasyon, hindi sila matatawag na terorista."

Pagsilbihan? Ang sabihin niya, nandyan lang sila sa gabinete para magnakaw sa kaban ng bayan. Kunwari pa siyang may ambag. Kunwari pa silang may pakialam.

"Ngunit, Senator Versoza, ang sigaw ng mga taong ito ay hindi naman daw po sila terorista. Simpleng mamamayan lamang daw po sila ng bansa na walang ibang hangarin kung hindi marinig ang mga hinaing nila dahil tila napapasawalang-bahala niyo na raw ang kanilang karapatang-pantao; lalo na po noong ipinatupad ang Anti-Terrorism Act of 1959."

SilakboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon