KAKAUNTI ang customers ng Tipsy Bear sa gabing iyon dahil sa paparating na bagyo. Alas-onse ng gabi nang mag-announce silang magsasara at twelve midnight.
"Ihatid na lang kita, huwag mo nang papuntahin dito ang sundo mo," alok ni Pierre kay Amari nang ite-text sana niya si Paeng. "Umuulan na," sabi pa nito.
Tiningnan niya ito nang masama, tumawa naman ang lalaki. Pero may point ito, papalakas na ang ulan. Ayaw niyang sumuong doon si Paeng.
"Nagmamagandang-loob lang," ani Pierre.
"Hatid lang?" taas-kilay na tanong niya.
"Puwede namang higit pa doon."
Hinampas niya ito sa dibdib. "Manyak!"
Bumubuwelo na ang ulan at hangin nang magpahatid si Amari kay Pierre. Nasa ilalim ng signal number two ang probinsiya ng Sinagtala. Bilin sa kanya ni Isaac na isara ang club ng tatlong gabi kung kinakailangan.
"Ipasok mo sa garahe itong kotse mo," sabi niya kay Pierre nang makarating sila sa harapan ng kanyang tirahan. "Mamaya ka na umuwi."
Nakangising sinunod ni Pierre ang sinabi niya.
"Hoy, nagmamagandang-loob din lang ako. Lumalakas na ang bagyo, baka madisgrasya ka sa daan. Kargo de konsensiya pa kita."
May kinuha ang lalaki sa likod ng kotse pagkababa nito. Isang malaking backpack.
"Ano iyan?"
"Mga gamit ko."
Nag-panic si Amari. "Anong mga gamit? Hindi ka titira dito, uy!"
Tumawa si Pierre. "I bring clothes and toiletries with me all the time. I go to the gym, kasali din ako sa motocross club."
"At iniuuwi ka rin ng mga babae mo?"
"Hindi. Ikaw pa lang ang nag-uwi sa akin."
Inirapan niya ito saka pinapasok sa loob ng bahay. At home na at home na talaga ang impakto at dumiretso ito sa kusina pagkalapag ng bag sa sofa.
"You want coffee?" alok nito sa kanya habang nakasunod siya rito.
"Sige."
Alam na rin nito kung saan hahanapin ang ground coffee sa pantry.
"Nagugutom ka ba?" tanong ni Amari habang tumitingin siya ng puwedeng lutuin sa refrigerator.
"Ayos lang ako."
Nag-inat siya. "Puwede naman kitang ipagluto."
"Hindi mo ako kailangang asikasuhin, Amari. Kagagaling mo lang sa trabaho."
"Okay lang, nagugutom din naman ako. Gusto mo ng juice?"
"No, I'm good with coffee."
Naglabas siya ng canned pineapple juice.
"Tinatamad kasi ako magluto sa totoo lang, mag-isa ko lang namang kakain."
"I see that. 'Andaming cup noodles at de lata sa cabinet."
"Hindi ka kumakain ng ganoon? Rich kid ka kasi."
"Rich kid ako pero nagluluto pa rin ako ng pagkain ko."
"Well, boss ka naman sa trabaho mo, so madami kang extra time. I'm sure may kasambahay ka rin. Know your privilege."
Tumawa ang lalaki. "Paanong napunta naman diyan ang usapan?" anito habang nagsasalang ng kape sa dalawang tasa. "Wala akong kasambahay— well, iyong helpers sa bahay ng parents ko, nagpupunta sa bahay ko twice a week para maglinis at maglaba. Minsan, nagluluto din sila. But I usually cook my own food and do the chores around the house."

BINABASA MO ANG
Charmed Too Deep (Wattys 2024 Grand Prize winner)
RomanceWattys 2024 Grand Prize winner Goal: Gayumahin ang lalaking crush na crush mo. Plot twist: May ibang nakiinom sa drinks na hinaluan mo ng gayuma.